#TheRundown2025: Pagtugon ng mga kandidato sa hamon ng kabataan sa Halalan 2025

Kuha ni Jill Pauline Ferrer

TINANGGAP ng mga kandidato sa pagkasenador ang imbitasyong mas makilatis sila ng sektor ng kabataan sa ginanap na The Rundown 2025: A Youth-Oriented Senate Elections Forum sa Benito Sy Pow Auditorium ng University of the Philippines Diliman nitong Marso 15. Itinampok sa naturang talakayan ang mga paninindigan ng mga kumasang kandidato sa mga umaalingangaw na isyung panlipunan at ang kanilang mga dahilan sa paghahangad ng tiwala ng mamamayan sa nalalapit na Halalan 2025.

Sumalang sa forum ang 25 kandidato sa pagkasenador mula sa kumpirmadong 29 na bilang ng dadalo. Kabilang sa mga hindi natuloy sina Capt. Relly Jose Jr., Atty. Raul Lambino, SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta, at Valenzuela District 2 Representative Eric Martinez. Nahati ang diskusyon sa apat na bahaging sumaklaw sa mga plataporma, paninindigan, at mensahe sa kabataan ng mga kandidato. 

Nagsilbing tagapagpadaloy ng programa sina Victoria Tulad mula ABS-CBN News at Joash Malimban mula Bilyonaryo News Channel. Pinangunahan naman ng mga panelistang sina Dr. Michael Caampued, Dr. Reginald Ugaddan, at Prof. Solita Monsod ang pagbabato ng mga katanungan sa mga kandidato.

Pagharap sa mga tanong ng taumbayan

Binigyan ng 30 segundo ang mga kandidato upang ilatag ang kanilang mga pambungad na pananalita sa pamamagitan ng unang bahagi ng programang pinamagatang “Isang Tanong, Isang Sagot”. Ibinahagi nila sa limitadong segundo ang hakbanging nais gawin sakaling mahalal sa puwesto.

Ilan sa mga nangibabaw na sagot ng mga kandidato ang pagkitil sa dinastiyang politikal, pagbuwag sa kontraktwalisasyon, pagsulong ng reporma sa lupa at palaisdaan, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapaigting ng mga karapatan sa edukasyon at kalusugan. Nabanggit din ng ilan sa mga tumatakbo ang paggiit sa pambansang soberanya sa West Philippine Sea, pag-aksiyon laban sa katiwalian, pagtaas ng arawang sahod para sa mga manggagawa, at pagkilala sa karapatan ng mga katutubo. 

Sinubok naman ang mga kandidato sa pagsagot sa mga kuwestiyong mula sa panalista at kinatawan ng iba’t ibang sektor sa ikalawang bahagi ng programang pinamagatang “Hamon at Solusyon”. Sumentro sa mga isyung kinahaharap ng taumbayan at kabataan ang mga ibinatong tanong na sinagot ng mga tumatakbo sa loob lamang ng itinakdang 45 segundo.

Kaugnay ng kuwestiyon tungkol sa edukasyon, binigyang-diin ni Bukluran ng Manggagawang Pilipino Chairman Leody de Guzman ang paglalaan ng anim na porsiyento ng Gross Domestic Product sa Kagawaran ng Edukasyon. 

Saad naman ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Danilo Ramos sa parehong paksa, “[Dapat] lakihan ang badyet para sa edukasyon, [at] benepisyo sa mga guro at siyempre sa mga paaralan hanggang kanayunan.” 

Sa kabilang banda, maliban sa pagsunod sa mga rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education, iginiit naman ni Makakalikasan Alliance Convenor Roy Cabonegro ang kahalagahan ng pagtutok ng edukasyon sa mga suliraning pangkalikasan na nararanasan ng mga komunidad sa bansa. 

Pasilip sa mga saloobin
Sa pagpapatuloy ng pagkilatis sa mga kandidato, hinati sa apat na kategorya ang pagpipiliang sagot ukol sa mga maugong na isyung panlipunan sa bansa. Nagsilbing repleksyon ng kanilang paninindigan ang pagtaas ng mga sagot na ‘yes’, ‘no’, ‘qualified yes’, at ‘qualified no’ sa kani-kanilang upuan.

Kabilang sa mga isyung tinalakay ang pagpasa sa Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics Bill na sinuportahan ng 19 sa mga dumalong kandidato. Nagpahayag naman ng qualified yes si Atty. Jayvee Hinlo, samantalang hayagang tumutol sina Wilson Amad, Roberto Ballon, at Atty. Jose Montemayor Jr. Itinaas naman nina Angelo De Alban at Heidi Mendoza ang desisyong qualified no.

Pagdating sa isyu hinggil sa pagpapatalsik kay Bise Presidente Sara Duterte, 21 sa mga kandidato ang bumotong pabor, dalawa sa qualified yes, at tanging si De Alban ang lamang ang nagtaas ng qualified yes at no. Ipinabatid naman ni Hinlo mula Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan ang pagkontra sa naturang usapin at iginiit ang pantay na pagsusuri maging kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Naging hati rin ang panig ng mga kandidato sa paksa ng pagpapahintulot na tumakbo sa puwesto ang mga kandidatong nagkaroon na ng kriminal na kaso. Tanging sina Alliance of Concerned Teachers Representative France Castro, Teddy Casiño, at de Guzman lamang ang bumotong yes sa nasabing isyu. Bumoto naman ng qualified yes ang lima sa mga tumatakbo, qualified no ang dalawa sa mga kandidato, at tumaliwas ang natitirang 15 indibidwal sa isyu. 

Pagtindig sa plataporma

Sinikap ng mga kandidato na iukit ang kanilang pangwakas na mensahe sa huling bahagi ng forum na pinamagatang “Huling Paninindigan”. Inilahad ng mga indibidwal sa loob ng 30 segundo ang buod ng kanilang mga plataporma para subukang makuha ang tiwala at boto ng kabataan.

Ibinandera ng karamihan sa mga kandidato ang kani-kanilang mga layunin at programang nakatuon sa kapakanan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Muling namayani bilang mga pangkaraniwang tema ang pagwawakas sa mga dinastiyang politikal, paggiit sa pangangalaga sa kalikasan, pagpapanagot sa katiwalian, pagpapahalaga sa mga programang agrikultural, at pagsusulong sa karapatan ng mga manggagawa.

Pagwawakas ni Atty. Sonny Matula sa kaniyang panig, “Walang tunay na makapagsalita para sa mga manggagawa, maliban sa mga taong nanggagaling sa mga manggagawa. Ang mga manggagawa ay [hindi dapat] matakot sa kapangyarihan, dapat panghawakan ng manggagawa ang kapangyarihan.”

Habang papalapit ang araw ng halalan sa Mayo 12, lalong tumitindi ang kahalagahan ng masusing pagkilatis sa mga tumatakbong kandidato. Kaakibat ng karapatang bumoto ang tungkuling unawain ang bigat ng posisyong magtatakda ng landas na tatahakin ng bansa sa mga darating na taon. Nasa kamay ng bawat mamamayan ang kapangyarihang magluklok sa mga pinunong tunay na kumakatawan sa tinig ng sambayanan.