Sa mundong araw-araw binabalot ng matuling ebolusyon ng teknolohiya, hindi maikakaila ang kahalagahan ng datos lalo’t higit ang seguridad nito. Kaya hindi na nakapagtataka ang pagkabahala ng mga mamamayan sa data breach na naranasan ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Isa ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa naging biktima ng cyber attack noong Oktubre matapos ikalat ng Medusa hackers ang halos 20 milyong pangalan at datos ng mamamayang Pilipino sa dark web. Kaugnay nito, nagbigay-babala ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na maaaring naapektuhan ang mga miyembro ng PhilHealth dahil sa nangyaring pag-atake. Subalit ayon sa opisyal na pahayag ng PSA, walang dapatipag-alala ang mga Pilipino, sapagkat ligtas ang datos ng Philippine Identification System atCivil Registration System (CRS).
Sa inilabas na ulat ng Kapersky Security Network noong 2022, pumapangalawa ang Pilipinas sa mga bansang nakararanas ng banta sa mga website. Nakapagtala rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng mahigit tatlong libong kaso ng mataas na antas ng cyberattacks mula 2020 hanggang 2022 at nakatuon ang 60% nito sa institusyon ng gobyerno. Sa ngayon, nananatiling pangunahing hamon ang cybersecurity para sa pamahalaan at maging sa ibang institusyon.
Kapit sa patalim
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Dr. Marnel Peradilla, chair ng Department of Computer Technology at head of Center for Networking and Information Security ng College of Computer Studies ng Pamantasang De La Salle, ipinaliwanag niyang kumikita sa ibinebentang datos sa underground markets tulad ng dark web ang mga hacker. Maituturing na isa ring ugat ng mga banta sa cybersecurity ang pangangailangang pinansyal ng iilan.
Dagdag pa rito, hindi na rin nakaliligtas ang mga institusyong kritikal sa buhay ng isang tao. Pagpapaliwanag ni Dr. Peradilla, may mga pagkakataong pinupuntirya ang health care o insurance provider dahil maaaring gawan ito ng ransomware na mabilis pagkakitaan ng pera. Sa prosesong ito, inaatake ng mga hacker ang server ng provider sa pamamagitan ng pagbibigay ng maraming request na nagdudulot ng denial of service at nagreresulta ng mistrust at financial loss sa institusyon.
Bukod sa malware, isa sa kadalasang ginagamit na cyberattack ang phishing. Paliwanag ni Peradilla, “Example nito ay yung nagpapanggap na isang legit na institution. Sinasabi na ang iyong account ay nahack, need ng credentials and personal data.” Tinaguriang pinakasimpleng porma ng cyberattack ang phishing dahil sa madaling pagsasagawa nito. Subalit, sa kabila ng simpleng porma nito, umabot na sa mahigit apat na milyon ang nabiktima nitong Pilipino.
Pagpapaigting ng estratehiya
Sa bawat laban na kinahaharap, may estratehiyang maaaring makapagsalba sa estado ng cybersecurity sa bansa. Isa sa nagiging rason ng lumalalang cyberattacks sa bansa ang kakulangan ng cybersecurity talents. Ayon sa ulat ng United States Agency for International Development (USAID) noong 2022, hindi sapat ang nagiging interesadong tumutok sa cybersecurity dahil sa mababang sahod, kakulangan ng maayos na career pathways, at kawalan ng maayos na patakaran ng gobyerno hinggil sa cybersecurity.
Bilang tugon sa dumadaming kaso ng cyberattacks, pinaiigting ng USAID ang cyber awareness sa K-12 at ang pagpapatupad ng cybersecurity kurikulum sa CHED at TESDA. Bukod dito, tinutukan din ang pagpapataas ng kapasidad at pondo ng mga tauhan ng DICT. Mahahalaga ang isinasagawang hakbang ng awtoridad, ngunit kinakailangan pa itong dagdagan upang higit na mapanatili ang seguridad ng datos ng mga Pilipino.
“‘Di naman kayang gawin ng ordinaryong mamamayan na matutunan ang cybersecurity. Ang kailangan niya ay simpleng information drive,” pagdidiin ni Peradilla. Mahalaga ang pamamahagi ng impormasyon ng gobyerno at mga pribadong sektor upang matuto ang mga ordinaryong indibidwal ukol sa tamang pangangalaga sa kanilang personal na datos, lalo na sa online banking at online wallet.
Realidad ng birtuwal na mundo
Sa mabilisang pag-unlad ng teknolohiya, kaakibat nito ang tuluyang pagbaba ng agwat sa pagitan ng mundong birtuwal at realidad. Bagamat hindi madaling labanan ang mga malisyosong oportunista, edukasyon at kritikal na pag-iisip ang higit na kinakailangan.
Sa pag-usbong ng mga cyber attack, winawasak nito ang hangganan ng internet sa paraang mararamdaman ng mga mamamayan ang mga epektong dulot nito. Higit pa rito, nagbubunga ito sa pagkawasak ng kulturang bayanihan, tiwala, at kapit-bisig na nagbibigkis sa puso ng bawat Pilipino. Nagsisilbing pangunahing proteksyon ng bawat institusyon ang seguridad ng mga datos at sa mas malawak na perspektiba, nagtataguyod ng ating pambansang katatagan. Hindi lamang tugon sa mga panganib ang proaktibong pagtataguyod sa cybersecurity bagkus isang pangako na pangangalagaan ang mga pundamental na halaga na nag-uugma sa atin bilang isang bansa.
Hindi maikakailang malaking hamon pa ang kinakailangang lampasan ng gobyerno upang lubusang masolusyunan ang suliranin ng mga cyber attack. Bagamat tuloy ang pagsisikap ng pamahalaan para sa maaasahang kalidad ng cybersecurity, hindi pa rin ito sumasapat upang tuluyang humupa ang pangamba ng mamamayan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pangangalampag para sa pananagutan, maaaring masiguro ang kaligtasan ng datos, proteksyon ng mga indibidwal at institusyon, at pag-unlad ng bansa sa hinaharap.