WINARAK ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kumpiyansa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 82-60, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa best-of-three finals series ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Disyembre 3.
Bumida sa talaan si DLSU point guard Evan Nelle matapos magpasiklab ng double-double output tangan ang apat na puntos, 12 rebound, 10 assist, at limang steal. Samantala, mainit na opensa naman ang ipinamalas nina Green Archer Francis Escandor at Joshua David bitbit ang pinagsamang 26 na puntos. Sa kabilang banda, nangibabaw para sa UP si Team Captain CJ Cansino na may 11 puntos, tatlong rebound, at isang assist.
Makuyad na binukadkad ng Taft-based squad ang unang yugto ng salpukan matapos ang maagang paglagablab nina Fighting Maroon JD Cagulangan, Francis Lopez, at Malick Diouf, 2-12. Sinubukan namang paganahin nina DLSU center Raven Cortez at Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao ang makina ng La Salle sa bisa ng putback lay-in at tip-slam, 13-18. Subalit sa kabila ng momentum ng kalalakihan ng Taft, nasungkit ng Fighting Maroons ang kalamangan para sa naturang set, 24-27.
Nagpasiklab ng maagang slam si big man Mike Phillips sa pagbulusok ng ikalawang kwarter, 26-27. Tangan ang hangaring ibigay ang bentahe sa Taft, humirit si small forward CJ Austria ng suwabeng layup kaakibat ang isang foul, 38-30. Umapoy rin ang mga kamay ni Escandor at ipinukol ang kaniyang ikatlong tres sa naturang kwarter, 44-34. Samakatuwid, tinuldukan ni Fighting Maroon Harold Alarcon ang first half sa bisa ng isang bank shot, 44-38.
Maaksyong binuksan ng Green Archers ang second half nang magpakawala ng tres ang bagong saltang si Jcee Macalalag, 47-38. Sa kabilang banda, nahirapang makabuwelo ang mga kalalakihan ng Diliman matapos paigtingin nina Quiambao at M. Phillips ang kanilang bantay-saradong depensa sa basket, 54-45. Nagpatuloy pa ang pag-arangkada ng Taft-based squad nang tumikada ng magkasunod na three-point shot si David upang tuldukan ang naturang kwarter, 65-49.
Tibay ng Berde at Puting kalasag naman ang ginawang puhunan ni MVP Quiambao matapos magtala ng magkasunod na block sa pagsisimula ng huling yugto. Pinalobo rin ni Macalalag ang bentahe ng luntiang koponan gamit ang perimeter jumpshot, 71-51. Sa huling dalawang minuto ng laro, nagkumahog para sa mga taga-Diliman si Rookie of the Year Lopez sa bisa ng reverse layup, 76-60. Gayunpaman, nagpakawala ng mga nagbabagang palaso sina Austria at Escandor sa labas ng arko upang buong loob na selyuhan ang salpukan, 82-60.
Buhat ng kagila-gilalas na pagsalba ng Green Archers sa laro, matagumpay na napalawig ng koponan ang pinal na serye. Subaybayan ang winner-take-all Game 3 ng Taft mainstays kontra Diliman-based squad sa darating na Miyerkules, Disyembre 6, sa ganap na ika-6 ng gabi sa parehong lunan.
Mga Iskor:
DLSU 82- Escandor 14, David 12, Austria 11, Quiambao 9, M. Phillips 9, Nonoy 8, Macalalag 7, Cortez 6, Nelle 4, B. Phillips 2.
UP 60 – Cansino 11, Diouf 11, Alarcon 10, Lopez 9, Cagulangan 6, Felicilda 6, Torculas 4, Abadiano 3.
Quarter scores: 24-27, 44-38, 65-49, 82-60.