
NASAKMAL ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ng nanggagalaiting back-to-back champions National University (NU) Lady Bulldogs, 19–25, 18–25, 19–25, sa pagsasara ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia, Mayo 14.
Pinasan ni DLSU Team Captain Angel Canino ang Taft-based squad bitbit ang double-double output na 12 puntos mula sa 12 atake, 15 excellent reception, at siyam na excellent dig.
Pinangunahan naman ni UAAP Season 87 1st Best Outside Spiker at Most Valuable Player (MVP) Bella Belen ang opensa ng Lady Bulldogs matapos makapagtala ng 18 puntos tangan ang 17 atake at isang block upang panatilihin ang korona sa Jhocson.
Umangkla rin ang Jhocson mainstays sa depensa ni co-Finals MVP Shaira Jardio nang magrehistro ng sariling bersiyon ng double-double output na 21 excellent dig at 12 excellent reception.
Matamlay na sinalubong ng Lady Spikers ang unang yugto ng bakbakan na nagpalobo sa bentahe pabor sa mga taga-Jhocson nang sumalaksak ng crosscourt hit si Belen tungong zone 1, 8–16, hanggang sa nagpakawala si NU opposite hitter Alyssa Solomon ng bumubulusok na hampas mula sa likod upang selyuhan ang naturang set, 19–25.
Sinubukang sabayan ng Taft mainstays ang tulin ng mga taga-Jhocson sa ikalawang set gamit ang umaatikabong tirada ni opposite hitter Shevana Laput, 8–7, ngunit naglipana ang error mula sa Lady Spikers, 9–15, bago matapos ang set bunsod ng service error ni rookie playmaker Mikole Reyes, 18–25.
Tinangka pang idikit nina middle blocker Lilay Del Castillo at Laput ang talaan sa net at service line, 19–23, ngunit tuluyang natuldukan ang kampanya ng luntiang koponan buhat ng crosscourt hit ni outside spiker co-Finals MVP Vange Alinsug, 19–25.
Sa kabila ng pagkapako sa ikalawang puwesto, umani naman ng samot-saring parangal ang mga natatanging Lady Spiker.
Ibinulsa ni Kapitana Canino ang 2nd Best Outside Spiker, habang 1st Best Middle Blocker naman si Taft Tower Amie Provido, at hinirang Best Libero si Lyka De Leon.
Itinanghal namang Best Opposite Hitter at AIA Defensive Player of the Match si Taft tower Laput.