Pagdiriwang ng pag-ibig sa Pamantasan: OTREAS, isinakatuparan ang Tadhana 2024

mula sa Tadhana

NAKIISA ang pamayanang Lasalyano sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso sa Tadhana 2024: Pagtatagpo ng mga Puso Bazaar & Fair nitong Pebrero 12 hanggang 16. Isinagawa ito sa pangunguna ng DLSU USG Office of the Executive Treasurer (OTREAS) upang makalikom ng pondong gagamitin sa pamamahagi ng scholarship grants at financial assistance para sa mga estudyante.

Paghahanda para sa pagdiriwang

Itinampok ni Andee Beyonce Co, chief advisor for fundraising events ng OTREAS, na naghain sila ng iba’t ibang aktibidad sa Tadhana 2024 maliban sa bazaar at fair na matatagpuan sa loob ng Pamantasan. Sa kabuuan, nagkaroon sila ng mahigit sa sampung mga aktibidad na kinabibilangan ng Cupid’s Photobooth, Love Lock Wall, Love Letter Booth, Lasallian Roulette, and Love Fortune Booth.

Paglalahad ni Co, binigyan din nila ng oportunidad ang kanilang mga internal partners, tulad ng University Student Government units at mga organisasyon sa ilalim ng Council of Student Organizations, na magsagawa ng sarili nilang programa upang makakalap ng pondo.

Ibinahagi naman ni Co na hindi naging madali ang proseso ng pagsasaayos ng naturang programa dahil kinailangan nilang trabahuhin ang pagsusumite ng kinakailangang dokumento sa mga opisina sa Pamantasan.

“Ang paghahanda para sa mga bazaar ay karaniwang nagtatagal ng 4-5 na buwan. Kaya, lubos na ipinagmamalaki ng bazaar team ang success ng Tadhana 2024 nang naitawid namin ang lahat na kinailangang proseso,” saad niya. Ikinalugod din nilang tumulong ang mga opisina sa Pamantasan upang siguruhing maayos ang mga dokumentong kanilang ipinasa.

Hindi rin aniya naging madali ang paghikayat sa mga concessionaire para sa Tadhana 2024. Kinailangan din nilang magpadala ng imbitasyon sa iba’t ibang negosyo at mag-post sa kanilang Facebook account. Nagkaroon din ng mabusising screening process ang bazaar team upang isapinal ang listahan ng mga concessionaire.

Nakipag-ugnayan din ang kanilang committee sa Office of Student LIFE, Building and Grounds Maintenance Office, Mechanical and Electrical Works Office, Campus Services, at Security Office upang matiyak na episyenteng magagamit ang espasyo sa Pamantasan, partikular na sa pagsasaayos ng mga booth.

Ipinabatid din ni Co na hindi eksklusibo ang pagdiriwang ng Tadhana 2024 para sa mga magkasintahan lamang. “Ang layunin ng Tadhana 2024 ay ipagdiwang ang pag-ibig. It is a place where you can meet and further your destiny. At lubos naming inaasahan na naiparating namin ang layuning ito sa aming kapwa Lasalyano,” mensahe niya.

Damdaming Lasalyano

Ipinahiwatig ni Jenyah Karyna Reyes, ID 122 ng kursong AB-PSM, ang kaniyang papuri sa mga tagapamahala ng Tadhana 2024. Aniya, isa siya sa mga estudyanteng tumangkilik sa mga aktibidad na inihanda sa kabila ng kaniyang pagiging abala sa linggo ng bazaar.

Iminungkahi ni Reyes na maaari pa sanang magkaroon ng karagdagang advertisement at anunsyo ukol sa mga aktibidad na kabilang sa programa dahil hindi ito dumaan sa kaniyang feed.

Inihayag din ni Czarina Aicelle Cagod, ID 122 ng kursong BS-BIO-MBB, na naging matagumpay ang Tadhana 2024 at mababanaag ito sa dami ng mga Lasalyanong nakiisa sa mga bazaar.

Sa kabilang dako, ikinatuwa ni Cagod na mas marami na raw ang mga booths na nagtitinda ng iba’t ibang produkto kumpara sa mga nakaraang bazaar. Gayunpaman, suhestiyon ni Cagod na magkaroon din ng mga concessionaire booths na mas abot-kaya ang presyo para sa nakararami.