
UMALINGAWNGAW sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) ang panawagan ng iba’t ibang sektor sa kabila ng pagdeklara ng administrasyong Marcos Jr. na gawing special working holiday ang ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, Pebrero 25. Naging saksi ang EDSA Shrine at People Power Monument, Quezon City sa ikinasang programang pinangunahan ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), Clergy and Citizens for Good Governance, at Buhay ang People Power Campaign Network.
Nakiisa rin ang alyansang One Taft against Fascism and Tyranny, kabilang na ang De La Salle University (DLSU), sa pagsasabuhay ng diwa ng EDSA mula Maynila hanggang Quezon City. Naglunsad naman ng walkout ang iba’t ibang pamantasan sa bansa bilang bahagi ng protesta laban sa pagtanggi ng ilang mga unibersidad na suspendihin ang mga klase sa anibersaryo ng pag-aalsang EDSA.
Pagsariwa sa binuburang alaala
Muling binuklat ng mga multisektoral na grupo ang mga alaala ng rebolusyong EDSA upang isabuhay ang diwa nito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Matatandaang ilang beses nang hindi kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang isang ganap na holiday ang naturang pag-aaklas na nagpatalsik sa kaniyang ama mula sa mahigit 20 taong diktadura.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Aubrey Macaig, provincial coordinator ng MAKABAYAN LAGUNA, matapang niyang isinaad na nakababastos para sa mga lumaban sa nakaraan ang pagturing ng administrasyong Marcos Jr. sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power bilang isang special working holiday. Pagdidiin niya, “Ito kasing EDSA hindi lang siya basta ano eh, hindi lang siya basta holiday. Isa siyang pagtitipon ng mga masa para ibagsak ‘yung rehimen noon ni Marcos Sr.”
Binigyang-diin naman ni Atty. Aaron Sedrosa, SANLAKAS Secretary General, ang patuloy na pag-alala sa kasaysayan upang hindi na maulit ang nangyari noon sa kasalukuyang panahon. Iginiit din ni Sedrosa sa panayam sa APP na mahalagang maunawaang bunga ng ilang dekadang paninindigan ng mamamayan ang rebolusyong EDSA at nagsilbi itong simbolo ng paglabang isinagawa ng taumbayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bilang isa sa mga aktibista noong pag-aalsang EDSA, pinahalagahan ni Tatay Dino sa APP ang pagsasabuhay ng diwa ng People Power Revolution hanggang sa kasalukuyan. Pagbabahagi niya, “The generation now, the Gen Z, you are the ones who need to continue whatever was started in the past. We committed several mistakes, I hope you don’t do the same mistakes. It’s the only thing we can do to keep the spirit living.”
Iisang laban ng One Taft
Hiwa-hiwalay man ang lugar ng pagtindig ng mga grupo sa idinaos na malawakang kilos-protesta nitong Enero 31, nagsanib-puwersa naman ang iba’t ibang organisasyon sa paggunita sa rebolusyong EDSA. Isinulong ng alyansang One Taft na binubuo ng mga kawani sa sektor ng edukasyon, manggagawa, at mag-aaral ang muling pagpapanagot sa administrasyong Marcos-Duterte.
Iwinika ni St. Scholastica’s College Manila Advocacy and Outreach Center Director Joy Castrañero sa APP na patuloy ang kanilang adhikaing litisin si Bise Presidente Sara Duterte sa mga alegasyon ng katiwalian at singilin si Pangulong Marcos Jr. sa kaniyang mga pagkukulang. Kaakibat nito, sinambit din ni Castrañero ang mas malaking puwersa sa naturang mobilisasyon bunsod ng paglahok ng mga miyembro ng simbahan at mga grupong multisektoral sa ipinaglalabang mga adbokasiya ng katarungan at wastong pagtrato sa mamamayan.
Binalikan naman ni Dr. David San Juan, pangulo ng DLSU Association of Faculty and Educators, ang pagkakapareho ng mga suliranin noon kompara sa panahon ngayon. Ani ng convenor ng alyansang TAMA NA, “Malaki pa rin ang utang natin. This year, matatapos na ‘yung pagbayad sa utang ni Marcos Sr. pero [si] Marcos Jr. ang nasa puwesto. [May] Record-level na utang pa rin na hindi naman natin pinapakinabangan. So essentially, pareho lang ang pinaglalaban noon [at] ngayon. Tuloy ang laban, kumbaga.”
Lumipas man ang ilang dekada, ipinamamalas pa rin ng taumbayan na nasa kanila ang tunay na diwa ng pag-aaklas sa EDSA. Habang pinapanagot ng sambayanan ang mga tiwali sa gobyerno at ginugunita ang mga ipinaglaban sa nakaraan, mas umaapoy ang patunay na hindi basta-basta mababalewala ang legasiyang pilit na binabaluktot sa kasalukuyan. Sa pagbansag ng Pebrero 25 bilang isang special working holiday ngayong taon, taas-kamaong itinindig ng mga Pilipino ang kasaysayan at kapangyarihan ng nagkakaisang mamamayan.