[SPOOF] UAAP Games, legal nang mapapanood kina BlackerPink at Sports Tambayan 

Likha ni Sue McSess

MATAGAL NANG HAMON para sa maraming tagahanga ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang panonood ng mga laro dahil limitado na lamang ito sa mga subscription site na kailangan ng dollar bills, dollar bills. Dahil dito, maraming tagahanga ang napapa-don’t know what to do at napipilitang humanap ng alternatibong paraan, kabilang na ang pagdepende sa mga hindi opisyal na streaming site.

Sa kabila ng mga restriksyong ito, umusbong ang mga bagong bayani na mapapa-all eyes on me sa pagpapalabas ng husay ng mga atleta sa prestihiyosong torneo. Sina BlackerPink at Sports Tambayan ang nagsisilbing apateu, apateu na nagpapasilong sa mga tagahanga. Bunsod ng tangkang pag-kill this love ng mga tagasubaybay ng UAAP sa mga paid streaming platform, ni-recruit na ng asosasyon sina BlackerPink at Sports Tambayan bilang mga opisyal na streaming site na handa nang mag-dance all night.

Boom! bayad?

Simula nang mag-shut down ang APS-CBN, napasakamay na ng Signel TV, Inc. ang broadcasting rights ng UAAP. Dahil dito, kinakailangan nang magbayad ng mga manonood upang masubaybayan ang mga laro sa naturang liga na siyang ikinagulantang ng sambayanang isports lover sapagkat mapapa-as if it’s your last ka sa presyo ng mga ito. 

Bunsod nito, umusbong ang mga illegal streamer sa maraming social media platform para matugunan ang pangungulila ng karamihan, dahilan para lumala ang #PiracyCulture sa Pilipinas. Nilalabag nito ang Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines at nakaaapekto sa kita ng mga prodyuser, sanhi ng pagbagal ng pag-unlad ng industriya dahil sa limitadong pondo na nagdudulot ng pagkakompromiso sa kalidad ng ilan nilang likha. 

Ngunit, hindi rin naman maaaring sisihin ang ibang manonood dahil mahal na ngang mabuhay sa panahon ngayon, pati ba naman sa panonood ng UAAP kinakailangan pang mag-drop some money!

Gone… ang bayad

Hindi man makapaghulog ng dollar bills ang mga panatikong nakaantabay sa UAAP, may mga ilang streaming service na ipinalalabas ang liga sa publiko nang walang bayad. Umaani pa ito ng mas maraming manonood kompara sa bayad na plataporma. Pretty savage, ‘di ba? 

Bukod pa rito, estudyante ang mga karaniwang nanonood at nagbibigay suporta sa mga laro. Sila ang nagbibigay pulso at buhay hindi lamang sa UAAP kundi pati na rin sa pagpapalawak at pagkilala sa larangan ng isports. Maaaring sumunod pa rin sila sa patakaran ng korporasyon kung mayroon silang sapat na salapi, ngunit hindi tuluyang maisasantabi ang katotohanang hindi kumikita ang karamihan sa kanila kaya kumakapit sila sa mga ilegal na streaming site. 

Kaya ngayong bahagi na ng UAAP sina Blacker Pink at Sports Tambayan, the happiest girl na ang mantra ng mga tagasubaybay ng torneo dahil sa libreng mga streaming service. Tiyak na magiging ready for love pa lalo ang sambayanan pagdating sa palakasan.

Born Pilipino!

Bagamat mayroong negatibo at positibong epekto ang usapin ng livestream ng mga salpukan sa UAAP, mahalagang tingnan ito mula sa lente ng pagpapalawak ng presensiya at pagkilala sa talento ng mga atleta. Sa ganitong paraan, mas lalaki ang kanilang oportunidad na makaakit ng mas maraming tagahanga. 

Samakatuwid, hindi lamang ito magpapalago sa personal na karera ng mga manlalaro kundi magtutulak din sa pag-usbong ng isports sa Pilipinas hanggang sa tuluyan nang maibalandra ang #FilipinoAthletesInYourArea saan man sa mundo.