Green Archers, lumilok ng malinis na kartada sa ikatlong araw ng UAAP 3×3

PATULOY ANG PAMAMALAGI ng De La Salle University Green Archers sa tuktok ng talaan matapos lusubin ang langkay ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 21-9, sa ikatlong araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s 3×3 Basketball Tournament sa Ayala Malls Manila Bay Activity Center kahapon, Mayo 4. Matagumpay ring bumulusok ang luntiang pangkat kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 21-16, sa kanilang paghaharap. 

Umukit sina CJ Austria at Jonnel Policarpio ng tig-16 na puntos pagkatapos ng dalawang laro upang pangunahan ang umuusbong na kampanya ng Green Archers. Hindi rin nagpahuli si Aaron Buensalida matapos magpasiklab ng walong marka kontra sa nagkukumahog na mga agila. 

Maagang umarangkada ang presensya ni Season 85 Most Valuable Player Austria sa bisa ng kaniyang tirada sa labas ng arko, 3-0. Kumayod naman ng 5-0 run si Buensalida mula sa loob ng paint at free-throw line upang panatilihing blanko ang iskor ng Loyola-based squad, 8-0. Gayundin, kaagad na umalingawngaw ang pangalan ni Policarpio pagpasok sa kort buhat ng pinong layup, 9-0. 

Samantala, inukit ni Andre Tan ang unang marka ng bughaw na koponan mula sa free-throw line na kaagad sinundan ng isang puntos ni Alonzo Luna sa nalalabing 5:50 minuto ng sagupaan, 10-2. Binuwag naman ni Buensalida ang tangkang pag-ungos ng mga agila upang palobohin sa 13 marka ang kalamangan, 18-5. Bunsod ng momentum, tuluyan nang sinelyuhan ng Taft-based squad ang panalo matapos ang game-winning free throw ni Austria, 21-9. 

Buhat ng matagumpay na paglupig sa mga hanay ng FEU at ADMU, nakamtan ng Green Archers ang unang puwesto sa Final Four ng torneo bitbit ang 6-0 panalo-talo kartada na may kabuuang 123 puntos. Sunod nilang makahaharap ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons mamaya, Mayo 5, sa ganap na ika-12:40 ng tanghali sa parehong lunan. 

Sa kabilang banda, bigong makabalik ang Lady Archers sa talaan ng mga panalo matapos malula sa mga pagaspas ng AdU Lady Falcons, 17-19, at ADMU Blue Eagles, 14-17. Gayunpaman, nakapagpundar pa rin ng 14 na puntos si Ann Mendoza sa kanilang naging dalawang laro. Samantala, susubukang tudlain ng Taft mainstays ang huling puwesto sa Final Four kontra University of the Philippines Fighting Maroons mamaya, Mayo 5, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa parehong lugar.