KUMALAS ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa bagsik ng National University (NU) Lady Bulldogs, 25-22, 23-25, 16-25, 22-25, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Abril 14.
Bumida para sa Lady Spikers si Shevana Laput matapos umukit ng 21 puntos sa kaniyang unang beses na paglalaro bilang open hitter. Sa kabilang banda, nagningning para sa Lady Bulldogs si Vangie Alinsug matapos makabuno ng 22 puntos.
Walang pakundangang hinablot nina Lady Bulldog Alinsug at Bella Belen ang maagang momentum sa unang yugto ng sagupaan matapos magpalasap ng 5-0 run, 7-9. Pinaimpis naman ni DLSU middle blocker Thea Gagate ang kalamangan nang magpasiklab mula sa gitna, 20-21. Biglang nasadlak sa lusak ang Bulldogs matapos magsumite ng magkakasunod na error na agad namang sinamantala ni Laput sa bisa ng off-the-block hit, 25-22.
Maagang umalagwa ang Lady Bulldogs sa pagpasok ng ikalawang set, 2-4. Gayunpaman, kumamada sina Baby Jyne Soreño at Laput ng mga marka upang itabla ang talaan, 7-all. Naging sandalan naman ng Lady Spikers ang mga crosscourt attack ni Soreño upang makapagpundar ng puntos, 14-13. Masigasig na nagpalitan ng marka ang magkabilang koponan na nagdulot ng tablang talaan, 23-all. Sa huli, nasungkit ng Lady Bulldogs ang naturang set matapos ang attack error ni DLSU open hitter Alleiah Malaluan, 23-25.
Nabatid sa Lady Spikers ang hirap sa pagbalik ng momentum matapos ang sunod-sunod na puntos ng Jhocson mainstays pagdako ng ikatlong set, 0-3. Ngunit, hindi naman nagpahuli si DLSU Team Captain Julia Coronel matapos kumumpas ng dalawang mabibilis na palo sa kwatro, 7-12. Sinubukan pang habulin ng Berde at Puting koponan ang kalamangan ng NU, subalit agad na bumagtas ng isang mabilis na hampas si Alinsug upang selyuhan ang naturang yugto, 16-25.
Bitbit ang hangaring makabawi, ginulat ng Lady Spikers ang kabilang panig matapos sumibat si Laput ng maliliksing palo sa pagbubukas ng ikaapat na set, 3-0. Patuloy ang naging palitan ng mga atake ng dalawang koponan, ngunit nagawa itong tuldukan ni Gagate sa bisa ng quick attack, 6-4. Hindi naman nagpahuli si Alinsug nang magpatikim ng maaanghang na atake mula sa labas ng linya, 14-15. Bunsod nito, tuluyan nang tinuldukan ng mapanganib na Bulldogs ang sagupaan sa kanilang pabor, 22-25.
Buhat ng napurnadang dominasyon, nalasap ng Taft mainstays ang kanilang ikalawang pagkabigo sa naturang torneo tangan ang 9-2 panalo-talong baraha. Samantala, susubukang dagitin ng Lady Spikers ang bagwis ng Adamson University Lady Falcons sa darating na Miyerkules, Abril 17, sa ganap na ika-2 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.