NIYURAKAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang University of the Philippines Fighting Maroons, 25-23, 25-13, 25-22, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 10.
Kinumpasan ni open hitter Vince Maglinao ang kampanya ng Green Spikers matapos magpasiklab ng 14 na puntos mula sa 13 atake at isang block.Umagapay rin sina Noel Kampton at Kapitan JM Ronquillo matapos tumikada ng pinagsamang 25 marka. Umaksyon naman para sa Fighting Maroons si Jessie Rubin tangan ang walong puntos mula sa pitong atake at isang block.
Maaksyong binuksan ng Green Spikers ang unang set matapos magpakawala ng magkakasunod na atake si Maglinao, 6-3. Gayundin, lumobo pa ang lamang ng Taft-based squad nang magpamigay ng libreng puntos ang katunggali, 16-11. Umeksena pa sa net si Kampton sa bisa ng crosscourt at off-the-block hit, 21-16. Sa kabila nito, nagawang ipagdikit ng Fighting Maroons ang talaan matapos magpasabog ng tatlong magkakasunod na atake si Fighting Maroon Angelo Lipata, 23-22. Gayunpaman, tuluyan nang sinelyuhan ni Maglinao ang panalo sa naturang set sa bisa ng combination play, 25-23.
Kinalampag ng 3-0 run ng DLSU ang ikalawang set nang simulang payungan nina Kampton at Nath Del Pilar ang atake ng Diliman-based squad, 3-0. Nagtuloy-tuloy ang pagaspas ng koponan nang bumida ng power tip si middle blocker Del Pilar, 5-1. Sinubukang umahon ng kabilang kampo nang bumuslo ng backrow attack si opposite hitter Louis Gamban, 9-5. Muling gumatong ng combination play ang tambalang Ronquillo-Del Pilar dahilan upang malubog sa lusak ang Fighting Maroons, 14-7. Bitbit ang momentum, natapos ang set mula sa sa service ace ni middle blocker Billie Anima, 25-13.
Nagpasiklab namang mula sa gitna ni Eric Layug sa panimula ng ikatlong yugto, 5-3. Gumawa rin ng ingay si outside hitter Jules De Jesus matapos padaplisin ang bola sa kamay ng Fighting Maroons, 16-13. Bukod dito, gumana rin ang pinagtibay na tore nina Ronquillo at Del Pilar upang payungan ang nagbabagang palo ni Angelo Lagando, 19-17. Samakatuwid, matagumpay na naselyuhan ng Green Spikers ang sagupaan bunsod ng service error ni Lagando, 25-22.
Buhat ng naibulsang tagumpay, bitbit ng Taft mainstays ang 5-1 panalo-talo kartada mula sa apat na magkakasunod na panalo. Samantala, sunod na paaamuhin ng Green Spikers ang mababangis na National University Bulldogs sa darating na Sabado, Marso 16, sa ganap na ika-10 ng umaga sa SMART Araneta Coliseum.