Gunita 2025: Gantimpalang korona sa mga bagong artista ng bayan

Kuha ni Ma. Paulyn Tabor

Humahakbang palabas ng kuwadro, iniilawan niya ang bawat yapak sa entablado. Sa bawat linya at galaw, sinusundan siya ng sinag—naghahatid ng lakas sa mga pusong nangangailangan at mga tinig na pinipigilan. Umaagos ang kaniyang bughaw na pananamit na tila along patuloy na sumasalungat sa marahas na daluyong ng diskriminasyon. Kilalanin si Nita sa kaniyang pagpasok sa makabagong anyo ng sining—ang makulay na mundo ng drag.

Inihandog ng The Adamson Chronicle ang Gunita 2025 na may temang “Bongga ka, Nita: Isang Pagyakap sa Makabagong Artista ng Bayan” sa Cardinal Santos Garden nitong Pebero 12. Nilalayon nitong mahikayat ang mga mag-aaral na makiisa at maging tagasubaybay ng mga presentasyong nagpapakita ng malawak na talento ng mga kabataang Adamsonian sa sining.

Isang paanyaya ang ika-pitong pagdiriwang sa lahat upang kilalanin ang mga makabagong artista ng bayan o drag artists bilang isang mahalagang bahagi ng ating lipunan. Sa panahong patuloy ang laban para sa pagkakapantay-pantay, nararapat pahalagahan ang kanilang walang humpay na pagsusumikap upang makamit ito.

Bakas ng bagong bayani

Isang partikular na boses ang lumitaw at nagbigay-diin sa mga tinig na hindi naririnig. Itinakda ni Neil Ryan Carolino o mas kilala sa drag name na “Jean Onyx” ang tono ng entablado sa kaniyang pananalita. Sinentro niya ang kaniyang mensahe sa realidad ng pagiging drag queen—mga nakatagong panganib sa likod ng kanilang matapang na anyo. 

Tila espadang may dalawang talim ang payo ni Carolino sa mga kapuwa niya mag-aaral. Binigyang-pansin niya ang kalayaan sa pagpili, ngunit nagpaalala rin siyang ang kaligtasan ng mga kapwa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual, at iba pa (LGBTQIA+) ang kaniyang prayoridad. Bakas sa kaniyang boses ang pagkabahala at kabigatan ng naging karanasan. Aniya, “Ayoko naman kayo ipilit kung saan kayo ‘di welcome, kung saan kayo ‘di protektado.”

Matapang na isinalaysay ni Carolino sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga mapait na karanasan—gaya ng biglaang pananakit sa kaniya ng isang estranghero nang walang dahilan. Dagdag pa rito ang kahigpitan ng kanilang unibersidad sa mga alituntuning tila kumikitil sa kanilang kalayaang magpahayag bilang mga drag artist at miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+. Ibinahagi niyang madalas siyang sitahin ng guwardiya at pinagbubura ng make-up bago papasukin o paalisin sa gate.

“I hope na ma-push din sila na maging progressive sa pag-change ng mga guidelines sa student handbook,” pagsasaad ni Carolino. Hindi lamang isang hakbang para sa sarili ang kaniyang pagtayo sa entablado, kundi watawat na iwinawagayway para sa buong komunidad. Isa itong pintuang binubuksan para sa mas malawak na pagtanggap at pagbabago sa buong unibersidad. 

“Drag for me is a calling,” ito ang nagtutulak sa kaniyang magpursigi sa kabila ng realidad na kinahaharap ng mga drag artist sa isang mundong naghahangad silang patahimikin. Sa bawat pagtatanghal niya, isang sigaw ng pagtutol ang pumupunit sa katahimikan. Tila ningas na nagliliyab sa kadiliman ang kaniyang pagtindig—isang mabangis na laban upang marinig ang kanilang tinig.

Mekanismo ng mahika 

Hindi naglaho ang bahaghari; bagkus, nagpatuloy ang paglago at pagpapakita ng iba’t ibang kulay nito. Tumungo sa entablado ang iba pang mga artistang Adamsonian tulad nina Bert Symoun, Jadwiga, Himig, at Ginger and the minion. Sa kanilang pagbibigay-buhay sa mga instrumento at awitin, inihandog nila ang yaman ng lokal na sining—mga talentong tunay na maipagmamalaki. 

Sa kalagitnaan ng kumikinang na kislap ng mga kamera, lumitaw si BeauxVough, isang bituing kaakit-akit ang bighani. Mula sa kaniyang musikal na trilohiya, binigyang-buhay niya ang isang paglalakbay ng pag-ibig, pagkabigo, at muling pagbangon. 

Nagsimula ang kaniyang pagtatanghal sa isang eksenang tumusok sa puso ng mga manonood—isang sawing BeauxVough, wasak ang pusong nakikipagtalo sa isang standee ni Enchong Dee. Nang tumugtog ang “I Will Survive” ni Gloria Gaynor, biglang nag-iba ang ihip ng hangin; mula sa kapighatian, bumangon siya nang may panibagong lakas. Ramdam na ramdam ng mga manonood ang bawat paghikbing kinapapalooban ng kaniyang saloobin. Sa huling himig ng ikatlong awit, muling nagtagpo ang mga puso ni BeauxVough at Enchong Dee sa isang sayaw ng tadhana.

Bumalot sa buong Cardinal Santos Garden ang saya at kilig—isang tunay na palabas na nag-iwan sa mga manonood ng mga ngiting hindi mapigilan. Sa bawat pagpapalit ng eksena at musika, nanatiling nakapako ang mata ng madla at nakaabang sa susunod na kabanata ng kaniyang buhay pag-ibig. Higit pa sa simpleng lip-sync—naghatid siya ng isang naratibo ng paglalakbay mula sa sugat patungo sa paghilom.

“I believe that drag is magic for everybody,” pagbabahagi ni BeauxVough sa APP. Naghasik siya ng mahika sa entabladong bumihag sa madlang hindi masukat ang kaligayahan. 

Patuloy namang nag-alab ang entablado nang rumampa si Pouesty Zoe dala ang sarili niyang ningas. Sa kaniyang todong paghataw, muling nagliyab ang “Ate Sandali” ni Maris Rascal na nag-iwan ng bakas ng kaniyang malakas na presensiya sa mga manonood. 

Pakikibaka para sa pagkakakilanlan

Sa huling sandali ng kaganapan, muling binuhay ang diwa ng mga manonood ng grupong Kom Queens, na kinabibilangan nina Jean Onyx, BeauxVough, at Pouesty Zoe, sa handog nilang pangwakas na sayaw. Nakatanggap ng masigabong palakpakan ang kanilang maangas na sulyap at makapangyarihang hataw. Ito ang perpektong wakas sa isang makabuluhang gabi—isang patunay sa kakayahan ng mga drag artist na mag-iwan ng bakas sa puso ng bawat isa.

Higit pa sa isang simpleng pagdiriwang ang Gunita—isa itong espasyong nagbibigay-boses sa mga lokal na artista sa Pamantasan upang maisalaysay ang sariling mga likha sa kanilang mga kapuwa kamag-aral. Nagsisilbi itong pagbubukas ng pinto sa iba’t ibang mukha ng pagkatao—isang selebrasyon ng sarili, anoman ang anyo at kulay nito. 

Nagdadala ng kuwento ng pag-asa at paglaban ang bawat naratibo sa kanilang pagtatanghal. Hindi lamang palamuti ang kanilang kulay at kinang, kundi mga simbolo ng pagiging mga sugo ng mensahe ng kalayaan. Patuloy ang pakikibaka ng mga bagong artista ng bayan para sa kanilang karapatang tumayo nang may dignidad at ipagmalaki ang kanilang tunay na identidad sa lipunan.