Paghahanda sa kinabukasan: Pinalawak na oportunidad, handog ng Job Expo 2024

mula sa DLSU OCCS

AKTIBONG DINALUHAN ng pamayanang Lasalyano ang isinagawang Job Expo sa Pamantasang De La Salle na may temang “Futuristic Frontiers: Advancing Beyond Borders,” Pebrero 27 hanggang 29. Magpapatuloy naman sa birtwal na moda ang ikalawang bahagi ng programa sa career portal LSLINK mula Marso 12 hanggang 14.

Matatandaang muling nanumbalik ang face-to-face na moda ng Job Expo noong nakaraang taon matapos ang pandemya. Sa pangunguna ng Office of Counseling and Career Services (OCCS), nakapag-imbita ang Pamantasan ng 89 na lokal at multinasyonal na mga kompanya ngayong taon.

Kuha ni Kyla Mojares

Pagtanglaw sa hinaharap

Layunin ng naturang programang tulungan ang mga Lasalyanong naghahanap ng internship at trabaho. Ipinahayag ni Maria Joana Kristiana Riñoza, career placement coordinator ng Pamantasang De La Salle, na hangad nilang makapagbigay ito ng oportunidad sa lahat ng mga nakilahok at ihanda sila sa kanilang mga piniling karera. 

“The main goal here is to align participants with the futuristics trends with their career plans and advance through finding limitless opportunities in the Job Expo,” paliwanag ni Riñoza. Inilahad din niyang isa itong pagtuklas ng mga bagong kaalaman sa mundo ng pagtatrabaho. 

Nilinaw rin ni Riñoza na hindi lamang limitado ang Job Expo para sa mga naghahanap ng internship at trabaho. Maaari rin itong lahukan ng mga froshies at iba pang estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo. Batay sa kaniya, hangad nitong tulungan ang mga Lasalyanong suriin ang mga kompanya at karerang konektado sa kanilang mga kurso.

Dagdag pa rito, naging makabuluhan ang pagsasagawa ng Job Expo ngayong taon dahil nabigyang-pagkakataon ang mga estudyanteng direktang makipag-ugnayan sa mga partner companies. Nakidalo rin ang mga Lasalyano sa mga inihandang big talk ng ilang mga kompanya. “Career talk is a big help for students for the development of their careers. Some topics are about building their resumes, acing their interviews, and current career trends,” saad ni Riñoza.

Kuha ni Kyla Mojares

Pagsasakatuparan ng pangarap

Matagumpay na naisakatuparan ng OCCS ang layunin ng programa sa tulong ng mas pinaigting na pakikipag-ugnayan sa mga student representatives. Binubuo ito ng pitong mga komiteng kinabibilangan ng marketing for companies, logistics, publicity, documentation, linkages, food management, at souvenirs team. 

Siniguro ni Riñoza na sumailalim sila sa matinding paghahanda upang masigurong maayos ang magiging takbo ng programa. Sinikap din nilang isaayos ang distribusyon ng mga trabaho upang maging balanse ang mga proyektong nais nilang maisakatuparan.

Sa likod ng tagumpay, hindi naman maitatago ang mga naging balakid sa kanilang paghahanda para sa programa. Ibinahagi ni Riñoza na hindi naging madali para sa kanila ang pagsasaayos ng mga rekisito dahil kinakailangan nito ng matinding koordinasyon sa iba’t ibang opisina at kompanya. Kailangan din anilang isaalang-alang ang regulasyong sumasailalim sa Order 113 ng Department of Labor and Employment, partikular na ang pagkuha ng clearance mula sa kanilang ahensiya.

Sa kabila nito, ibinida ni Riñoza na naging matagumpay ang programa. Siniguro rin niyang magkakaroon sila ng ebalwasyon upang suriin ang epekto nito sa mga aplikante at mga kompanyang nakilahok. Sisiyasatin din nila kung ilan ang mga aplikanteng natanggap at nagpatuloy sa mga susunod na hakbang. “In terms of ensuring that the event is a success, we have to do an evaluation . . . We want to assess if applicants are really getting job opportunities,” pagtatapos ni Riñoza.