NILINGKIS ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang hanay ng University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 25-20, 25-27, 25-20, 25-18, sa kanilang huling engkuwentro sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 27.
Pinangunahan ni Kapitan JM Ronquillo ang opensa ng Green Spikers matapos magrehistro ng 21 atake. Bumida rin sa talaan si open DLSU hitter Vince Maglinao bitbit ang 18 puntos mula sa 17 atake at isang block. Samantala, naging banta naman para sa Taft-based squad si UST scoring machine Josh Ybañez tangan ang 24 na puntos mula sa 22 atake at dalawang ace.
Bantay-saradong depensa ang ipinamalas ni Green Spiker Nath Del Pilar sa pag-uumpisa ng sagupaan matapos salagin ang magkakasunod na tirada ng Golden Spikers, 9-7. Pinalobo pa ni Maglinao ang kanilang kalamangan nang magrehistro ng puntos mula sa crosscourt, 16-11. Sa kabilang banda, sinubukan namang paimpisin ng mga nakadilaw ang angat ng DLSU sa bisa ng off-the-block attack ni Golden Spiker Gboy De Vega, 18-15. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Taft mainstays sa tapang ng mga tigre matapos magpasiklab si middle blocker Billie Anima upang wakasan ang naturang set, 25-20.
Nagpaulan ang dalawang koponan ng mga nagliliyab na atake pagdako ng ikalawang set, 3-all. Nagpatuloy ang mainit na salpukan matapos ang pagratsada ni Ybañez upang unti-unting ungusan ang DLSU, 13-15. Hindi naman nagpatinag ang Green Spikers sa mainit na opensa ng mga tigre matapos tipakin ni Maglinao ang kanilang tangkang atake, 15-all. Gayunpaman, tuluyang tinuldukan ni UST opposite attacker Sherwin Umandal ang naturang set sa bisa ng hagupit ng kaniyang spike, 25-27.
Matapos dumapa sa ikalawang set, kaagad na kinalampag ni Kampton ang kampo ng mga tigre sa pamamagitan ng down-the-line hit, 1-0. Hindi nagpatinag si Umandal matapos kumasa ng offspeed attack upang itabla ang talaan, 3-all. Lumusob muli ang España-based squad nang segundahan ito ni open hitter Ybañez ng rumaragasang crosscourt attack, 8-10. Nagawang ungusan ng luntiang koponan ang UST gamit ang power tip ni middle blocker Anima, 18-16. Buhat ng momentum, naangkin ng Taft-based squad ang naturang set matapos tiradahin ni Kampton ang zone 2, 25-20.
Nagpatuloy ang pananalasa ng Green Spikers pagdako ng ikaapat na set nang kumamada ng magkakasunod na puntos si Kampton, 15-11. Umeksena pa si Kapitan Ronquillo sa bisa ng rumaragasang atake mula sa combination play, 18-13. Samantala, nagawa namang makahabol ng España-based squad nang kargahan ni Ybañez ang kaniyang serve, 19-16. Subalit, hindi na nagpaawat ang Taft mainstays matapos magliyab ang kamay ni Kampton sa huling bahagi ng naturang set upang tuldukan ang sagupaan, 25-18.
Bunsod ng panalong ito, nakapagtala ang Taft-based squad ng 11-3 panalo-talo kartada sa kabuuan ng elimination round. Abangan ang magiging kapalaran ng Green Spikers sa gaganaping playoff match kontra National University Bulldogs para sa ikalawang puwesto at twice-to-beat advantage sa naturang torneo.