Pag-enmiyenda sa Omnibus Election Code at pagtatakda ng GE 2025, isinapinal sa sesyon ng LA 

WALANG TUTOL NA PINAGTIBAY sa ikawalong espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga pagbabago sa Omnibus Election Code (OEC) para sa General Elections (GE) 2025 nitong Mayo 10. Layon ng mga enmiyendang tugunan ang mga suliraning kinaharap sa nakaraang eleksiyon. 

Iniakda nina BLAZE2027 Naomi Rose Anne Conti, BLAZE2025 Juan Iñaki Saldaña, 78th ENG Zamanttha Zyrah Sahidulla, at EXCEL2027 Pharell Allystaire Tacsuan ang panukala para sa mga enmiyenda. Alinsunod ito sa mga rekomendasyong iminungkahi ng Revocation Committee bilang tugon sa mga suliraning iniakyat sa lupon. 

Pagbabago tungo sa malinaw na pangangandidato

Isa sa mga rebisyon ng OEC ang komprehensibong proseso ng paghahain ng mga dokumento ng mga kandidato. Kaugnay nito, hinati na sa pangunahing dokumento at sekondaryang dokumento ang mga rekisito para sa pangagandidatura. 

Saklaw ng pangunahing dokumento ang cover letter, certification of candidacy (COC), consent forms, 2×2 campaign photo, enrollment assessment form, flowchart at curriculum audit, grado mula sa My.LaSalle, at “Their Takes.” Nakapaloob naman sa sekondaryang dokumento ang certification of verification mula sa Office of the Student LIFE (SLIFE) Director o College Associate Dean, leave of absence (LOA) mula sa mga sinalihang  organisasyon, at Student Discipline and Formation Office (SDFO) clearance. 

Binigyang-diin ni Tacsuan sa rebisadong OEC ang pagiging probisyonal ng pagtanggap ng COC. Nilinaw rin niyang kahit maipasa ang mga dokumento ng mga kandidato sa isasagawang pre-checks, nananatili ang karapatan ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi tanggapin ang mga inihaing dokumento sakaling mahanapan ng butas ang mga ito. 

Maaari namang magsumite ang mga kandidato ng apelang mapalawig ang araw ng pagpapasa ng mga pangunahing dokumento tatlong araw bago ang unang araw ng pasahan. 

Nais din tugunan ng pag-enmiyenda ang mga maling pagkakaunawa sa mga probisyong ukol sa mga deadline at pagpapatupad ng itinakdang mga parusa sa OEC. Tiniyak ni Tacsuan ang mga pangunahing pagpapabuti sa OEC, kabilang ang paglilinaw sa kahabaan ng mga kaganapang elektoral. 

Ani Tacsuan, sasaklaw ang GE mula sa ikaapat hanggang ika-12 linggo ng kasalukuyang termino. Idadaraos naman ang paghahain ng kandidatura mula sa ikaapat hanggang ikawalong linggo at ang pangangampanya sa ika-10 hanggang ika-12 linggo.

Pinagsama na rin ang ilang forms upang gawing mas mabisa ang paghahain ng mga dokumento. Alinsunod dito, pinagsama na ang certification of verification mula sa SLIFE at Associate Dean. Bukod dito, iisa na lamang ang C-04 o mga LOA sa mga organisasyong kinabibilangan ng kandidato at ang SDFO disciplinary clearance.

Kalayaan sa representasyon

Ipasasawalang-bisa na rin sa OEC ang Colors Form para sa mga partido sa susunod na eleksiyon. Ayon kay Chief Legislator Zach Quiambao, hindi importante sa eleksiyon ang pagsusulong ng Colors Form. Dagdag pa niya, mayroong pagkakaiba ang intensiyong mangampanya kompara sa kagustuhan lamang magsuot ng partikular na kulay ng damit.  

Inihayag ni Saldaña ang naging pahayag ng COMELEC ukol sa pagtanggal ng Colors Form. Aniya, “COMELEC shouldn’t be responsible for protecting the political branding of the parties or candidates and in the national context, colors aren’t registered. Thus, this gives everyone the liberty to choose their colors.” Nilinaw rin ni Saldaña na hindi haharap sa diskwalipikasyon ang kandidato hanggat walang mga logo, simbolo, at affiliation.  

Paglilinaw sa enmiyenda ng OEC

Ibinahagi naman ni Quiambao ang pagsasawalang-bisa ng Office of Student Affairs (OSA) sa alituntunin ukol sa pagbabago ng OEC kada isang taon. Pahayag niya, binigyang pahintulot ng OSA ang Revocation Committee upang isulong ang enmiyenda sa OEC dulot ng sunod-sunod na pagkabigo sa eleksiyon.   

Tiniyak naman ni Tacsuan na kinonsulta sa SLIFE at COMELEC ang mga pagbabago sa OEC. Giit niya, “For the consultation with the COMELEC, actually they were part of the writing process of the revisions and a COMELEC inquiry was conducted last Wednesday [May 7].”

Ipinahayag ni COMELEC Vice Chairperson Samantha Lambino na handa na ang COMELEC na tuparin ang bagong OEC para sa gaganaping GE 2025. Dagdag pa niya, kinikilala nila ang pangangailangan ng mga enmiyenda upang maging aktibo ang pamayanang Lasalyano sa nalalapit na eleksiyon at mapunan ang mga puwesto sa University Student Government para sa tama at totoong representasyon ng mga estudyante.

Inaprubahan ng LA ang mga rebisyon sa OEC sa botong 13-0-0.