Lady Spikers, nilusob ang nagkukumahog na Lady Warriors

MATAGUMPAY NA SINALAKAY ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang hanay ng University of the East (UE) Lady Warriors, 25-21, 25-18, 25-10, sa pagpapatuloy ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 6.

Namayani ang presensya ni Player of the Game Angel Canino matapos tumikada ng 18 puntos mula sa 17 atake at isang block. Pumailanlang din ang mga pana nina Lady Spiker Thea Gagate at Shevana Laput bitbit ang pinagsamang 18 marka. Sa kabilang banda, nanguna para sa kawan ng mga mandirigma si rookie Casiey Dongallo taglay ang 15 puntos mula sa 12 atake at tatlong block.

Maagang namuhunan ang Lady Spikers nang banatan ni Kapitana Julia Coronel ang zone 6 ng kort, 6-4. Hindi naman nagpaawat si Dongallo upang itaas ang bandila ng Silangan matapos payungan ang matayog na tirada ni Laput, 17-14. Sa kabila ng umiimpis na kalamangan ng Taft, tuluyang inungusan ni Canino ang dulo ng kort, 25-21. 

Pumabor ang takbo ng laro sa panig ng Taft-based squad papasok ng ikalawang set matapos makalikom ng pitong atake at isang service ace bago sumapit ang first technical timeout, 8-3. Sa kabilang banda, rumesponde para sa naghihingalong depensa ng UE si KC Cepada na pumukol ng crosscourt hit, 15-12. Naging sagot din ang mga epektibong crosscourt attack ni Canino para pahirapang pumorma ang UE hanggang sa huling bahagi ng set. Samakatuwid, mariing binantayan ni DLSU middle blocker Gagate ang atake ni Riza Nogales sa net upang makuha ang naturang set, 25-18.

Tuluyang dinomina ng Taft mainstays ang huling set mula sa matitinik na atake nina Canino at Laput upang walang-awang gapusin ang floor defense ng UE, 16-6. Kasunod nito ang 6-0 run ng koponan sa tulong ng kargadong service ni Amie Provido, 21-6. Hindi naman nagpasindak si Ashley Canete at Nogales sa nakalululang agwat ng iskor at nag-ambag ng puntos, 24-9. Gayunpaman, hindi ito naging sapat upang habulin ang talaan matapos selyuhan ng Lady Spikers ang panalo dulot ng service error ni Gracen Fernandez, 25-10.

Bunsod ng pagbulusok patungong tagumpay, tangan ng mga manunudla mula Taft ang 4-1 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na dadaluhungin ng Lady Spikers ang kampo ng University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Linggo, Marso 10, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lunan.