TINALAKAY sa Kapihan ng Malalayang Lasalyano ng Committee on National Issues and Concerns ang mga epekto ng demokratikong partisipasyon at mga isyung bumabalot sa Halalan 2025 sa The Verdure, Setyembre 25. Umikot ito sa temang “Kahalagahan ng Eleksyon 2025 para sa ating Demokrasya at Pangkalahatang Kaunlaran.”
Pinangunahan nina Dr. Telibert Laoc, propesor ng Department of Political Science and Development Studies; Dr. Wilson Chua, pinuno ng Voter’s Education ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting Roman Catholic Archdiocese of Manila; at Alexa Yadao, junior project officer para sa Electoral Reforms ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang diskusyon.
Nagsilbi namang tagapamagitan ng diyalogo sina Lance Mendoza at Kristian Arellano, mga dating pangulo ng De La Salle University Political Science Society.
Hakbang tungo sa malinis na halalan
Binigyang-halaga ni Laoc ang pagtataguyod ng mga kandidato ng malinis, inklusibo, at may pananagutan sa taumbayang pangangampanya upang panatilihin ang integridad ng halalan. Ipinahayag naman ni Chua na nagsisilbing pundasyon ng integridad na ito ang responsableng pagbotong nakasalalay sa mamamayan.
Ibinahagi naman ni Yadao ang Safe, Accountable, Transparent, Inclusive, National Public Confidence o #SATINAngEleksyon na kampanya ng LENTE para sa tapat na halalan. Aniya, “It’s a way of saying na [the] elections is ours. And sana when we do choose our candidates, ‘yung ganoong standards ang ina-uphold natin for that.”
Ibinida ni Yadao na binigyang-tuon ng LENTE ang malawak na impluwensiya ng kaguruan upang ilakip ang voter’s education program sa kurikulum ng mga estudyante sa ika-12 baitang. Layon nilang abutin ang mas maraming kabataan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Samantala, tinutulan ni Laoc ang pagdaragdag ng pansibikong programa bilang rekisito sa mga magrerehistrong botante dahil tungkulin ng mga kandidatong ipaunawa ang kani-kanilang plataporma sa mamamayan. Pagpapatibay niya, “If I were to mandate anything, it is to mandate the political parties [and] the political contestants to articulate well what they stand for.”
Hadlang sa malayang halalan
Ibinahagi ni Yadao na hindi sapat ang mga alituntuning inilabas ng Commission on Elections hinggil sa pangangampanya gamit ang social media at artificial intelligence kaugnay ng pangingibabaw ng disimpormasyon tuwing panahon ng halalan.
Sambit ni Yadao, “You can see globally no one has figured it out yet how to deal with election misinformation. . . Sometimes, regulating it and [establishing] policy reforms may lead to more harmful consequences. . . How do we say to people na mali ‘yung pinapaniwalaan mo?”
Binigyang-diin ni Yadao na kinakailangan ang partisipasyon ng mamamayan upang labanan ang paglaganap ng disimpormasyon. Sinuportahan ito ni Laoc at isinaad na nararapat maging mapanuri ang mga mambabasa hinggil sa kredibilidad ng impormasyon upang makapagpasya sila nang tama.
Inilahad naman ni Chua na hindi pa lubos nauunawaan ng mga Pilipino ang kahulugan ng demokrasya. Salaysay niya, “Sovereignty sides with the people. Kaso sa Pilipinas, baliktad, eh. ‘Yung people ‘yung takot sa sovereign. Hindi nila alam na sila ‘yung makapangyarihan. Akala nila politiko ‘yung makapangyarihan. That is the democracy we have here.”
Inalmahan naman ni Laoc ang pananaig ng ilang pamilya tuwing halalan dahil sa pagdudulot nito ng kompromiso sa malayang kompetisyon ng mga pinamimiliang kandidato. Iginiit din niyang nasa pananagutan ng Kongreso ang kawalan ng batas laban sa mga dinastiyang politikal hanggang sa kasalukuyan. Sa kabilang banda, ipinunto ni Yadao na hindi lamang sa mga nasa laylayan nakatutok ang isang inklusibong eleksiyon.
Pinayuhan naman ni Laoc ang kabataang may hindi sapat na kamalayan ukol sa estado ng bansang ipagpaliban ang pagboto. Wika niya, “Kung isinusuka niyo ang politiko, huwag kayong bumoto.”
Nanawagan naman sina Yadao at Chua para sa patuloy na pagpaparehistro ng kabataan sa eleksiyon. Ipinaalala rin ni Chua na sagrado at sumisimbolo sa dangal ng botante ang bawat botong itatala rito.