KINAPOS ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos pigaan ng lakas ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 18-25, 25-20, 22-25, 17-25, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SMART Araneta Coliseum, Pebrero 21.
Pinasan nina DLSU open spiker Vince Maglinao at Kapitan JM Ronquillo ang opensa ng Green Spikers matapos magtala ng pinagsamang 39 na puntos. Bumulusok naman si Tamaraw Dryx Saavedra para sa FEU bitbit ang 20 puntos mula sa 18 atake at dalawang block. Kumumpas din si Player of the Game Ariel Cacao ng 24 na excellent sets at 5 excellent digs.
Mapanghamon na unang set ang tinahak ng Taft-based squad matapos ang maagang pag-araro ng Tamaraws, 6-10. Sinubukang itulak paitaas ng Green Spikers ang kanilang momento buhat ng pinagsama-samang atake, 9-10. Bumida sa kalagitnaan ng set si Green Spiker Maglinao nang pakalmahin ang Tamaraws dulot ng sunod-sunod na puntos, 15-17. Gayunpaman, hindi natahimik ang bulalas ng hanay ng FEU na sinamahan pa ng attack errors ng Green Spikers at tuluyang winakasan ang set sa kanilang pabor, 18-25.
Pagsapit ng ikalawang set, maagang nakaabante ang Taft mainstays nang magpakawala ng rumaragasang quick attack si middle blocker Billie Anima, 8-5. Nagpatuloy pa ang pag-arangkada ng DLSU matapos magpasabog ng tirada si scoring machine Noel Kampton mula sa combination play, 13-8. Sa kabilang banda, sinubukang ipagdikit ng Tamaraws ang talaan sa bisa ng umuusok na atake ni Saavedra, ngunit hindi ito naging sapat nang tuldukan ni Maglinao ang set gamit ang crosscourt attack, 25-20.
Nakaabante nang bahagya ang DLSU sa pagbubukas ng ikatlong set matapos lansiin ni playmaker Eco Adajar ang depensa ng mga taga-Morayta upang makalibre si Kampton sa gitna, 8-7. Pinagtibay din ni Anima ang Berde at Puting kalasag at tinipak ang nagbabagang palo ni Tamaraw Andrei Delicana, 14-all. Ngunit, nakasuwag ng 3-0 run ang FEU kaakibat ng crosscourt hit ni Saavedra upang agawin ang kalamangan, 14-17. Sinubukan pang hasain ni Maglinao ang kaniyang palaso sa service line, 22-23, subalit, kaagad na sinelyuhan ni Martin Bugaoan ang naturang set, 22-25.
Tinangkang pigilan ni Maglinao ang muling pag-arangkada ng Tamaraws pagdako ng ikaapat na yugto, 2-3. Sinuklian naman ito ni Tamaraw Bugaoan ng mga atake mula sa gitna, 9-13. Sinubukan pang iahon ni Kapitan Ronquillo ang Taft-based squad sa bisa ng dalawang puntos, 12-17, subalit, bumulwak ang kalamangan ng Tamaraws sa tulong ng hagupit ng mga atake ni Bugaoan upang tapusin ang sagupaan, 17-25.
Bunsod ng kinapos na kampanya, nalasap ng Green Spikers ang kanilang unang pagkatalo at napasakamay ang 1-1 panalo-talo baraha sa naturang torneo. Samantala, sunod na kahaharapin ng mga manunudla ang University of Santo Tomas Golden Spikers sa darating na Linggo, Pebrero 25, sa ganap na ika-11 ng umaga sa SM Mall of Asia Arena.