PINIGILAN ng De La Salle University Lady Spikers ang pag-ulos ng sungay ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25-20, 25-17, 25-22, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SMART Araneta Coliseum, Pebrero 21.
Pinangunahan ni floor defender Lyka De Leon ang kampanya ng Lady Spikers matapos magpamalas ng 16 na excellent dig at 12 excellent reception. Hindi rin nagpahuli si Season 85 Rookie of the Year at Most Valuable Player Angel Canino matapos magtala ng 13 puntos mula sa 11 atake, isang block, at isang ace. Sa kabilang dako, ibinandera naman ni Gerzel Petallo ang koponan ng FEU matapos magsumite ng team-high score na pitong puntos.
Kumaway ang kaaya-ayang simula sa Lady Spikers sa pangunguna nina Taft tower duo Thea Gagate at Shevana Laput, 3-0. Binulabog naman ang depensa ng Taft-based squad nang magpakawala ng pamatay na atake si Lady Tamaraw Petallo, 7-5. Bagamat nagtala ng attack error si middle blocker Amie Provido at service error si Canino, matagumpay pa ring tinuldukan ni outside hitter Alleiah Malaluan ang naturang set sa bisa ng tapik, 25-20.
Masalimuot na mga error ang bumungad sa dalawang koponan pagdako ng ikalawang set. Gayunpaman, sumiklab ang diwa ni opposite hitter Laput matapos umarangkada ng isang sharp hit, 6-2. Hindi naman nagpahuli si Kapitana Julia Coronel nang ipamalas ang nakamamanghang 1-2 play. Binasag naman nina Faida Bakanke at Alyzza Devosora ang nagyeyelong opensa ng FEU matapos bumulusok ng mga atake, 14-10. Naging mautak naman si Canino matapos ipamalas ang bagsik gamit ang off-speed hit, 18-13. Hindi na nagawang makabangon ng Lady Tamaraws sa hagupit ng berdeng koponan sa pagtatapos ng set, 25-17.
Sa pagpasok ng ikatlong set, kaagad ipinaramdam ng Taft mainstays ang hangaring wakasan ang bakbakan nang kapit-bisig na umatake sina Gagate, Malaluan, at Canino, 3-1. Hindi naman nagpasindak si Lady Tamaraw Jean Asis matapos rumatsada ng magkakasunod na puntos upang nakawin ang kalamangan, 4-6. Sinubukang paigtingin ng Morayta-based squad ang kanilang kalamangan sa presensya ni Bakanke, subalit hindi ito naging sapat para patumbahin si Canino matapos barahin ang atake ng katunggali, 25-22.
Bunsod ng panalo, aabante sa 2-0 panalo-talo kartada ang Lady Spikers at susubukang paamuhin ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa darating na Linggo, Pebrero 25, sa ganap na ika-3 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena.