NIREBISAHAN ng Legislative Assembly (LA) ang Omnibus Election Code (OEC) matapos tukuyin ang ilang aberya sa kabiguan ng General Elections (GE) 2023. Kaugnay nito, isinapinal ang Revised Omnibus Election Code of 2023 nitong Setyembre 27.
Pinapalawig ng naturang resolusyon ang mga panuntunan sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC), mga karapatan ng mga independiyenteng kandidato at panibagong batch upang tumakbo, at mga gampanin ng LA, DLSU Commission on Elections (COMELEC), at mga kandidato sa eleksyon.
Pagdaan ng mga siklo ng eleksyon
Nagbalik-tanaw si Chief Legislator Sebastian Diaz sa prosesong elektoral sa Pamantasan bago ganap na itakda ang orihinal na bersyon ng OEC noong 2021. Isiniwalat niyang nilimitahan ng pabago-bagong paglagda sa mga Memorandum of Agreement at paghain ng Online, Special, Freshmen, at iba pang election code kada halalan ang pagpapalalim ng kamalayan ng mga estudyante hinggil sa demokratikong proseso sa Pamantasan.
Samakatuwid, isinaayos ng OEC ang pundasyon ng mga halalan sa loob ng University Student Government (USG). Paninindigan ni Diaz, “May karapatan ang mga pangunahing stakeholder ng mga eleksyon—[ang] mga mag-aaral—na malaman ang mga kwalipikasyon ng mga taong gustong maglingkod sa kanila, at ang pagkakaroon ng iba’t ibang dokumento ay hindi makatutulong sa pagpapalawak ng karapatang ito.”
Inamyendahan naman ang OEC nitong Mayo 31 upang bigyang-daan ang mga bagong batch na tumakbong ehekutibong opisyal at College Assembly President (CAP). Bunsod nito, sapat na ang apat na termino upang tumakbong ehekutibong opisyal at CAP. Iniuugnay ang probisyong ito sa pagpalit ng opsyonal na summer term sa ikatlong termino ng akademikong taon 2021–2022.
Pagsasaboses ni Josene Gonzales, tumatakbong college president ng Ramon V. del Rosario College of Business mula sa Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon), “Hindi naman pinili ng lahat na pumasok noong panahon na ito. Kinikilala ng pagbabagong ito [sa OEC] ang pagkakaiba ng tinatahak na daan ng bawat estudyante sa kanilang panahon dito sa De La Salle.”
Inihain din ni dating Acting COMELEC Chairperson Joaquin Sosa ang pagtanggal sa mga opisyal na kulay ng mga kandidato para sa panahon ng pangangampanya. Ipinagpatuloy ng panukalang ito ang inisyatiba ni dating COMELEC Chairperson Vincent Magsalin na ipatag ang entablado ng eleksyon para sa mga independiyenteng kandidato at mga partidong politikal na may malalim nang kasaysayan sa mga eleksyon sa Pamantasan.
Hindi na rin kinakailangan ng pag-apruba mula sa COMELEC upang bumuo ang mga independiyenteng kandidato ng koalisyon. Pagbabahagi ni Sosa, “Ang mga [dating] probisyon ng OEC para sa mga kandidato na ito ay napakahirap. Ngayon, ako ay nagpapasalamat at umaasa na kahit sino pwede tumakbo at kumatawan bilang opisyal sa USG.”
Pag-unawa sa komplikasyon ng OEC
Muling inamyendahan ang OEC sa rekomendasyon ng komite ng Electoral Affairs na itinatag ni Diaz. Alinsunod ito sa mandato ng LA at COMELEC na nag-aatas sa komiteng pangasiwaan ang mga magiging pagbabago sa eleksyon kasunod ng GE 2023.
Hinarap ng mga partidong politikal noong Hulyo 29 at ng COMELEC noong Agosto 11 ang komite sa mga legislative inquiry session na idinaos upang suriin ang ugat ng kabiguan ng eleksyon. Binaha naman ang mga sesyon ng hinaing mula sa Santugon at Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) na umalma para sa magulo umanong direktibo ng komisyon hinggil sa mga bago nitong proseso.
Pinuna ng mga partido ang huling paghingi ng COMELEC sa C-04B o Their Takes na naglalaman ng mga katanungan hinggil sa paninindigan ng mga kandidato sa mahahalagang isyung panlipunan. Gayunpaman, depensa ng COMELEC, hindi idinidikta sa nakaraang bersyon ng OEC ang agarang paglalabas sa kumpletong talaan ng mga hinihinging dokumento sa simula ng panahon ng paghahain ng COC.
Tinuligsa rin ng Santugon ang biglaang pagbabago sa proseso ng pangangalap ng Certificate of Good Moral Character (CGMC) ng mga kandidato at ang pagtatakda ng COMELEC ng deadline sa kaparehong araw na hiningi ang mga panibagong rekisito. Subalit, itinanggi ng komisyong nagkaroon ng pagkukulang ang kanilang tanggapan sa pangangasiwa ng CGMC, bagkus nagmula ang mga pagbabago sa mga suliranin sa panig ng Student Discipline Formation Office.
Dagdag pa ni Sosa, “Lagi namin silang ginagabayan—[ang mga kandidato]—at hinihikayat magkonsulta sa mga proseso. . . Ang pinapangunahan ng tanggapan namin ay ang Omnibus Election Code dahil dito nakabatay ang eleksyon.”
Isinaad naman ni Gaw na pinabilis lamang ng kabiguan ng GE 2023 ang pag-amyenda sa OEC. Pinahalagahan niyang hindi maididikta ng COMELEC o anomang batas ang magiging resulta ng mga halalan sa Pamantasan, sapagkat nakasalalay lamang ito sa kwalipikasyon ng mga kandidato upang tumakbo na pinagtitibay ng kani-kanilang COC.
Taliwas naman ito sa ipinahayag na saloobin ni Diaz. Pag-amin niya, “Sa katunayan, [malaking salik sa kabiguan ng GE 2023 ang nakaraang OEC]. Bilang isa sa mga pangunahing patnugot sa lahat ng mga pag-amyenda sa OEC simula noong ako ay naihalal na batch legislator, ang [mga] aspektong ito ng OEC ay hindi nabibigyan ng pansin.”
Isiniwalat niyang karaniwang umiikot ang pag-amyenda sa OEC sa pagsasaayos sa kalendaryo ng eleksyon, talaan ng mga kinakailangang dokumento para sa mga kandidato, at karampatang parusa sa hindi pagsunod dito. Kaugnay nito, nagdaos ang komite ng Electoral Affairs ng mga konsultasyon kasama ang COMELEC para sa pag-amyenda sa OEC.
Paglalatag sa pinalawig na sistema
Ikinintal ni Diaz na binigyang-priyoridad ng LA ang pagpapaigting sa karapatang bumoto at representasyon ng mga estudyante sa Pamantasan sa pagsasabatas ng mga probisyong may tiyak na hakbangin upang ipagpatuloy ang mga eleksyon.
Paglalahad niya, “Malaki ang respeto ng LA sa COMELEC at naiintindihan namin kung bakit hindi natuloy ang General Elections 2023, ngunit. . . hangga’t maaari, iniiwasang muling maudlot ang pagsasagawa ng eleksyon, lalo kung ang dahilan ay labas sa kontrol ng kung sinoman.”
Itinakda sa bagong bersyon ng OEC na magsisimula lamang ang panahon ng paghahain ng COC sa araw ng paglalathala ng komisyon sa kumpletong talaan ng mga papeles na kinakailangang ipasa ng mga kandidato. Ipinanunumbalik na rin sa mga kandidato ang responsibilidad ng pagkalap sa mga naturang dokumento matapos itong pangasiwaan ng komisyon noong pandemya at nitong nakaraang halalan.
Pahahabain na rin ang panahon ng paghahain ng COC na sanhi ng mga natural na kalamidad at pagbabago sa academic calendar. Gayundin, isinasaalang-alang sa mga probisyong ito ang mga aberya sa pagkumpleto ng mga hinihinging papeles na magmumula sa mga opisina sa Pamantasan at ang pagbibigay ng komisyon ng panibagong deadline para sa mga dokumento. Ipinagbabawal naman ang pagtatakda ng mga deadline para sa mga karagdagang rekisito sa kaparehong araw ng pag-anunsiyo nito.
Binibigyang-karapatan na rin ang mga kandidatong umapela para sa pag-usod ng deadline ng COC na tutugunan ng COMELEC sa loob ng 24 na oras upang hindi maantala ang pag-apruba ng mas matataas na opisina sa pasyang ipapataw ng komisyon para sa apela.
Muli namang iminamandato ang pagsusumite ng colors form upang magsilbing palatandaan ng mga gagamiting kulay ng mga partidong politikal at independiyenteng kandidato o koalisyon sa panahon ng pangangampanya.
Lumikha rin ang LA at COMELEC ng mga depinisyon para sa magkakaibang halalan matapos maging suliranin para sa komisyon ang kawalan ng batayan upang uriin ang mga ito sa GE 2023. Itinuturing nang kabiguan ng eleksyon ang pagkabakante ng isang puwesto bunsod ng kawalan ng kwalipikadong kandidato at pagkaantala ng eleksyon dahil sa paglipat ng kalendaryo nito sa ibang petsa.
Palalawigin na rin sa LA ang hurisdiksyon ng COMELEC na iantala ang eleksyon dahil sa hindi pag-abot ng kalendaryo nito sa nararapat na tatlong araw ng botohan. Isinasaalang-alang nito ang mga salik na makaaapekto sa kapakanan ng mga estudyante at sa kanilang kakayahang bumoto, kabilang na ang pagdedeklara ng state of calamity.
Maisasapormal lamang ang pagkaantala ng eleksyon matapos itong mapagkasunduan ng LA at COMELEC. Binigyang-linaw ding idinaraos ang GE para sa ikatlong termino ng bawat akademikong taon, ang Special Elections (SE) para sa kabiguan ng eleksyon, at ang Make-up Elections para sa pagkaantala.
Ipinagbabawal naman ang pag-amyenda sa OEC sa tatlong susunod na termino maliban sa summer term. Binigyang-diin ni Diaz na nararapat magkaroon ng matibay na basehan ang lahat ng pagbabagong ihahain ng LA at COMELEC para sa OEC at hindi sapat ang karanasan mula sa iisang siklo ng eleksyon lamang upang mapatunayan ito.
Ipinaalala rin niyang itinuturing ng kanilang lupong pinal na ang bawat pagrebisa sa OEC at hindi lamang inamyendahan ang kasalukuyan nitong bersyon para sa SE 2023. Wika ni Diaz, “Aming kinikilala na kung mayroong kamalian ay dapat kaya ng lehislatura na baguhin agad ito, [ngunit] ang mga tunay na kakulangan ay tiyak na lilitaw paulit-ulit kada eleksyon.”
Pagbantay sa demokratikong proseso
Inilahad ni Gaw na walang kaibahan ang SE 2023 sa mga eleksyong pinangunahan ng nakaraang tatlong chairperson ng COMELEC simula nang pairalin ang paggamit ng OEC.
Pagtutuwid niya, “Itinalaga ang COMELEC upang siguraduhin na ang halalan ay patas at marangal. . . Ipinagpapatuloy ko lang ang mga nakasanayang praktis na ginagawa ng COMELEC mula noon hanggang ngayon. . . Gayunpaman, ninanais ko na ang SE 2023 ay maging matagumpay.”
Patuloy namang sinusubaybayan ng komite ng Electoral Affairs ng LA ang SE 2023 at makikipag-ugnayan sa SLIFE, COMELEC, at mga partidong politikal upang suriin ang magiging epekto ng bagong bersyon ng OEC at tiyakin ang tagumpay ng eleksyon.