SINALAKAY ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang hanay ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 25-20, 25-16, 25-14, sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Abril 4.
Nanguna para sa Green Spikers si playmaker Eco Adajar matapos magpamalas ng koneksyon sa kaniyang mga spiker tangan ang 20 excellent sets. Hindi rin nagpaawat ang power duo ng Taft-based squad na sina JM Ronquillo at Vince Maglinao na parehong nagsumite ng 12 puntos. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Angelo Lagando ang kampanya ng Fighting Maroons nang magtala ng 12 puntos.
Buong tikas na binuksan ni Green Spiker Nath Del Pilar ang unang set matapos magrehistro ng magkasunod na puntos mula sa gitna, 2-0. Samantala, agad namang nakaabante ang kawan ng UP nang magpakitang-gilas si Lagando, 5-6. Nagpatuloy pa ang dikdikang eksena nang magsagutan ng tirada sina Fighting Maroon Louis Gamban at DLSU main gunner Noel Kampton, 18-all. Kumawala naman ang Taft mainstays sa mahigpit na pagkagagapos ng Fighting Maroons matapos magrehistro ang mga nakapula ng magkakasunod na error na sinundan pa ng kill block ni DLSU middle blocker Billie Anima, 25-20.
Pagdako ng ikalawang set, pinatibay na depensa ang naging puhunan ng mga nakaberde upang dalhin ang koponan sa komportableng kalamangan, 17-11. Lumobo pa ang angat ng Green Spikers nang magtala ng kill block si open hitter Maglinao, 20-11. Sinubukan namang pigilan ng UP ang pag-arangkada ng Taft-based squad, ngunit hindi na nagpaawat ang Green Spikers bunsod ng pasabog na opensa ng bagong saltang rookie na si Rui Ventura, 25-16.
Mahigpit ang naging simula ng ikatlong set matapos magsagutan ng mga atake ang dalawang koponan sa pangunguna nina DLSU Team Captain Ronquillo at UP best scorer Lagando. Umukit ng 5-0 run ang Berde at Puting koponan bunsod ng pagpapasiklab ni Maglinao na sinabayan pa ng sandamakmak na error ng Fighting Maroons, 14-8. Sinubukan pang apulahin ng Diliman-based squad ang kalamangan ng DLSU, ngunit masyadong malakas ang naging puwersa ng mga bagong pasok na sina Ventura, Eric Layug, at Uriel Mendoza upang tuluyang tuldukan ang sagupaan sa kanilang pabor, 25-14.
Bunsod ng naturang tagumpay, winakasan ng Green Spikers ang kanilang two-game losing streak tangan ang 6-3 panalo-talo kartada. Samantala, susubukang buwagin ng Taft-based squad ang kalasag ng University of the East Red Warriors sa darating na Martes, Abril 9, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa Smart Araneta Coliseum.