INALON ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang bagwis ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 67-61, sa kanilang huling salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 15.
Lumagablab si DLSU Team Captain Bernice Paraiso matapos pumoste ng 15 puntos at apat na rebound. Umagapay rin si Co-captain Lee Sario nang tumikada ng 15 puntos at walong rebound. Sa kabilang panig, namayagpag si Most Valuable Player frontrunner Kacey Dela Rosa nang magtala ng 22 puntos, 11 rebound, dalawang block, at isang assist.
Sanib-puwersang sinunggaban nina Lady Archer Sario, Paraiso, at Ann Mendoza ang unang kwarter matapos gulantangin ang loob ng arko, 6-2. Sinimulan naman ni Dela Rosa ang pagkalampag para sa kampo ng Loyola, ngunit kaagad giniba ni Sario ang kumpiyansa ng mga katunggali matapos magpakawala ng tres mula sa assist ni Mendoza, 11-9. Bunsod nito, hindi na nakailag ang mga agila sa mga panang pinakawalan ng kababaihan ng Taft, 25-17.
Nagulantang sa bugso ng unang tatlong minuto ang Blue Eagles sa back-to-back na tres nina DLSU shooting guard Sario at small forward Luisa San Juan, 31-18. Tinangkang pumalag nina Blue Eagle Junize Calago at Dela Rosa nang pumoste ng apat na puntos mula sa free-throw line, 32-28. Pumatol naman ang tambalang Sario-Mendoza matapos sulutan ng apat na puntos ang kabilang koponan, 38-29. Muli pang pumalaot si Sario ng layup at nag-ambag ng dos sa talaan, 40-31. Samakatuwid, namayani ang puwersa ng Berde’t Puting koponan, ngunit lumayag sa nalalabing segundo si Dela Rosa mula sa isang atake at free throw, 40-36.
Pinaalat ni Paraiso ang depensa ng Katipunan-based squad sa pagbubukas ng ikatlong kwarter matapos bumulusok sa loob ng paint, 46-38. Sinubukang iahon ni Calago ang naghihingalong lipad ng Blue Eagles nang makapag-ambag ng dos sa talaan, 50-48. Gayunpaman, tuluyang pinalobo ni Betina Binaohan ang kalamangan sa bisa ng jump shot at dalawang free throw, 54-48.
Naunang namayagpag si Blue Eagle Dela Rosa nang sumakmal ng apat na puntos at nasundan ng floater ni Calago, 54-53. Naging mainit pa ang bombahan ng iskor ng tablahin ni Calago ang talaan mula sa isang free throw shot, 54-all. Kaagad namang rumesbak sa labas ng arko si kapitana Paraiso na ginatungan pa ni San Juan ng tres, 60-55. Umaksyon din ng layup si Paraiso na sinundan ng tres ni Dalisay, 65-61. Buhat nito, tinuldukan ni Binaohan ng free throw shot ang bakbakan, 67-61.
Sa kabila ng pagkalaglag sa final four ng naturang torneo, matagumpay na naitawid ng Lady Archers ang kanilang kampanya kontra Blue Eagles bitbit ang 6-7 panalo-talo kartada. Samantala, sunod na babanggain ng Taft mainstays ang University of the East Lady Warriors sa darating na Linggo, Nobyembre 19, sa ganap na ika-11 ng tanghali sa SM Mall of Asia Arena.
Mga Iskor:
DLSU – Sario 15, Paraiso 15, Binaohan 11, San Juan 11, Mendoza 10, Dalisay 5.
ADMU – Dela Rosa 22, Calago 21, Makanjuola 12, Joson 6.
Quarter Scores: 25-17, 40-36, 54-48, 67-61.