PINAAMO ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang nagkukumahog na puwersa ng University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 25-19, 27-25, 23-25, 25-20, sa 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 7.
Nanguna para sa Green Spikers si playmaker Eco Adajar matapos magtala ng 22 excellent set at isang service ace. Umagapay naman sa kaniya sina outside hitter Eugene Gloria at middle blocker Joshua Magalaman na nagsumite ng pinagsamang 22 puntos. Sa kabilang banda, nangibabaw para sa Golden Spikers si open spiker Jan Macam na nagtala ng 17 marka.
Mainit ang naging simula ng bakbakan matapos magpalitan ng naglalagablab na atake ang dalawang koponan, 14-all. Nagpatuloy ang kanilang dikit na sagupaan, ngunit umalab ang depensa sa net ni Adajar upang ibigay ang 3-0 run sa Berde at Puting hanay, 19-17. Hindi na rin nagpapigil si Green Spiker Eric Layug matapos magrehistro ng dalawang magkasunod na puntos sa bisa ng quick attack at block upang tuluyang tuldukan ang unang set, 25-19.
Maagang nakalamang ang Golden Spikers pagdako ng ikalawang set matapos magpaulan ng puntos si Macam mula sa open, 1-6. Agad na sumagot ang DLSU ng magkasunod na marka mula kay Magalaman, ngunit patuloy ang pag-ariba ng España-based squad patungong first technical timeout, 5-8. Sa kalagitnaan ng set, kumamada ng 5-0 run ang luntiang koponan sa pangunguna ni opposite hitter MJ Fortuna, 14-16. Nagsagutan ng mga atake ang dalawang koponan sa huling bahagi ng yugto, ngunit hindi nagpatinag ang Green Spikers matapos agawin ang kalamangan sa kamay ng UST sa bisa ng solid block ni Emman Hernandez, 27-25.
Agad na uminit ang palad ni UST middle blocker Edlyn Colinares matapos magbitiw ng quick attack, 3-5. Samantala, pinaigting ni Magalaman ang depensa ng Taft-based squad upang agawin ang bentahe mula sa Golden Spikers, 11-10. Sa kabila ng palitan ng mga atake ng dalawang koponan, tuluyang nag-alab ang pag-asa ng mga taga-España gamit ang crosscourt attack ni Gboy De Vega, 20-21. Sinubukan pang makabawi ng Taft mainstays, ngunit tuluyan nang nasilat ng Golden Spikers ang ikatlong set nang kapusin ang tira ni Gloria sa backrow, 23-25.
Bitbit ang hangaring makabawi, nangibabaw ang opensa ng Green Spikers sa bisa ng quick attack ni Magalaman, 4-2. Nagpatuloy ang paglobo ng kalamangan ng mga taga-Taft bunsod ng crosscourt attack ni sophomore Rui Ventura, 10-6. Sa kabilang banda, sinubukan pang panipisin ni Macam ang kalamangan ng Green Spikers tangan ang isang crosscourt hit, 17-16. Gayunpaman, hindi na nagpaawat pa si Magalaman nang magpakawala ng atake sa gitna, 23-19. Tuluyan nang winakasan ni Player of the Game Adajar ang bakbakan sa bisa ng service ace, 25-20.
Bunsod ng naturang panalo, umangat sa 2-0 panalo-talo ang kartada ng Green Spikers sa torneo. Samantala, susubukan gapiin ng Taft-based squad ang sandatahan ng Emilio Aguinaldo College Generals sa darating na Miyerkules, Agosto 14, sa ganap na ika-10 ng umaga sa parehong lugar.