UMIMPIS ang indayog ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers kontra sa mapangahas na University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s 3×3 Basketball Tournament sa Ayala Malls Manila Bay Activity Center, Mayo 3.
Nagningning para sa Lady Archers si Lee Sario matapos magbulsa ng anim na puntos. Umagapay rin sa kaniya si Ann Mendoza at Betina Binaohan na nagtala ng kabuuang pitong marka. Sa kabilang banda, bumida para sa Growling Tigresses si Kent Pastrana matapos magpundar ng 10 puntos.
Maagang sinimulan ni Sario ang sagupaan sa bisa ng rumaragasang jumpshots, 3-6. Sa kabilang dako, hindi rin nagpaawat sa pagsalasa si Pastrana matapos kumumpas ng dalawang magkasunod na behind-the-arc shot, 4-10.
Buhat ang kagustuhang panipisin ang kalamangan, sinikap ni Lady Archer Binaohan na mailusot ang isang off-the-glass point kasunod ang garantisadong tira sa labas ng arko, 10-18. Sinubukan pang habulin ng Taft mainstays ang puntos ng mga tigre, ngunit tuluyan nang inangkin ng Growling Tigresses ang panalo gamit ang layup ni Pastrana, 14-20.
Sa kabila ng naunang tagumpay ng Lady Archers kontra Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 18-16, bumaba sa ikatlong puwesto ang pangkat tangan ang 3-1 panalo-talo kartada at kabuuang 67 puntos. Gayunpaman, susubukang mabawi ng mga manunudla ang nawalang momentum sa ikatlong araw ng naturang torneo bukas, Mayo 4, sa parehong lunan. Makatutunggali ng DLSU ang Adamson University Lady Falcons sa ganap na ika-3 ng hapon at ang Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa ganap na ika-5:20 ng hapon.
Samantala, nananatiling perpekto ang baraha ng Green Archers sa Men’s 3×3 tangan ang 4-0 panalo-talo baraha at kabuuang 81 puntos. Nanaig ang luntiang koponan kontra sa naghahabol na UST Growling Tigers, 20-16. Inanunsyo naman ng University of the Philippines Fighting Maroons ang kanilang pagliban sa ikalawang araw ng paligsahan dahil sa hindi inaasahang injuries ng mga manlalaro kaya awtomatikong nakamit ng mga taga-Taft ang kanilang ikaapat na panalo.
Sunod na makahaharap ng Green Archers ang FEU Tamaraws bukas, Mayo 4, sa ganap na ika-3:20 ng hapon at ang ADMU Blue Eagles sa ganap na ika-6 ng gabi sa parehong lugar.