MAKASAYSAYANG NASUNGKIT ng De La Salle University Green Spikers ang kampeonato matapos pabagsakin ang University of Santo Tomas Golden Spikers sa best-of-three finals series ng 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena noong Setyembre 19. Bunsod nito, hangad ng koponang maipagpatuloy ang kanilang naiukit na karangalan sa kabanata ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kina Team Captain JM Ronquillo, scoring machine Noel Kampton, playmaker Gene Poquita, at Head Coach Jose Roque,ibinahagi nila ang kanilang naging kampanya tungo sa tugatog ng V-League. Gayundin, ipinasilip ng koponan ang kanilang mga isinasagawang paghahanda para sa nalalapit na UAAP Season 86 Men’s Volleyball Tournament.
Pagsilang sa mga kampeon
Mahigit dalawang dekada ang lumipas bago muling nagtamo ang Taft-based squad ng gintong medalya sa collegiate conference. Kaya naman, abot-langit ang kasiyahan ng koponan nang masuklian ng tropeo ang kanilang pagsisikap sa V-League. Ani Coach Roque, “Itong season ng V-League, ano lang, proud in a way kasi somehow ‘yung direksyon na gusto naming tahakin, nasunod naman namin.”
Masugid na pag-eensayo ang naging susi ng Green Spikers upang mapagtagumpayan ang bawat bakbakang kanilang kinaharap. Inihayag ni Coach Roque na bukod sa pampisikal na aspekto, pinagtuunan din nila ng pansin ang mentalidad ng bawat atleta. Kabilang dito ang pagkakaroon ng matibay na koneksyon at disiplina sa loob ng kort. Dagdag pa ng naturang tagapagsanay, nakatulong din sa koponan ang mga gabay at suportang natatanggap nila mula sa pamayanang Lasalyano.
Maituturing namang mahalagang hakbang sa paglundag sa inaasam na UAAP podium finish ang pagsali ng koponan sa mga preseason tournament. Ayon kay Poquita, malaking oportunidad ang pagsabak sa mga naturang paligsahan upang mas mapabuti pa ang kanilang kasanayan hindi lamang bilang isang indibidwal, bagkus pati na rin bilang isang koponan. Gayundin, binigyang-diin nina Ronquillo at Kampton ang kahalagahan ng pagkakaroon ng team chemistry upang mas maging maayos ang kanilang galaw sa loob ng kort.
Tanglaw ng napag-iwanang anino
“‘Pag sinasabing La Salle, parang practice game lang ng ibang teams,” ani Kampton taglay ang lumbay sa bawat bigkas. Saksi ang komunidad sa sunod-sunod na paghambalos ng mga nakasasagupa ng Berde at Puting, kaya naman purong dismaya ang nakaukit sa ekspresyon ng mga testigo sa kanilang bingit na kalagayan. Aminadong karimlan ang bumungad, subalit hindi nabulag ng pagkadapa ang kampo nina Kampton at mas lalo lamang tinutukan ang paghalughog sa liwanag.
Naging dagok man ang pagkasubasob at hindi pagkakaunawaan sa loob ng kort, napagtagumpayan pa rin ng luntiang pangkat na sikwalin ang mga pagsubok, dahilan upang maabot ang kanilang inaasam na tagumpay. Kaya naman, isiniwalat ni Kampton na isang kagalakan para sa buong koponan na matamo ang respeto ng iba pang pangkat bunsod ng pag-abot nila ng kampeonato sa V-League.
Batid man ng Green Spikers na nasa lilim sila ng iba pang pampalakasan, patuloy pa ring umuusbong ang anino ng koponan. Sa sumisidhing puwersa, hangad ng Taft-based squad na maaninag ng pamayanang Lasalyano ang kanilang tunay na tanglaw sa pagkinang sa susunod pang mga engkwentro.
Pagsiklab ng panibagong kabanata
Inaasam ng Green Spikers ang patuloy na pag-unlad bilang mga nagtataglay ng husay at pagkakakilanlan sa hanay ng mga atletang Lasalyano. Naging pundasyon ng kanilang tagumpay ang kumpiyansang umusbong mula sa pagkamit ng kampeonato sa mga preseason tournament katulad ng V-League. Pagbibigay-linaw ni Kapitan Ronquillo, “Experience kasi ‘yung makukuha namin and learnings. ‘Yung tinutukoy kong experience and learnings hindi namin makukuha sa training. Wala kaming obstacles na mararanasan sa trainings like ‘yung defeats.”
Bagamat nagkaroon ng mga panibagong mukha sa koponan, hindi ito naging hadlang upang makamit ang tagumpay na matagal nang dalangin ng Green Spikers sa mga nagdaang taon. Bitbit ng bawat miyembro ng Taft-based squad ang tiwala sa sariling naglalayong ipakita ang kanilang kahusayan sa mataas na lebel ng kompetisyon.
Buhat nito, taos-pusong pasasalamat ang handog ng Green Spikers para sa pamayanang Lasalyano sa pagpapatuloy ng kanilang karera. Pagbabahagi ni setter Poquita, “Pangako pong gagawin namin ‘yung best namin. Kung ano ‘yung ginawa namin noong V-League, dodoblehin pa namin ngayon. . . kung kaya pang triplehin.” Samantala, hiling naman ng power duo na sina Ronquillo at Kampton ang mas pinalawig pang suporta ng berde at puting komunidad sa kanilang pagsuong sa UAAP Season 86. Dagdag ni outside hitter Kampton, hindi bibiguin ng koponan ang oras na ilalaan ng kanilang mga tagahanga sa bawat larong panonoorin.
Malubak man ang daang kanilang babagtasin, patuloy na magsusumikap ang Green Spikers sa pagtahak sa ruta patungong tagumpay. Mula sa magandang nasimulan, puspusang nagsisikap ang koponan para makuha ang inaasam na kampeonato sa kaabang-abang na UAAP Season 86. Sabik nang patunayan ng Taft-based squad na karapat-dapat ding bigyang-pansin ang kanilang husay sa paglalaro at dedikasyon sa pagbibigay-karangalan sa Pamantasan sa mga prestihiyosong paligsahan.