
Inanunsiyo ng kampo ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at self-proclaimed Son of God na si Apollo Quiboloy noong Oktubre 2024 ang kaniyang pagtakbo sa Senado sa kabila ng mga patong-patong na kasong isinampa sa kaniya na may kaugnayan sa human trafficking, sexual abuse, at money laundering. Isa itong hakbang na tila lumalampas sa hangganan ng hiya at hustisya na namumuhunan gamit ang kapal ng mukha. Paano nga ba naging posible na sa halip na humarap sa batas, ninanais pang maging mambabatas?
Hindi na bago sa mundo ng politika ang pagkandidato ng mga personalidad na may kinakaharap na kaso. Nagawa pa ngang kunin ng isa sa mga pangunahing partido sa bansa, ang Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP Laban), ang katulad ni Quiboloy na inendoso ng dating pangulo at kasalukuyang nakapiit sa International Criminal Court na si Rodrigo Duterte. Ngunit sa sitwasyon ng lider ng KOJC, na siyang idineklarang wanted ng Federal Bureau of Investigation, hindi maikakaila na umabot na ito sa sukdulan ng rasyonal.
Tila hindi isang kampanya ang kaniyang anunsiyo kundi isang estratehiya; isang desperadong pagtatangkang gamitin ang mataas na posisyon para sa proteksiyon. Sa kabila ng mga petisyon sa pangunguna ni labor leader Sonny Matula, nakadalo pa rin si Quiboloy sa ginanap na proclamation rally ng PDP Laban sa Ynares Sports Arena nitong Pebrero 11. Iginiit niya sa kaniyang recorded video, na ipinalabas nang walang pahintulot mula sa korte, na may banal siyang tawag mula sa Panginoon upang pasukin ang politika at ihatid ang Pilipinas tungo sa pagiging first-world na estado.
Hindi hamak na isang kabalintunaan at kabulaanan ang pananampalataya at kaunlarang kinakatawan ng isang pinunong idinadawit sa pang-aabuso at panlilinlang. Bukod dito, isa ring paglapastanganan sa mga biktima ng karahasan at pang-aabuso ang pagbibigay ng puwesto sa ‘di umanong may sala nito.
Ngunit, mas nakapanlulumo pa atang isipin na tila pumapabor pa sa mga taong katulad ni Quiboloy ang pamahalaan kaysa sa mga Pilipinong dapat nitong pinagsisilbihan. Ano nga bang klaseng gobyerno ang papayag na bigyan ng kapangyarihang bumuo ng batas ang isang taong kailangang managot dito?
Hindi kabilang si Quiboloy sa mga nangungunang senador batay sa inilabas na Senatorial Survey ng Pulse Asia mula Enero hanggang Abril 2025. Subalit, sa politikal na sistema na madaling bihagin ng popularidad at relihiyosong impluwensiya, hindi malayong makalusot ang ganitong uri ng kandidatura lalo na sa isang bansang sapat nang kalipikasyon ang pagiging pinagpala.
Sa harap ng ganitong hamon, kailangang manindigan ng Commission on Elections upang tiyaking may integridad at tunay na kakayahang maglingkod ang bawat kandidato. Higit sa lahat, tungkulin nating mga botante na maging mapanuri at mulat sa pagpili ng mga karapat-dapat na pinuno na hindi lamang sikat o makapangyarihan, kundi tapat at may malasakit sa bayan.
Kung papayag tayong maging kanlungan ang Senado ng mga akusadong kriminal, baka hindi na lamang batas ang magbago kundi pati ang pananaw natin sa kung ano nga ba talaga ang tama, makatarungan, at banal.