Perpektong pagbida: Green Archers, hinirang na back-to-back champions ng UAAP 3×3 

Kuha ni Kyla Mojares

IBINANDILA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato matapos salakayin ang sandatahan ng University of the East (UE) Red Warriors, 17-16, sa nagtapos na University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s 3×3 Basketball Tournament sa Ayala Malls Manila Bay Activity Center kagabi, Mayo 5.

Kasabay ng matagumpay na pagdepensa sa titulo, itinanghal si Green Archer CJ Austria bilang Most Valuable Player sa ikalawang pagkakataon matapos pangunahan ang naging kampanya ng luntiang koponan sa naturang torneo. Kinilala namang Rookie of the Year si Jonnel Policarpio na tumikada ng walong puntos sa pinal na yugto. Sa kabilang banda, napasakamay ng Red Warriors ang pilak na medalya sa pangunguna ni Wello Lingolingo.

Maagang inilantad ng Red Warriors ang paghihikahos ng Taft-based squad sa unang apat na minuto ng sagupaan matapos magpakawala nina Ethan Galang at Lingolingo ng tatlong magkakasunod na puntos sa labas ng arko, 3-10. Gayunpaman, unti-unting kinayod ng Green Archers ang pagtapyas sa kalamangan ng mga taga-Recto sa bisa ng 8-2 run na sinelyuhan ng isang marka ni Policarpio mula sa free-throw line, 11-12.

Nagawang itabla ng Green Archers ang talaan nang samantalahin ni Earl Abadam ang puwesto sa free-throw line, 13-all. Kumumpas pa ng 3-0 run ang Taft mainstays gamit ang presensya nina Austria at Policarpio upang tuluyang angkinin ang angat kontra sa Recto-based squad, 16-13. 

Inirehistro ni Abadam ang huling basket ng Berde at Puting pangkat sa bisa ng isang pull-up jumper, 17-14. Bagamat hindi agad nagpaawat si Galang matapos pumoste ng beyond-the-arc shot sa nalalabing isang minuto ng bakbakan, tuluyan nang napasakamay ng DLSU ang ginto nang bigong kalagin ng UE ang tangkang game-winning buzzer beater, 17-16.

“We just stayed focused every game. We took one game at a time. We didn’t [want to] underestimate our opponents,” pagbabahagi ni Abadam sa post-game interview ukol sa kanilang naging tagumpay. 

Buhat ng pagwawagi sa pinal na yugto, nanatiling perpekto ang kartada ng mga manunudla dala-dala ang siyam na panalo sa pagwawakas ng naturang torneo. Naiukit din ng Green Archers ang ikaapat na kampeonato ng DLSU sa Season 86. 

MGA ISKOR:

DLSU 17 – Policarpio 8, Austria 5, Abadam 3, Buensalida 1.
UE 16 – Lingolingo 7, Galang 5, Cruz Dumont 4.