YUMUKO ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos makipagdikdikan kontra Far Eastern University Tamaraws, 25-16, 21-25, 32-34, 25-20, 8-15, sa pag-uumpisa ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 23.
Sa kabila ng pagkatalo, pumorsyento ang presensya ni Kapitan JM Ronquillo matapos magsumite ng 20 puntos para sa Green Spikers. Umagapay rin sina open hitter Vince Maglinao at Noel Kampton tangan ang pinagsamang 38 marka. Hinirang namang Player of the Game si Tamaraw Jayjay Javelona tangan ang 21 puntos mula sa 15 atake, tatlong blocks, at isang service ace.
Masaganang binuksan ng Green Spikers ang unang set matapos magpamalas ng malapader na depensa sa net, 13-9. Nagpatuloy pa ang pananalasa ng Taft-based squad nang magliyab ang kamay ni Maglinao upang mailusot ang crosscourt attack, 17-12. Tinangka namang paimpisin ni Javelona ang namamagang kalamangan ng DLSU, ngunit hindi ito naging sapat nang selyuhan ni scoring machine Kampton ang panalo sa naturang set gamit ang kaniyang crosscourt hit, 25-16.
Matamlay ang naging simula ng Berde at Puting koponan sa ikalawang set na sinamantala ng Tamaraws sa bisa ng magkasunod na service ace ni Javelona, 2-8. Sinubukang sabayan ng Green Spikers ang tulin ng Morayta-based squad nang magpalitan ng tirada sa gitna sina Billie Anima at Martin Bugaoan, 12-16. Nasulot ng Taft-based squad ang kalamangan nang patibayin ni Nath Del Pilar ang kaniyang pananggalang sa ibabaw ng net kontra kay Dryx Saavedra, 19-18. Gayunpaman, kinapos ang pagpupunyagi ng Berde at Puting pangkat nang bigong maapula ang apoy sa kamay ni Bugaoan sa pagtatapos ng naturang set, 21-25.
Dikdikang sagupaan ang ipinamalas ng dalawang luntiang koponan pagdako ng ikatlong set nang itabla ni Maglinao ang talaan sa bisa ng pipe attack, 8-all. Nagpakitang-gilas naman ang koneksyon nina DLSU libero Menard Guerrero at middle blocker Anima matapos kumumpas ng quick play, 20-21. Sinubukan pang angkinin ng Green Spikers ang naturang set gamit ang palo ni Ronquillo mula sa gitna, 30-29. Gayunpaman, tuluyang naglaho ang pag-asa ng Taft-based squad nang magrehistro ng attack error si Ronquillo, 32-34.
Bitbit ang hangaring maitabla ang serye, nakabuwelo ang Green Spikers sa pagbulusok ng ikaapat na set nang payungan ni Anima ang tirada ni Bugaoan, 7-2. Bumuwelta rin ng isang quick hit si Del Pilar sa tulong ng penguin dive ni service specialist Eugene Gloria, 19-13. Nagawang humabol nang bahagya ng Tamaraws matapos tuldukan ni Lirick Mendoza ang long rally gamit ang kaniyang running attack, 20-15. Ngunit, walang pag-aalinlangang tinapos ni Maglinao ang ikaapat na set sa bisa ng off-the-block hit, 25-19.
Pagsapit ng ikalimang set, naparalisa ang depensa ng Taft mainstays matapos magpakawala ng magkakasunod na nagbabagang atake si Saavedra, 1-6. Sa kabila nito, pilit na binuwag ng Green Spikers ang momentum ng katunggali sa pamamagitan ng down-the-line hit ni Kampton, 7-11. Gayunpaman, kaagad nang natuldukan ang sagupaan bunsod ng atake nina Saavedra at Andrei Delicana, 8-15.
Bunsod ng bigong pananalakay, kasalukuyang bitbit ng Taft-based squad ang 5-3 panalo-talo kartada. Samantala, susubukan muling umarangkada ng Green Spikers kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Huwebes, Abril 4, sa ganap na ika-10 ng umaga sa SM Mall of Asia Arena.