BINAKURAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 23-25, 25-17, 25-18, 21-25, 15-11, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 2.
Nagpakitang-gilas para sa Taft-based squad si Team Captain JM Ronquillo matapos magpundar ng 20 puntos mula sa 16 na atake, tatlong block, at isang service ace. Umagapay rin sa kaniya si outside hitter Vince Maglinao nang magbulsa ng 21 puntos mula sa 17 atake, dalawang service ace, at dalawang block. Nanguna naman para sa Blue Eagles si Childlebere Okeke bitbit ang 15 atake, dalawang block, at isang service ace.
Nangibabaw ang koneksyon nina DLSU playmaker Jericho Adajar at middle blocker Nathaniel del Pilar matapos magkumpas ng tatlong magkakasunod na quick attack sa pagbubukas ng sagupaan, 3-2. Naging mainit ang sumunod na bahagi ng tapatan matapos magpalitan ng nagbabagang atake ang dalawang koponan, 13-all. Samantala, ginawang bentahe ng Blue Eagles ang mga error ng Green Spikers upang iangat ang kalamangan sa tatlo, 15-18. Sinubukan pang bumawi ni Ronquillo matapos magpakawala ng atake, 23-24, ngunit tuluyan nang tinuldukan ni open hitter Jian Salarzon ang naturang set bunsod ng isang off-the-block hit, 23-25.
Buhat ang kagustuhang makabawi, nagpakawala si Maglinao ng isang lumalagapak na palo pagdako ng ikalawang set, 2-3. Pinigilan naman ni Ateneo opposite hitter Kennedy Batas ang momentum ng mga nakaberde matapos rumatsada ng tira mula sa labas ng linya. Samantala, hindi na hinayaan ng Green Spikers na makahabol ang Loyola-based squad matapos nilang gulatin ang Blue Eagles gamit ang nakakikilabot na combination play, 24-15. Samakatuwid, sinelyuhan ng Taft mainstays ang 2-1 bentahe sa tulong ng atake ni Ronquillo sa pagtatapos ng naturang yugto, 25-17.
Nangangapang sinalubong ng dalawang koponan ang ikatlong set matapos maglipana ng kaliwa’t kanang error, 7-all. Gayunpaman, pinalobo ni rookie Rui Ventura sa dalawa ang kalamangan ng Taft matapos payungan ang rumaragasang atake ni Okeke, 17-15. Tuluyang dinagit ng Green Spikers ang momentum sa bisa ng mga maalab na atake nina Maglinao at Del Pilar, 25-18.
Sa pagpatak ng ikaapat na yugto, walang mintis na pinaandar ni Okeke ang makina ng Loyola matapos ipalasap ang nagbabagang backrow attack, 4-3. Lumikha naman ng alingawngaw ang kampo ng Taft nang irehistro ni Noel Kampton ang kaniyang atake sa tulong ng depensa nina libero Jonathan De Castro at Maglinao, 10-all. Itinaas din ni middle blocker Billie Anima ang bandila ng Berde at Puting koponan matapos bombahin ang zone 1 ng kort, 21-23. Gayunpaman, naapula ang alab ng Green Spikers nang magtala ang pangkat ng magkasunod na net violation at attack error, 21-25.
Bitbit ang hangaring makabawi, nagpakawala ng bumubulusok na atake si Ronquillo upang itabla ang talaan, 2-all. Patuloy ang palitan ng atake ng dalawang koponan, ngunit nagtala ng dalawang magkasunod na error ang Blue Eagles na nagpalobo sa kalamangan ng Green Spikers, 8-4. Sinubukan pang tapyasin ng Blue Eagles ang angat ng Taft-based squad, subalit umiral ang depensa sa net ni Ronquillo, 14-10. Samakatuwid, tuluyang inangkin ng Green Spikers ang panalo sa bisa ng quick attack ni Anima, 15-11.
Bunsod ng makapigil-hiningang pagbulusok, naibulsa ng Green Spikers ang 3-1 panalo-talo baraha. Susubukang mapanatili ng Taft mainstays ang nagbabagang alab kontra University of the East Red Warriors sa darating na Miyerkules, Marso 6, sa ganap na ika-10 ng umaga sa parehong lunan.