Hindi pa huli ang lahat

“Huwag po.” Sambit ng munting tinig habang nakahiga sa papag na kahoy. Naninigas sa takot dulot ng mga matang nakatitig sa musmos at hubo niyang katawan. Nagulat na lamang siya sa pagdampi ng magaspang na mga palad sa malambot niyang balat—mariing hinahaplos ang mga bahaging hindi nararapat galawin.

“Ako rin,” masakit na tugon ng libo-libo pang biktima ng pang-aabuso.

Mga kuwentong napapanood ko lamang sa telebisyon noon kaya nakagugulat nang personal ko itong marinig sa patotoo ng isang kakilala at mabasa sa hindi mabilang na balita sa social media. Dito ko napagtantong hindi pala mailap ang mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso sa mga kabataan sa bansa.

Ayon sa datos ng United Nations Children’s Fund noong 2022, nasa higit pitong milyong kabataan ang nakararanas ng seksuwal na pang-aabuso taon-taon. Mula rito, 33% ng mga kaso ang mula sa kanilang pamilya o kamag-anak. Sa isang relihiyosong bansang pinahahalagahan ang pagbubuklod ng pamilya, nakababahalang hindi ligtas ang mga bata sa pang-aabuso maging sa sarili nilang tahanan. Nakalulungkot isiping sarili pa nilang mga mahal sa buhay ang mananamantala sa kanilang kamusmusan.

Dulot ng takot na lalong masaktan o hindi paniwalaan, madalas nananahimik na lamang ang mga batang naaabuso. Tumatanda na lamang silang bitbit ang mga sugat ng nakaraan nang hindi naghihilom o napakikinggan lamang. Maaaring magdulot ito ng galit o pagkamuhi, mababang pagtingin sa sarili, at kawalan ng kakayahang makipag-ugnayan nang normal sa ibang tao. Bitbit ang bigat ng trauma mula sa pananamantalang seksuwal, pinipilit ang marahang pag-usad sa kasalukuyan.

Gayundin, maaaring mawaglit sa isip ang mga detalye ng pang-aabuso mula pagkabata. Madalas, hindi kayang arukin ng kanilang murang pag-iisip ang tunay na nangyari. Subalit, hindi nangangahulugang gawa-gawa lamang ang ganitong klase ng trauma kahit lumipas man ang panahon bago nila ito maintindihan at maisiwalat.

Mahirap maghilom mula sa trauma sapagkat hindi madaling gumising mula sa bangungot ng nakaraan. Wala rin ito sa kasarian, edad, o itsura ng tao dahil mapait ang katotohanang posibleng maabuso ang lahat. Tandaang hindi rin dapat sisihin ang mga naabuso sa kanilang sinapit, hindi sila mahina—sadyang halang lamang ang bituka ng mga mapanamantala.  

Isa itong paalala upang higit na maging sensitibo sa karanasan ng ating kapuwa. Hindi tayo pare-pareho ng danas. Maaaring hanggang ngayon naghahanap pa rin ang iba ng lunas sa trauma mula sa kanilang pagkabata. May kani-kaniyang yugto ang ating buhay—iba’t ibang proseso ng paghilom na kinakailangang daanan.

Mula sa mga simpleng pariralang “huwag po” at “ako rin,” nabuksan ang paksang ayaw galawin ng mapanghusgang lipunan. Subalit, hindi dapat nakukulong sa hiya at takot ang mga biktima ng pang-aabuso. Anoman ang kanilang pinagdaanan, nararapat na maipadama sa kanilang may makikinig sa kanilang kuwento at handang tumulong sa kanilang paghilom. Gayundin, hindi dapat nanonormalisa ang ganitong mga insidente gaano man ito kapalasak sa lipunan—nararapat na magbayad sa batas ang sinomang may sala. Hustisya ang aking panawagan para sa mga batang inagawan ng kamusmusan—mga taong biktima ng mga demonyong may mahalay na isipan.