NAKAPANGGIGILALAS na pagtatanghal ang ipinamamalas ng De La Salle University (DLSU) Animo Squad sa tuwing sumasabak sa kort ang mga atletang Lasalyano. Katumbas ng kanilang bawat hiyaw ng “D-L-S-U Animo La Salle!” ang dedikasyong hindi nauupos para lamang masuportahan ang bawat koponan ng Pamantasan sa iba’t ibang larangan ng pampalakasan.
Manalo man o matalo, patuloy ang pagwagayway ng Animo Squad sa Berde’t Puting bandera upang magsilbing kinatawan ng pamayanang Lasalyano sa pagsuporta sa bawat manlalaro. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), nasilip ang mundong ginagalawan ng Animo Squad kasabay ang pagbibigay-pugay sa kanilang hindi matatawarang pagsisikap, pagtitiyaga, at pagmamahal para sa Pamantasan.
Pundasyon ng Berde at Puti
Hindi kumpleto ang paglalaro ng mga atletang Lasalyano sa loob ng napakalaking istadyum kapag wala ang presensya ng Animo Squad. Sa panayam ng APP, ibinahagi ni overall Team Captain Lance Lacsamana na pangunahing tungkulin ng pangkat ang ipagmalaki ang Pamantasan sa bawat bakbakan. Aniya, “As the few, the chosen, the loud, and the proud, our main responsibility [is] to bring pride to our university. We are the official cheerleaders of the University.”
Samakatuwid, kinikilala ang Animo Squad bilang opisyal na grupong nangunguna sa pagsuporta ng mga atletang Lasalyanong binubuo ng cheerleaders, yell commanders, at drummers. Binigyang-diin ni Lacsamana na tanglaw ng tatlong dibisyong ito ang kani-kanilang responsibilidad, ngunit tiniyak din nilang paigtingin ang komunikasyon ng bawat isa upang matagumpay na makapagbigay ng sigla at suporta.
Iba-iba man ang pampalakasang nilalahukan ng Taft mainstays, palaging isinasapuso’t isip ng Animo Squad na hindi lamang para sa pangkat ang kanilang presensya kundi para sa buong pamayanang Lasalyano. “In every sport we cheer for, we attend not just as Animo Squad but as representatives of DLSU, which means that we share every moment of victory and defeat,” pagpapakatotoo ni Lacsamana.
Dumadagundong na pagsisikap at pag-asa
Sa bawat pinapakawalang sigaw at hampas sa tambol, umaalingawngaw ang sigasig ng Animo Squad na nagbibigay-lakas sa mga koponan ng Pamantasan. Gayunpaman, lingid sa kaalaman ng iba ang mga pagsubok at sakripisyong kanilang kinahaharap. Ayon kina Lacsamana, head cheerleader Raezelle Ramos, head yell commander Rachel Carza, at head drummer Zen Usita, natatanaw ang hirap ng mga miyembro sa kanilang pagsabak sa taunang Cheerdance Competition. “It becomes easier to manage as every game is rewarding since it’s our duty to remind each team that they always have a support system,” pagtitiyak ni Lacsamana.
Samantala, ibinahagi rin ni Ramos ang mas pinalawig na pagsasanay hindi lamang sa pisikal na aspekto, ngunit pati na rin sa kanilang mental na kalusugan. “We prepare by doing conditioning, gym workouts, beats training, cheer training, and more. We also prepare mentally by knowing what to expect for the team and the upcoming games and tournaments,” sambit ni Ramos.
Labis ang pasasalamat ng Animo Squad sa pagkilala at pagtangkilik na ipinaparamdam sa kanila ng pamayanang Lasalyano sa kabila ng kapagurang kanilang nadarama. Dagdag pa rito, tinitiyak ng Animo Squad na handa silang magpakawala ng palaso patungo sa puso ng bawat Lasalyano tangan ang kanilang boses, tambol, at walang kamatayang pag-ibig para sa Pamantasan. Mananatili rin silang instrumento sa pagbibigay ng sigla at pag-asa upang mas lalo pang pagbutihin ng mga manlalarong estudyante ng Taft.
Sa bawat tulin ng takbo ng mga atleta, ulyaw ng palakpak at sigaw ng suporta mula sa Animo Squad ang maririnig sa bawat sulok ng istadyum. Kanilang pinanghahawakan ang mantrang, “Manalo, matalo, nasa likod ninyo pa rin kaming Animo,” kaya patuloy pa rin ang masigla at mataas na enerhiyang ipakikita ng grupo sa madla. Itinuturing man silang mga umbrang nagtatanghal sa kadiliman, ngunit malaki pa rin ang papel ng kanilang presensya sa pagpapaalab sa nagbabagang apoy ng kumpiyansa ng mga atletang Lasalyano.