Higanteng mga puno. Nagtitingkarang kulay bughaw na anyong tubig. Paraiso man sa unang tingin, may ikinukubling dungis ang Palawan. Sa lilim ng kagubatan maririnig ang ingay ng lagari. Masasaksihan ang paglagapak ng matayog na mga puno sa sabwatan ng malalaking korporasyon at politiko ng isla. Sa likod ng nakabibighaning ganda, hindi pa rin natitigil ang ilegal na pagtotroso at paghuli ng mga lamang-dagat.
Tahasang ibinunyag ng dokumentaryong, “Delikado”, ang mapanganib na mundong ginagalawan ng mga bantay-gubat ng Palawan. Sa direksyon ni Karl Malakunas, nakilala ang buhay nina Kapitan Ruben, Tata, Bobby Chan, at Nieves Rosento na walang takot na hinarap ang mga sumisira ng kanilang tahanan.
Kapalaran ng nakipagsapalaran
Tinalakay ng pelikula ang naratibo ni Chan, isang abogadong pangkalikasan at tagapagtatag ng Palawan NGO Network Incorporated (PNNI). Katuwang ang iba pang may hangaring panatilihin ang likas-yaman ng isla, sinikap ng grupo ni Chan na protektahan ang kalikasan ng Palawan. Nakatuon ang kakayahan ni Chan sa paggamit ng batas upang patawan ng parusa ang mga umaabuso sa kapaligiran. Sa kabilang banda, tungkulin naman ng kaniyang mga kasamahang hulihin ang mga sumusuway sa batas sa kalikasan.
Sa pangunguna nina Kapitan Ruben at Tata, araw-araw nag-iikot ang grupo sa kakapalan ng kagubatan upang harapin ang mga ilegal na mantotroso. Sa oras na mamataan ang maling ginagawa, buong-tapang nilang kinokompiska ang mga lagaring ginagamit ng mga salarin. Malalaking kompanya man ang nakalalaban, hindi nagpasindak ang kanilang hanay hanggang sa nakabuo sila ng “Chainsaw Tree.” Koleksyon ito ng mga lagaring umabot na sa mahigit 250 ang bilang—sumasalamin sa patong-patong na kasalanan laban sa kalikasan.
Handa man ang bawat miyembrong harapin ang kamatayan dahil sa delikadong trabahong kanilang pinapasan, hindi pa rin mapaghahandaan ang lagim ng kahihinatnan. Isang putok ng baril ang kumitil kay Kapitan Ruben nang mag-isa niyang harapin ang nagpadala sa kaniya ng isang kaduda-dudang sulat. Sa huli, buhay ang naging kapalit ng pagtindig sa adbokasiyang protektahan ang Palawan mula sa tuluyang pagkasira. Sinasalamin ng dokumentaryo ang madugong realidad: handang magdagdag ng sala ang mga makapangyarihan upang matuloy ang kanilang mga proyekto—masira man ang likas na yaman ng Palawan.
Bayaning pinagmukhang kalaban
Kakila-kilabot ang panlalamang at pagpapatahimik na dinadanas ng mga taong nagnanais na mapabuti ang Palawan. Gayunpaman, patuloy nilang ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang protektahan ang kagubatan—salamin ng kanilang labis na pagmamahal sa lugar at mga kababayan.
Kaagapay ng PNNI, nasubaybayan ng mga manonood ang pagmamahal ni Rosento sa probinsya at ang kaniyang adbokasiyang protektahan ang likas-yaman ng isla. Bagamat minamahal ng mga taong pinagsisilbihan, hindi rin nagtagal ang kaniyang panunungkulan nang manaig ang maduming pangangampanya. Gumamit ng dahas at bumili ng boto ang kaniyang katunggali sa pagkaalkalde upang mapasakamay ang posisyon.
Maliban dito, hindi rin nakatulong ang dinanas na mga akusasyon at pagbabanta ni Rosento mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019. Sa isang pambansang talumpati, inakusahan siya ni Duterte na isang pambansang drug trafficker at pinagbantaang papatayin. Wala mang kaso o ebisensyang sumusuporta sa paratang na ito, nag-ambag ito sa kaniyang pagkatalo sa 2019 na halalan.
Pagsulong sa hustisya at buhay sa Palawan
Mga korap na opisyal ng gobyerno, panlalamang tuwing halalan, mga aktibistang ginigiit—matagal nang ipinapahayag sa balita ang mga ito. Tungkulin ng gobyernong maglingkod sa mga taong nagluklok sa kanila sa posisyon, ngunit tila wala silang pakialam sa mga mamamayang dapat kanilang pinaglilingkuran. Ipinakita ng dokumentaryong ito ang nakadidismayang kabalastugan at pang-aabuso sa kapangyarihang taglay ng mga nakaluklok sa posisyon, lalo na ng mga hindi residente.
Sa patuloy na paninira at pagpapatahimik sa mga tagabantay ng kagubatan, maituturing pa kayang paraiso ang isla? Ipinaaalala ng pelikulang hindi dapat matakot at mapagod na manawagan sa gobyernong gampanan ang kanilang tungkulin. Marapat na kalampagin ng sambayanan ang kinauukulan upang bigyang-hustisya ang mga mamamayang patuloy pa ring naaapakan ang karapatang-pantao. Pagkakaisa at katapangan ang susi upang maabutan pa ng mga susunod na henerasyon ang natitirang paraiso ng Pilipinas.