NAGNINGNING ang De La Salle University (DLSU) Animo Squad matapos ibida ang kanilang Pop Latin-themed routine sa kabila ng paglapag sa ikapitong puwesto sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Cheerdance Competition, Disyembre 2, sa SM Mall of Asia (MOA) Arena, Pasay City.
Dinagundong ng DLSU Animo Squad ang MOA Arena matapos umentrada sa entablado tangan ang kumikinang na berdeng kasuotan. Masigla ring umindak ang Taft-based squad sa mga tugtuging pinasikat ni Jennifer Lopez. Agaw-eksena pa ang naging pagtatanghal ng mga Lasalyano nang maisakatuparan ang kagila-gilalas na floor stunt at toss. Gayunpaman, nagtamo ng sunod-sunod na penalty at deduction ang Berde at Puting koponan matapos sumablay sa pagbuo ng solidong pyramid sa dulo ng kanilang routine.
Samantala, nagbalik-tanaw ang University of the East (UE) Pep Squad matapos magpamalas ng 90s anime-themed na pagtatanghal sa pagbubukas ng naturang paligsahan. Nagmintis man ang ilang stunts sa umpisa, humataw muli ang koponan mula sa Silangan. Samakatuwid, napangatawanan ng UE Pep Squad ang kanilang konsepto bitbit ang hashtag na BringBacktheMemorEAST at matagumpay na naibalik ang mga manonood sa kanilang pagkabata.
Tangan ang hangaring maisuot ang kanilang ikawalong korona, walang prenong nagpamalas ng maaliwalas at kaguli-gulilat na mga paandar ang defending champion National University (NU) Pep Squad. Hindi napigilan ang paglagablab ng grupo matapos magpasiklab ng malatrumpong indayog sa ere, pyramid stunt, toss, at tumbling. Matinik na winakasan ng NU ang kanilang pag-arangkada kaakibat ang alab ni Elvis Presley.
Sunod namang nagpasikat sa entablado ang Ateneo de Manila University Blue Babble Battalion matapos ibida ang kanilang pangmalakasang galaw sa temang Super Bowl. Sa kabila ng bigay-todong pag-indak, nahirapang makalipad ang mga agila upang makabuo ng matatag na pyramid. Gayunpaman, taas-noong tinapos ng mga pambato ng Loyola ang kanilang routine dala-dala ang suwabeng paggiling sa tugtog na “California Girls” ni Katy Perry.
Sa kabilang banda, hiyawan at agaw-atensyong makukulay na kasuotan naman ang hatid ng Adamson University (AdU) Pep Squad. Ibinida ng San Marcelino-based squad ang konseptong mula sa animated movie na “Trolls”, kaakibat ang sikat na kanta ni Justin Timberlake na “Can’t Stop the Feeling.” Nagkaroon man ng ilang errors, nangibabaw pa rin ang pagpapamalas ng masiglang pagsayaw ng koponan.
Matingkad na diwa at samu’t saring pyramid formation ang itinatak ng University of the Philippines (UP) Varsity Pep Squad sa unang minuto ng kanilang pag-indak. Naisabuhay ng mga Iskolar ng Bayan ang kanilang Eraserheads-themed na pagtatanghal nang ipalasap ang mga pulidong scale stunt kasabay ang awiting “Huwag Kang Matakot.” Marubdob namang tinuldukan ng UP ang kanilang paghataw matapos ipamalas ang kanilang oblation pose.
Ginimbal din ng UAAP Season 85 1st runner-up Far Eastern University (FEU) Cheering Squad ang entablado nang magpamalas ng malakompyuter game na pagtatanghal hango mula sa Super Mario Bros. Sumadsad man ang ilang stunt at toss, ikinatuwa pa rin ng mga manonood ang kanilang paggamit ng props tulad ng Mario karts at ang paglitaw ni Yoshi, isanga dinosaur na karakter sa Mario franchise.
Hindi naman nagpahuli ang University of Santo Tomas (UST) Salinggawi Dance Troupe sa kanilang temang BLACKPINK kaakibat ang mga paumpisang backflip at kahindik-hindik na pagpapalipad sa ere. Malakas na bira ang inihandog ng lipon ng España nang ilantad ang kanilang malarosas na gayak taglay ang matayog na tagilo. Samakatuwid, winakasan ng UST ang kanilang paandar nang ibalandra ang apat na karakter na sina Jennie, Jisoo, Lisa, at Rosé gamit ang kantang “Kill This Love.”
Bigo mang makatungtong sa podium, nanatili ang DLSU Animo Squad sa ikapitong puwesto sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Mga pagkilala:
FEU Cheering Squad – Champion (702.5 puntos)
NU Pep Squad – First runners-up (697 puntos)
UST Salinggawi Dance Troupe – Second runners-up (684 na puntos)
Iba pang mga pagkilala:
Stylish Performance Team Award – FEU Cheering Squad
Most Unique Dance Move Award – FEU Cheering Squad
BYS Best Toss Award- FEU Cheering Squad
Juicy-Fied Pyramid- FEU Cheering Squad
Silka Best Awra Dance – FEU Cheering Squad
Ranking ng iba pang mga koponan:
AdU Pep Squad– Ikaapat na puwesto (665 puntos)
UP Pep Squad – Ikalimang puwesto (602 puntos)
UE Pep Squad – Ikaanim na puwesto (559 na puntos)
DLSU Animo Squad – Ikapitong puwesto (555.5 puntos)
Ateneo Blue Babble Battalion – Ikawalong puwesto (532 puntos)