Green Archers, hinagupit ng Fighting Maroons sa FilOil 

Kuha ni Riezl Fortaleza

NAGMALIW ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra sa dilaab ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 77-89, sa pag-uumpisa ng FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre kagabi, Mayo 11.

Pinangunahan ni Kevin Quiambao ang Green Archers matapos umukit ng 15 puntos, siyam na rebound, at isang assist. Sa kabilang banda, binansagan si reigning Most Valuable Player Harold Alarcon bilang Player of the Game matapos pumoste ng siyam na puntos at tatlong steal para sa UP.

Maingay ang naging simula ng bakbakan ng dalawang koponan matapos magpalitan ng mga tirada, 4-all. Gayunpaman, kumamada ng 7-0 run ang Fighting Maroons upang patahimikin ang hanay ng DLSU, 4-11. Sinubukan pang tapyasin ni Mike Phillips ang kalamangan sa dalawa sa bisa ng layup, 9-11. Subalit, tuluyang nanaig ang Diliman-based squad sa pagtatapos ng unang sampung minuto ng sagupaan, 22-31.

Umarangkada ang Berde at Puting koponan pagdako ng ikalawang yugto matapos magpundar ng 6-0 run sa bisa ng pag-iinit ni point forward Quiambao sa labas ng arko, 28-31. Pumoste rin ng dalawang magkasunod na tres para sa Taft-based squad sina Quiambao at Joshua David, 36-37. Dinagundong naman ni DLSU center Henry Agunanne ang kort matapos tumira ng tres upang itabla ang talaan, 41-all. Gayunpaman, napasakamay pa rin ng Diliman-based squad ang kalamangan sa pagtatapos ng first half bunsod ng mga tirada nina court general JD Cagulangan at Harold Alarcon, 41-46.  

Binuksan ni Fighting Maroon Kingsley Ududo ang ikatlong kwarter gamit ang isang layup, 41-47. Naging mainit pa ang sagupaan ng dalawang koponan, ngunit bumulusok si Policarpio upang ibigay sa unang pagkakataon ang kalamangan sa Taft, 68-66. Sa kabila nito, umalab si UP point guard JJ Felicilda sa huling segundo ng naturang yugto upang ibalik sa mga nakapula ang bentahe, 66-69. 

Nagpasiklab kaagad ang Fighting Maroons pagsapit ng huling kwarter gamit ang 8-2 run kaakibat ng bank shot ni Ududo sa paint, 68-77. Nakahanap ng sagot si DLSU small forward CJ Austria sa bisa ng reverse layup, 73-77. Gayunpaman, humarurot ang Diliman mainstays upang palobohin ang bentahe gamit ang dalawang magkasunod na tirada ni Cagulangan, 77-87. Pagdako ng 1:34 marka, nawalan ng balanse si Quiambao matapos subukang saluhin ang pasa ni Austria na siyang naging dahilan ng pagliban niya sa nalalabing oras ng sagupaan. Samakatuwid, napilitang sumuko ang Taft mainstays bunsod ng ball possession ng UP sa huling 12.6 segundo, 77-89. 

Bunsod ng pagkatalong ito, nakamit ng Green Archers ang 0-1 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na makahaharap ng Green Archers ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa darating na Biyernes, Mayo 17, sa ganap na ika-5 ng hapon sa parehong lugar.