Green Spikers, nasindak sa karakas ng Bulldogs

Kuha ni Lee Justine Catura

PUMALYA ang mga pana ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra sa mababangis na National University (NU) Bulldogs, 25-19, 21-25, 13-25, 25-21, 14-16, sa playoff match ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Mayo 4.

Bumida para sa hanay ng Berde at Puti si Noel Kampton matapos magtala ng 22 puntos. Sa kabilang dako, nagningning para sa panig ng NU Bulldogs si Player of the Game Michaelo Buddin matapos magpamalas ng 32 puntos mula sa 29 na atake at tatlong blocks.

Mabagsik na binuksan ng Taft-based squad ang bakbakan nang magsalaksak ng mga tirada si Kampton, 12-8. Kasunod nito, namigay naman ng libreng puntos ang Bulldogs bunsod ng kanilang magkakasunod na error, 15-10. Lumobo pa ang angat ng Green Spikers sa bisa ng off-the-block hit ni open hitter Vince Maglinao, 18-14. Sa kabilang banda, umeksena si Buddin sa crosscourt, subalit agad nang tinduldukan ni Maglinao ang set, 25-19.

Maagang nakalamang ang Green Spikers sa ikalawang set mula sa interference error ng Bulldogs at off-the-block kill ni JM Ronquillo, 2-0. Nagbago ang ihip ng hangin matapos magsumite ang Jhocson-based squad ng 11-3 run sa pangunguna ni outside hitter Buddin upang makaabante sa naturang set, 5-11. Nagawa pang magsumite ng mga taga-Taft ng 5-0 run mula sa mabibigat na service ni DLSU rookie Eugene Gloria at sunod-sunod na atake ni Kampton sa open, ngunit hindi ito naging sapat upang mapigilan ang mga nag-aapoy na palo mula kina NU open duo Nico Almendras at Buddin, 21-25.

Sa pagkabigong umungos sa ikalawang tudlaan, maagang nakipagsabayan ang Green Spikers sa pag-arangkada ni middle blocker Billie Anima mula sa gitna, 2-all. Kasunod nito, nagsimulang humimig ng block party ang Bulldogs upang umalagwa ng tatlong puntos sa pagpapatahimik sa tirada nina Maglinao at Ronquillo, 2-5. Gayunpaman, sinubukang bumalasa ng DLSU sa pagpasok ni playmaker Gene Poquita, ngunit tuluyan pa ring pinupog ang grupo ng mga error, 9-14. Bunsod nito, hindi na bumaling ang hangin sa kampo ng DLSU matapos kumabig ang NU ng 8-2 run, 13-25.

Mas pinaigting na depensa ang ipinamalas ng mga nakaberde matapos magrehistro ng kill block si Kampton sa pagbulusok ng ikaapat na set, 15-11. Nagpakitang-gilas pa si Kapitan Ronquillo nang buwagin ang malapader na block ng katunggali, 19-15. Sa kabilang banda, pilit na pinadikit ni Buddin ang talaan ng iskor matapos magpakawala ng nagbabagang tirada sa crosscourt, 21-20. Subalit, hindi na nagpaawat ang Green Spikers nang ipamalas ni middle blocker Nat Del Pilar ang kaniyang bantay-saradong depensa sa net, 25-21.

Tangan ang momentum mula sa ikaapat na set, maagang nagpasiklab si Ronquillo sa pagpito ng huling yugto gamit ang back-to-back blocks, 3-0. Umingay na rin ang pag-araro ng mga puntos ni Buddin dahilan para kumawala sa payong ng kampo ng Berde at Puti ang Bulldogs, 4-5. Umalab na ang ningas ni Buddin sa mga huling sandali ng set, 13-14, ngunit hindi pa rin nagpatinag si Maglinao para itabla ang talaan, 14-all. Sa kabila nito, tuluyan nang kumalas ang Taft mainstays sa mga kamay ni Buddin, 14-16.

Sa pagkasubasob ng Green Spikers, lumagapak sa ikatlong puwesto ang grupo at isinuko ang twice-to-beat advantage sa Bulldogs. Muling maghaharap ang dalawang pangkat sa semifinal round ng naturang torneo.