INAPRUBAHAN sa ika-16 na regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang Commission for Officer Development (COD) sa Basic Policies Act, College Legislation Guidelines, at Student Grievance Redress Act na nagtatalaga ng mga panibagong mandato para sa mga opisyal ng University Student Government (USG), Nobyembre 29.
Bagong simula para sa COD
Isinaayos ni Chief Legislator Sebastian Diaz ang mga panibagong kwalipikasyon at mandato para sa mga mauupong opisyal ng COD sa Basic Policies Act na kaniyang inihain upang palitan ang COD Manual at ibalik ang operasyon ng komisyon. Dalawang taon na simula nang tumigil ang operasyon ng naturang yunit bunsod ng kabiguan ng Office of the Executive Secretary (OSEC) na magtalaga ng kapalit ni Katkat Ignacio, dating EXCEL2021 at komisyoner ng COD.
Gayunpaman, mananatili pa rin sa hurisdiksyon ng OSEC ang COD at ang pagpili ng magiging komisyoner nito sa unang tatlong linggo ng susunod na termino. Samantala, kinakailangan na ring magsumite ang COD ng mga ulat sa ehekutibo at lehislatibong sangay ng USG na maglalaman ng kalagayan ng kanilang operasyon kada termino.
Tinutukan naman ni Francis Loja, EXCEL2023 at dating chief legislator, ang probisyong nagtatakda sa 2.0 bilang pinakamababang Cumulative Grade Point Average (CGPA) ng itatalagang komisyoner ng COD. Mas mataas ito sa hinihinging 1.75 sa COD Manual at sa Omnibus Election Code para sa mga naihalal na opisyal ng USG.
Ikinabahala ni Sai Kabiling, CATCH2T26, ang mas pinahigpit na rekisito gayong pangunahing pagsubok na ng COD ang pagtatalaga ng kwalipikadong komisyoner. Nanindigan naman si Magistrate Brent Pasague sa pagpapatas ng mga kwalipikasyon ng COD sa ibang yunit ng USG. Bunsod nito, inamyendahan ang naturang probisyon at ibinaba sa 1.75 ang kinakailangang CGPA para sa komisyoner ng COD.
Hinamon din ni Loja ang pagpapawalang-bisa sa kabuuan ng COD Manual at iginiit na nabigo ang komisyon bunsod ng kawalan ng komisyoner na mamumuno rito at hindi dahil sa manwal na hindi pa nagamit kailanman.
Tinuligsa ito ni Diaz na umalma para sa mabigat na pasaning ipinataw ng mga rekisitong nakasaad sa manwal ukol sa pagbuo sa COD. Kabilang na rito ang paghirang ng isang chair, dalawang vice chair, at dalawang associate para sa mga departamento ng Evaluation and Policies, Documentations, at Changes in the Commission.
Isiniwalat din niyang inihain ang resolusyon upang magtakda ng malinaw na hangganan para sa mandato ng COD, sapagkat natatamaan nito ang ibang mga tanggapan sa Pamantasan. Ilan sa mga naturang tanggapan ang OSEC at Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment na nagpapakalat ng mahahalagang anunsyo sa loob ng USG.
Paglalahad ni Diaz, “My idea kasi for this bill is to allow the commission to grow organically, to set its structure, to find a way that would actually work, and for it to find its way in the USG.”
Pinagtibay ang panukalang batas sa botong 8 for, 5 against, at 0 abstain.
Sa kabilang banda, isinulong din ni Diaz ang pagsasapormal sa L.A.M. No. 923-01 o College Legislation Guidelines na nagtatakda ng mga panuntunan sa pagtatatag ng mga polisiya sa mga College Legislative Board (CLB). Ipinagkakaloob din ng naturang resolusyon sa mga college president ang kapangyarihang magbasura ng mga batas sa kani-kanilang kolehiyo.
Isinapinal ang resolusyon sa botong 14-0-1.
Pinalakas na suporta
Magdaraos na ng grievance workshop para sa bawat kolehiyo ang Office of the President at Office of the Vice President for Internal Affairs sa simula ng kanilang panunungkulan. Alinsunod ito sa inakdang Student Grievance Redress Act nina Zak Armogenia, FAST2021; Cedric Bautista, FAST2022; at Tina Erquiaga, BLAZE2025.
Inaatasan ang lahat ng mga college president at ehekutibong opisyal ng mga batch unit na dumalo sa naturang grievance workshop. Tatalakayin dito ang kahulugan ng iba’t ibang uri ng grievance at ang kabuuang proseso para sa paghahain ng mga ito. Binibigyang-kalayaan naman ang bawat kolehiyong lumikha ng kanilang sariling estruktura para sa naturang workshop bukod sa mga nabanggit na paksa.
Pagpapalalim ni Armogenia, “If the college government. . . wanted to teach students how grievances work. . . we give them the liberty and the creativity to be able to invite students if they want.”
Makapagpapadala naman ng pormal na babala ang mga college unit sa hindi susunod na batch unit, gayundin ang USG President para sa hindi susunod na college unit. Maaari namang tumawag ng censure proceeding ang pangulo para sa patuloy na hindi pagsunod ng isang yunit matapos itong makatanggap ng dalawang babala.
Inilatag din sa panukalang batas ang mga hakbang sa pagsusumite ng grievance report na magsisimula sa informal grievance. Magsisilbing kaagapay ng naghaing estudyante ang batch representative sa mga diyalogong isasagawa sa pagitan ng mga kasangkot na panig. Maaari namang umapela ang estudyante sa department chair para sa magiging desisyon hinggil sa grievance.
Salaysay ni Magistrate Atlas Alviar, “When there is no amicable discussion, that is when the [USG] President will assign a student adviser to start the grievance process that is already formal.”
Kinuwestiyon naman ni Loja ang pangangailangan ng grievance workshop upang matiyak ang pag-unawa ng mga opisyal ng USG sa kanilang gampanin. Gayunpaman, ipinaalala ni Erquiaga na mandato pa rin ng mga batch representative ang pag-abiso sa mga estudyante ukol sa kabuuang grievance process.
Ipinabatid din ni Alviar na handang tumulong ang mga student adviser sa mga inisyatiba ng ibang sangay ng USG sa kondisyong magiging bahagi sila ng bawat yugto ng mga proseso nito. Payo niya sa LA, “Moving forward with whatever actions you plan on the grievance process, please be careful on adding unnecessary steps. . . to the already burdensome grievance process. . . And please trust our student advisers with their duties.”
Isinabatas ang resolusyon sa botong 10-0-3.
Legasiya ng LA
Inanunsyo ni Marianne Era, vice chairperson ng komite ng Rules and Policies (RnP), na iaatas na ng RnP sa susunod na administrasyon ng LA ang pakikipag-ugnayan sa OSEC para sa pagtatalaga ng mga opisyal ng COD. Ipinasa na rin ni Armogenia, chairperson ng komite ng National Affairs at CLB ng Arts College Government (ACG), kay Vice President for External Affairs-elect Macie Tarnate ang mga dokumento ng Philippine Ethnic Council.
Iiwan naman ni Armogenia ang DLSU Commission on Human Rights sa hahaliling FAST2021 batch legislator. Kaugnay nito, inihanda na rin niya ang mga papeles ng bagong-tatag na sistema ng CLB ng ACG para sa susunod na chairperson nito.
Ibinida naman ni Kabiling, vice chairperson ng komite ng Student Rights and Welfare (STRAW), na ihahain na lamang ng susunod na mga miyembro ng STRAW ang pinakahuling panukala ng kasalukuyang administrasyon.
Pinasalamatan naman ni Diaz ang lupon para sa nakaraang tatlong termino at ibinalitang nakapagpasa ang kanilang administrasyon ng mahigit 50 batas. Hinimok din niyang aktibong makipag-ugnayan ang mga lilisang legislator sa mga susunod na liderato ng USG upang matiyak ang patuloy na tagumpay ng kanilang mga itinaguyod na polisiya.