Lideratong napabayaan

Dibuho ni Samantha Beatrice Abadier

Hindi na ito simpleng kakulangan, bagkus isa nang sistematikong kapabayaan. Habang araw-araw na nagsisiksikan ang mga estudyante sa silid-aralan at patuloy na nagsusumikap ang mga gurong magsilbi nang lampas sa kanilang tungkulin, tahimik namang bumabagsak ang pundasyon ng ating edukasyon—ang pamumuno.

Ayon sa ulat ng Second Congressional Commission on Education nitong Enero, umabot sa 24,916 mula sa 45,199 o 55% ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang walang punong-guro. Katumbas ng bawat bilang na ito ang isang paaralang walang pinunong may sapat na awtoridad upang itaguyod at ipaglaban ang kapakanan ng mga estudyante at guro. Malinaw na hindi lamang hadlang ang malalim na isyu sa pamamahala ng mga paaralan, isa itong tahasang banta sa kalidad at kinabukasan ng edukasyon.

Mabagal, magastos, at mapanlinlang na proseso ng promosyon at mataas na bilang ng mga umaalis sa serbisyo ang ilan sa mga salik ng krisis. Sa ilalim ng salary grade 20 na inilabas ng Kagawaran ng Badyet at Pamamahala nitong Enero 2025, nagsisimula sa Php62,967 kada buwan ang sahod ng isang punong-guro—halagang hindi tumutugma sa bigat ng pamumunong kailangan sa isang paaralang puno ng suliranin.

Dagdag pa rito ang nakaaalarmang mababang passing rate ng National Qualifying Examination for School Heads (NQESH). Ayon sa ulat ng Kagawaran ng Edukasyon, tanging 5,753 mula sa 21,803 o 23% ang nakapasang mga guro sa NQESH 2023. Isang patunay na nasa bingit ng krisis ang lideratong pang-edukasyon ng bansa.

Sa kabila nito, pilit isinusugal ng gobyerno ang kalidad na pamumuno sa pamamagitan ng mga pansamantalang solusyon. Ibinabato sa mga teacher-in-charge, officer-in-charge, o head teacher ang gawaing pamamahala ng isang paaralan. Ngunit hanggang kailan mananatiling pansamantala ang dapat permanenteng posisyon? Hanggang kailan ipapasa sa mga guro ang pasaning hindi nila mandato—nang walang dagdag na kapangyarihan, suporta, o sahod?

Bagamat nakahain ang mga hakbang ng kasalukuyang Kalihim ng Edukasyon na si Sonny Angara—kabilang ang pagtatalaga ng 15,000 bagong punong-guro ngayong taon at ang pagpapatupad ng polisiyang “One Principal-One School” pagsapit ng 2026—hindi maitatangging malayo pa rin ito sa marahas na realidad ng ating mga pampublikong paaralan.

Naninindigan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) na hindi sapat ang simpleng pagdadagdag ng punong-guro kung mananatiling mabagal, hindi patas, at kulang sa suporta ang buong proseso ng pagtatalaga. Nararapat paigtingin ng Kagawaran ng Edukasyon ang paghahanda at suportang ibinibigay sa mga aplikante ng NQESH, palakasin ang kapasidad ng mga rehiyon sa pagproseso ng promosyon, at tiyaking may sapat na pondo para sa insentibo at tuloy-tuloy na pagsasanay, lalo na sa mga paaralang nasa malalayong lugar.

Mariing nananawagan ang APP na muling suriin at ayusin ng Kagawaran ng Edukasyon ang kabuoang proseso ng aplikasyon at pagtatalaga ng punong-guro. Itaas ang sahod at benepisyo, bumuo ng kongkretong plano sa paghuhubog ng susunod na henerasyon ng mga lider ng paaralan, at tiyakin ang patas na pamantayan sa paghirang—walang palakasan, walang padrino.

Hindi lamang teknikal na suliranin ang kakulangan ng mga punong-guro sapagkat nakasalalay sa kanila ang direksiyon, priyoridad, at malasakit ng ating sistemang pang-edukasyon. Kaisa ang APP sa panawagan para sa mas makatao, mas makatarungan, at mas makabuluhang reporma sa edukasyon ng bansa. Walang puwang ang pananahimik kapag kinabukasan ng sambayanan ang nakataya.