“Magtataas pa ba? Tama na!”
IKINASA ng De La Salle – University Student Government (DLSU USG) ang malawakang kilos-protesta laban sa minamatang pagtaas ng matrikula ng Pamantasang De La Salle (DLSU), Enero 31.
Umikot ang kilos-protesta sa Yuchengco Grounds, Saint Joseph Walkway, Henry Sy Sr. Hall Grounds, at St. La Salle Hall Facade. Nakilahok sa naturang protesta ang mga nananawagang estudyante at DLSU Parents of University Students Organization (PUSO) bitbit ang kani-kanilang mga karatula sa pagtutol kontra sa tuition fee increase.
Pagkakaisa sa krusada
Isiniwalat ni USG President Raphael Hari-Ong na umabot sa 9.21% ang iminungkahing pagtaas ng matrikula ng Faculty Association sa administrasyon ng DLSU. Bunsod nito, ikinasa ang nagkakaisang pagkilos upang ipaglaban ang karapatan ng bawat Lasalyano at isakatuparan ang 0% TFI.
“Paalala lang na ginagawa natin ito hindi para sa ating mga sarili kun’di ginagawa para sa 24,000 Lasallians na umaasa sa USG para ipaglaban ang 0% tuition fee increase,” pagdidiin ni Hari-Ong bago magsimula ang unity walk.
Inilahad ni Hari-Ong na ang konsepto ng kalayaan sa pamamahayag at pakikiisa bilang mga Lasalyanong estudyante at Pilipino ang naging inspirasyon ng pagsasagawa ng kilos-protesta. Batid aniyang hindi lahat ng estudyante at kinatawan ng bawat organisasyon sa Pamantasan ang nakidalo, subalit kaisa sila sa panawagan ng isinagawang unity walk.
Ipinaalam din ni Hari-Ong na natalakay sa kanilang isinagawang mga focus group discussion na ang sektor ng mga iskolar na nakatatanggap ng partial scholarship at working students ang labis na apektado sa pagtaas ng matrikula. Pangangatuwiran niya, “Kahit gaano raw sila kapagod (sa trabaho), wala naman daw silang choice dahil sinong magbabayad nung partial nilang tuition fees?”
Idiniin ni Hari-Ong na ginagawa nila ang protesta upang mapakinggan sila ng administrasyon at handugan sila ng maayos na diskusyon ukol sa panawagang hindi pagtaas ng matrikula. Humingi rin si Hari-Ong ng pakikisimpatya mula sa Pamantasan upang maintindihan ang saloobin ng mga estudyante.
“Kailangan pakinggan din natin ano ba ‘yung reason kung bakit ginawa ni St. La Salle ito? ‘Di ba education for the poor noong time nila, so bakit ngayon ginagawa natin siyang [dapat] may pera ka bago makapagtapos?” giit ni Hari-Ong.
Ipinabatid naman ng USG ang pasasalamat sa pamayanang Lasalyano para sa kanilang pakikiisa sa pakikibaka kontra TFI. Nanindigan si Hari-Ong na makaaasa ang mga Lasalyano sa kanila dahil marami pa silang nakahaing mga plano para sa pamayanan.
“Doon kayo makakaasa sa USG na lahat, bawat student sector, will be represented, will be heard, and of course susuportahan natin lahat,” pangako ni Hari-Ong.
Tinig ng pag-asa
Mariing ipinaalala nina USG Executive Treasurer Juliana Meneses at USG Vice President for External Affairs Macie Tarnate na karapatan ng mga estudyanteng makapag-aral nang walang iniisip na pasanin sa bayarin. Ibinahagi din ni Meneses ang hindi kaaya-ayang epekto ng pagtaas ng matrikula sa kalagayan ng bawat estudyante.
Batay sa nakalap na sarbey ng USG, karamihan sa mga estudyante ang hindi makapagbayad ng tuition sa tamang oras dahil sinasabayan anila ito ng iba pang personal na bayarin. Pasakit din anila ang multang 500 pesos na dagdag sa kada linggong hindi sila nakapagbabayad.
Higit kalahati rin ng mga estudyante ang nakararanas ng kakulangan sa badyet. Nagiging sanhi ito anila ng stress at pag-aalala sa posibilidad na maapektuhan ang kanilang pag-aaral. Minsan humahantong din ito sa pagtigil at pag-drop sa klase.
Sa loob ng dalawang akademikong taon, umabot na ng 7% ang pagtaas ng matrikula. Katumbas nito ang halagang 95,000 pesos para sa 21 units kada termino. Pagtutol ni Meneses, “Hindi lahat ng nag-aaral ay may kaya. Konting konsiderasyon at pag-unawa na lamang sana.”
Tiniyak ni Jarred Ken A. Gaviola, FAST 2023 at ACG Executive in Scholarships and Student Welfare, na mahalaga ang pakikiisa ng mga estudyante. Binigyang-diin niyang mahalaga ang kanilang boses at nagsisilbi aniya itong daan upang iparating ang mga ninanais ng buong kinatawan ng USG.
Sentimyento ng mga Lasalyano
Isinalaysay ni Renee Pamela Bernas, Secretary General ng Anakbayan Vito Cruz, na kumokontra sa layunin ni St. John Baptist De La Salle ang pagtaas ng matrikula. Inihayag niya ang kaniyang pagkabahala sa maaaring kawalan ng priyoridad sa mga estudyante sa panahong gagawing negosyo ng administrasyon ang Pamantasan.
Naniniwala si Bernas na ang pagiging malinaw sa detalye ng bayarin at pagbibigay kaalaman sa pinagkukunan, pinanggalingan, at sanhi ng 9% na pagtaas ang landas tungo sa pagpapahalaga sa karapatan ng bawat estudyante.
Pinagtanggol ni Bernas ang edukasyon bilang karapatan at hindi tinuturing pribilehiyo. Hindi aniya ito nararapat gawing pangunahing batayan sa pagpapataas ng matrikula. Bilang estudyante, magiging kasuklam-suklam aniya ang resulta ng TFI sa sektor ng mga iskolar at magulang.
Nagpahayag din si Chiara Keene A. Caballes, ID 123 ng kursong Bachelor of Arts in Political Science, ng pagtanggi sa TFI. Kinokonsidera aniya ang pag-drop out, paghahain ng LOA, pagsaalang-alang ng student loan, o pagtigil ng pag-aaral para makatulong sa magulang at mapag-aral ang kapatid.
Nananawagan si Caballes na patatagin ang pagkakaisa ng mga kinatawan sa loob ng Pamantasan upang marinig ang kanilang hiling na manatiling 0% ang pagtaas ng tuition fee. Itinutulak din niya ang pagkakaroon ng transparency sa kanilang mga binabayarang tuition fee.
Ipinunto ng DLSU USG na sisikapin nilang isakatuparan ang 0% TFI upang matuldukan ang ikinababahala ng mga estudyanteng Lasalyano at kanilang mga magulang.