KINAPOS SA PAGTUDLA ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 66-69, sa do-or-die Finals ng FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre kagabi, Hunyo 12.
Nagsilbing tanglaw para sa Berde at Puting pangkat si Season Most Valuable Player (MVP) at Mythical Five member Kevin Quiambao nang pumoste ng double-double na 14 na marka at 10 rebound kaakibat ng dalawang assist at isang steal. Naging kaagapay naman niya si small forward CJ Austria na tumikada ng 14 na puntos, isang rebound, at isang assist. Samantala, pinangunahan ni Finals MVP Gerry Abadiano ang back-to-back na kampeonato ng Diliman-based squad matapos magtala ng 12 puntos, isang rebound, isang block, at isang steal.
Maagang katahimikan ang bumungad sa magkabilang koponan sa unang minuto ng sagupaan na binasag ng palitan ng puntos nina Fighting Maroon JD Cagulangan at Quiambao, 2-all. Pumorsyento naman ng tres si UP small forward Harold Alarcon, ngunit hindi nagpatinag si DLSU center Henry Agunanne matapos magpamalas ng slam mula sa pasa ni point forward Lian Ramiro, 4-6. Pagpatak ng 1:48 marka, nagawang ipitin ni DLSU rookie Andrei Dungo ang talaan sa bisa ng layup, 12-13. Tinapos naman ni power forward Jonnel Policarpio ang unang yugto sa free-throw line, 14-17.
Nakabuwelo agad ang luntiang koponan sa ikalawang yugto nang itaas ni Agunanne ang Berde at Puting pananggalang kontra kay Jacob Bayla pagdako ng 8:35 marka. Sinamantala naman ito ni Austria para magpakawala ng three-point jump shot, 19-17. Hindi pa rin natinag si Quiambao matapos isakatuparan ang 15-2 run ng Taft-based squad gamit ang tatlong magkakasunod na tirada, 34-19. Tuluyang sinelyuhan nina small forward Jcee Macalalag at shooting guard Vhoris Marasigan ang dominasyon ng Taft mainstays sa huling 35 segundo ng naturang yugto, 43-23.
Tumamlay naman ang lagay ng Green Archers sa panimula ng ikatlong kwarter matapos malusutan ng 10-0 run ng Diliman mainstays sa pangunguna ng mga tirada ni Lopez, 43-33. Pagsapit ng 4:56 marka, tinipak ni Policarpio ang nagbabadyang tirada ni Fighting Maroon Aldous Torculas na naging susi upang makabuo ng fast break play si Austria mula sa defensive rebound ni Cortez, 46-33. Pinigilan din ng mga tirada nina Ramiro at small forward EJ Gollena ang pananalaytay ng dugong pula sa kort, 53-43. Sa kabila ng pagratsada ng UP ng 5-0 run, napasakamay ng mga taga-Taft ang bentahe sa naturang yugto, 53-48.
Nagpatuloy ang pag-arangkada ng mga taga-Diliman sa huling sampung minuto ng tapatan matapos idikit ni Abadiano ang talaan sa bisa ng magkasunod na jump shot, 53-52. Nakahanap ng panandaliang sagot ang Taft-based squad sa bisa ng midrange jumper ni Ramiro, 58-54, subalit muling napasakamay ng Fighting Maroons ang bentahe nang magpasiklab ng 9-0 run kaakibat ng slam ni Lopez, 58-63. Sinubukan namang sindihan ni Quiambao ang palaso ng mga manunudla sa labas ng arko, 65-63. Gayunpaman, inapula rin ito kaagad ni Lopez sa free-throw line sa pagtatapos ng salpukan, 66-69.
Bunsod nito, napasakamay ng Green Archers ang pilak na medalya sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa naturang torneo. Samantala, kabilang sina Quiambao at Policarpio sa itinanghal na Top 10 Best Players of the Season.
Mga Iskor:
DLSU 66 – Quiambao 14, Austria 14, Agunanne 7, Ramiro 7, Gollena 7, Dungo 6, Policarpio 4, Macalalag 3, Cortez 2, Marasigan 2, Abadam 0, Rubico 0.
UP 69 – Cagulangan 13, Abadiano 12, Alarcon 9, Ududo 9, Lopez 8, Torculas 7, Torres 7, Alter 2, Felicilda 2, Bayla 0, Belmonte 0, Briones 0, Stevens 0.
Quarter scores: 14-17, 43-23, 53-48, 66-69.