WAGING NILUSOB ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang kampo ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 25-15, 25-17, 25-18, sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 10.
Hinirang na Player of the Game si DLSU libero Lyka De Leon matapos paigtingin ang depensa ng mga nakaberde sa bisa ng 13 excellent dig at siyam na excellent reception. Pinangunahan naman ni outside hitter Angel Canino ang mga taga-Taft matapos kumamada ng 13 attack, dalawang block, at isang ace. Sa kabilang banda, rumatsada para sa Diliman mainstays si Joan Monares matapos tumikada ng siyam na puntos.
Bumungad ang down-the-line hit ni open hitter Canino upang simulan ang bugso ng unang set, 6-3. Ginatungan naman ito ni DLSU opposite hitter Shevanah Laput ng crosscourt attack upang lampasuhin ang hanay ng Diliman, 18-10. Tinangka pang pumalag ng Fighting Maroons sa bisa ng quick attack ni Nica Celis, 19-12. Gayunpaman, hindi naantig ang kampo ng Berde at Puti nang tuluyang payungan ni Laput ang kanilang atake, 25-15.
Dikdikang engkwentro ang bumungad sa pagbulusok ng ikalawang set nang magpalitan ng tirada sina open spiker Alleiah Malaluan at middle blocker Niña Ytang, 7-all. Inangat naman ni Kapitana Julia Coronel ang kalamangan sa bisa ng service ace, 11-7. Nagpakitang-gilas din sina Lady Spiker Amie Provido, Jyne Soreño, at Thea Gagate matapos magpasiklab ng 3-0 run upang pangalagaan ang momentum, 19-14. Samakatuwid, pinayungan ni Canino ang atake ni Fighting Maroon Stephanie Bustrillo upang selyuhan ang naturang yugto, 25-17.
Maigting ang naging sagutan ng dalawang koponan matapos kumumpas ng puntos si Fighting Maroon Kyrzten Cabasac, 3-all. Bumulusok naman ang opensa ng Taft mainstays sa pangunguna ni reigning Most Valuable Player Canino buhat ng kaniyang matatalas na spike, 9-6. Nilamangan ng Lady Spikers ang Diliman-based squad matapos magsumite ng ilang error, 18-14. Tuluyang tinuldukan nina Laput at rookie Katrina Del Castillo ang ikatlong set matapos ang kanilang kombinasyon ng spike at block, 25-18.
Buhat ng panalong ito, hawak ng Taft mainstays ang 5-1 panalo-talo kartada. Samantala, sunod na makahaharap ng Lady Spikers ang nang-aambang National University Lady Bulldogs sa darating na Sabado, Marso 16, sa ganap na ika-2 ng hapon sa SMART Araneta Coliseum.