SINIBASIB ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang National University (NU) Bulldogs, 25-19, 25-18, 31-33, 27-25, sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Abril 14.
Nagningning si Player of the Game Vince Maglinao para sa Taft-based squad nang magpasiklab ng 22 puntos mula sa 19 na atake, dalawang block, at isang ace. Kumamada rin si outside hitter Noel Kampton ng double-double output tangan ang 18 atake at 22 excellent reception. Sa kabilang banda, nanguna para sa Bulldogs si veteran Nico Almendras matapos pumukol ng 22 puntos.
Maagang kumita ng magkakasunod na puntos ang Green Spikers sa pagbulusok ng unang bahagi ng sagupaan, 8-2. Pumailanglang sa ere si open hitter Maglinao upang panatilihin ang kalamangan sa hanay ng Berde at Puti, 12-7. Nakahanap naman ng butas sa depensa ng Bulldogs si DLSU middle blocker Nath Del Pilar sa bisa ng isang hulog, 22-14. Tuluyan nang sinilat ni Maglinao ang naturang set gamit ang drop ball, 25-19.
Umabante ang Bulldogs sa panimula ng ikalawang set gamit ang mga tirada nina Almendras at rookie Jade Disquitado, 0-2. Gayunpaman, minanduhan ni Del Pilar ang mga nakaasul sa bisa ng A-quick attack, 11-8. Nagpamalas din ng jumpset si floor defender Menard Guerrero na sinuklian ni Maglinao ng rumaragasang crosscourt hit, 24-17. Buhat ng momentum, pumorma si DLSU Team Captain JM Ronquillo sa gitna mula sa ikinumpas na kombinasyon ni playmaker Eco Adajar upang selyuhan ang naturang set, 25-18.
Humambalos ng 4-0 run ang Jhocson-based squad nang pasiklaban ni open hitter Almendras ng crosscourt attack ang kort upang simulan ang karera sa ikatlong set, 0-4. Mainit ang naging salitan ng mga atake nang maidaplis ni Kapitan Ronquillo ang bola sa tore ng NU upang maitabla ang talaan, 15-all. Hindi nagpaawat sa pagbomba ang Bulldogs matapos ding dumapyos ang atake ni middle blocker Choi Diao, 22-24. Bumida rin sa halinhinan si open hitter Buds Buddin nang bawian ng crosscourt attack ang Green Spikers, 30-31. Sa pagtatapos ng yugto, hindi na nakapalag ang Taft-based squad matapos magmintis ang atake ni Ronquillo mula sa likod, 31-33.
Umangal ng dalawang puntos ang kampo ng luntian matapos lumayag ng backrow attack si Kampton sa pagratsada ng ikaapat na set, 15-13. Naitabla naman ni Almendras ang markahan sa bisa ng down-the-line hit, 17-all. Mula sa quick attack ni Teng Taguibolos, patuloy na pumalag sa sagupaan ang mga nagkukumahog na aso, 19-all. Nanaig ang dikdikang bakbakan nang harangan ni middle blocker Billie Anima ang palo ng Bulldogs, 22-all. Nagpakawala rin ng off-the-block hit si Kampton upang pahabain ang serye, 24-all. Sa huli, naghari sa net si Del Pilar upang tuluyang angkinin ang sagupaan kontra NU, 27-25.
Bunsod ng panalong ito, bitbit ng Green Spikers ang 8-3 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susubukan ng Taft mainstays na selyuhan ang puwesto sa Final Four kontra Adamson University Soaring Falcons sa darating na Miyerkules, Abril 17, sa ganap na ika-10 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.