GINAPI ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang puwersa ng Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eagles, 25-12, 25-22, 25-19, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 2.
Minanduhan ni middle blocker Thea Gagate ang kampanya ng Lady Spikers nang magtala ng 15 puntos mula sa siyam na atake, limang block, at isang ace. Nagpasiklab din si opposite hitter Shevana Laput matapos umukit ng 13 puntos. Samantala, iwinagayway ni Lyann De Guzman ang watawat ng Blue Eagles nang maglatag ng 15 puntos mula sa 13 atake, isang block, at isang ace.
Kaagad na nagpakitang-gilas si DLSU open hitter Alleiah Malaluan sa tulong ni floor defender Lyka De Leon sa pagratsada ng unang set, 4-1. Mas umigting pa ang presensiya ni Malaluan sa kort matapos tipakin ang palo ni ADMU middle blocker AC Miner, 12-5. Hindi naman basta-bastang nagpatinag ang mga agila matapos magpasiklab ng 3-0 run sa bisa ng magkasunod na off-the-block hit ni De Guzman, 12-8. Gayunpaman, nagpakawala si Laput ng nagliliyab na palaso mula sa service line upang pangunahan ang dominasyon ng Lady Spikers sa naturang yugto, 25-12.
Nag-iba ang ihip ng hangin pagpasok ng ikalawang set matapos ang sunod-sunod na puntos ni De Guzman, 1-4. Hindi naman pumayag si Kapitana Julia Coronel na makawala sa bitag ang Loyola-based squad nang gulantangin ang kanilang depensa sa pamamagitan ng 1-2 play, 8-all. Isinara naman ni Miner ang lahat ng anggulo sa net matapos pigilan ang mga palo ng Lady Spikers, 13-15. Hindi naman nagpatinag ang Taft-based squad at mas pinaigting ang depensa sa bumulusok na long rally na natapos sa bisa ng block ni Malaluan, 20-18. Sinubukan pang habulin ng Blue Eagles ang kalamangan ng Lady Spikers, ngunit winakasan na ni outside hitter Angel Canino ang naturang set gamit ang off-the-block hit, 25-22.
Kargadong mga serve ang naging puhunan ng Taft-based squad pagdako ng ikatlong yugto matapos ang magkasunod na service ace ni Kapitana Coronel, 4-0. Nagkaroon naman ng pagtutuos sa gitna sina Miner at DLSU middle blocker Amie Provido matapos magpalitan ng quick attack, 8-5. Lumago ang bentahe ng mga nakaberde matapos ang pancake save ni Coronel na siya namang sinamantala ni Malaluan upang magpamalas ng cut shot, 17-10. Samakatuwid, tuluyang pinintahan ni Gagate ng Berde at Puti ang kort gamit ang isang monster block, 25-19.
Bunsod ng panalong ito, umukit ang Taft mainstays ng 3-1 panalo-talo kartada. Samantala, susubukang paluhurin ng koponan ang University of the East Lady Warriors sa darating na Miyerkules, Marso 6, sa ganap na ika-2 ng hapon sa parehong lugar.