Lady Spikers, masiphayong nadakip ang Lady Bulldogs sa Finals Game 1

Kuha ni Pablo Hermoso

NAGULANTANG ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa angil ng defending champions National University (NU) Lady Bulldogs, 17–25, 21–25, 25–13, 17–25, sa kanilang unang paghaharap sa best-of-three finals series ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Mayo 11.

Hindi man pinalad na makaalpas sa katunggali, buong pusong pinangunahan ni DLSU Team Captain Angel Canino ang kampanya ng mga nakaberde matapos kumamada ng 22 puntos at 13 excellent reception.

Bumida naman para sa mga taga-Jhocson si Player of the Game Vange Alinsug na kumamada ng 21 puntos mula sa mga atake.

Maagang pinalasap ni Season 86 Most Valuable Player Bella Belen ang kaniyang kamandag matapos itarak ang isang crosscourt kill mula sa open, 9–12, na siyang nagpasimula ng momentum at nagbigay-daan para sa NU na masukbit ang unang set sa bisa ng mabilis na kabig ni Alexa Mata mula sa gitna, 17–25.

Nagtala ng magkasunod na puntos si Canino buhat ng block kay NU opposite hitter Alyssa Solomon at atake patungong zone 5 upang makuha ang kalamangan sa ikalawang set, 13–11, ngunit nabaliktad ng mga nakaasul ang takbo ng laro pabalik sa kanilang panig at tuluyang naibulsa ang naturang set gamit ang tirada ni Solomon, 21–25.

Hindi nakalasap ng kalamangan ang Lady Bulldogs pagdako ng ikatlong yugto nang maniobrahin ni Canino ang opensa ng Lady Spikers na siyang naging dahilan ng kanilang 10–0 run bago tuluyang isuko ni Alinsug ang set sa mga taga-Taft matapos magpakawala ng service error, 25–13.

Dahil sa hindi inaasahang pagkatambak sa nagdaang set, hindi na nagpatinag ang hanay nina Belen at Solomon na kubrahin ang bentahe pabalik sa Jhocson-based squad, 16–21, bago tuluyang kamkamin ni Alinsug ang panapos na puntos gamit ang isang off-the-block kill, 17–25.

Sa kabila ng bigong pag-asinta sa Bulldogs, muling susubukan ng Taft mainstays na patalasin ang kanilang mga palaso upang maitabla ang serye kontra sa parehong koponan sa SM Mall of Asia Arena sa ika-5:00 n.h. sa Miyerkules, Mayo 14.