
BINIGYANG-HALAGA ang diwa ng EDSA People Power Revolution sa online forum na “EDSA@39: Its Relevance in the Digital Age and the 2025 Elections” nitong Pebrero 25. Inorganisa ng De La Salle Philippines – Lasallian Justice and Peace Commission at La Salle University – Ozamiz ang diskusyon upang balikan ang kabuluhan ng EDSA People Power Revolution sa panahong laganap ang maling impormasyon hinggil dito sa iba’t ibang online na plataporma.
Legasiya at hamon ng People Power
Binigyang-diin ni Ronald Llamas, isang political analyst, na sagisag ang EDSA People Power Revolution ng paglagay ng mga Pilipino ng kinabukasan sa kanilang sariling mga kamay.
Gayunpaman, hindi naingatan ang legasiyang iniwan ng nasabing rebolusyon. Ani Llamas, “In spite of the historic moment, hindi siya masyadong na-sustain. . . Hindi masyadong na-institutionalize ang EDSA [People Power Revolution].”
Iniugnay rin niya ang makasaysayang pangyayari sa pagiging “brand” na maaaring magamit sa politika. Pagbabahagi niya, malaki ang potensyal ng bansa na umunlad kapag naipanalo ang mga kandidatong sumasalamin sa esensiya ng EDSA People Power Revolution.
Paghihimok ni Llamas, bigyan natin ng karangalan ang mga Pilipinong namatay habang lumalaban upang makamit ang demokrasya.
Hinikayat naman ni Llamas ang mga kalahok sa forum na paigtingin ang pag-asa ng mga kabataan gaya noong nakaraang eleksiyon at labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Pahayag ni Llamas, “The essence of EDSA, the spirit of EDSA should guide us.”
Papel ng rebolusyon sa politika
Inilahad ni Dr. Xiao Chua, propesor mula sa Department of History, na ipinakita ng Pamantasan ang totoong kahulugan ng pagiging Lasalyano sa pagkansela ng klase upang gunitain ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Pagpapalawig ni Chua, mayroong makapangyarihang naratibo ang EDSA People Power Revolution na madalas ginagamit sa politika. Kaya naman, pilit itong pinababagsak ng mga politikong hindi napakikinabangan ang naratibo sa kanilang kandidatura. Paghahalimbawa ni Chua, “If the Marcoses want to win again, they have to destroy the People Power narrative”.
Pinaalalahanan din ni Chua ang sambayanan na hindi sapat ang pag fact-check dahil maaaring mag-iba ang naratibo ng mga impormasyon depende sa pagkakaayos nito. Kaugnay nito, binansagan ni Chua ang TikTok na pugad ng mga maling impormasyon.
Pagdidiin ni Chua, huwag kalilimutan ang pagpiglas ng mga bayani para sa kalayaang tinatamasa ng bayan ngayon. Gayundin, ipinaalala niya sa bawat isa ang diwa ng pakikipagkapuwa at pagmamalasakit na nakita sa naturang rebolusyon. Pagwawakas niya, “Hindi namatay ang ating mga bayani para sumuko tayo.”