Green Archers, dinaluhong ang hanay ng Fighting Maroons

Kuha ni Betzaida Ventura

PINIRINGAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 106–99, sa pagpapatuloy ng 18th Filoil EcoOil Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 31.

Pinagunahan ni point guard Jacob Cortez ang Green Archers matapos umukit ng 31 puntos, limang assist, at apat na rebound. 

Umagapay rin ang kaniyang kapwa point guard na si Kean Baclaan na pumoste ng 20 puntos. 

Sa kabilang banda, bumida para sa Fighting Maroons si Francis Nnoruka na kumamada ng 21 puntos at pitong rebound.

Maagang sumilay ang pag-asa para sa mga Lasalyano nang magpamalas ng liksi ang tambalang Cortez at Mike Phillips, 14–7, ngunit nag-init ang galamay ng mga taga-UP matapos magpakawala ng magkakasunod na tres, 30–24.

Makulimlim ang naging panimula ng Green Archers sa ikalawang kuwarter nang maagaw ng Diliman-based squad ang momentum sa bisa ng jumper ni Chico Briones, 31–all, na sinubukang sagutin ng floater ni DLSU sophomore Vhoris Marasigan, ngunit nasikwat ni Gerry Abadiano ang kalamangan pabalik sa UP bunsod ng layup, 60–62.

Pinanatili ni Cortez ang mainit na opensa ng Green Achers sa pagtungtong ng ikatlong kuwarter matapos pumuslit ng magkasunod na layup, 64–62, hanggang sa sumalansan din ng three-point shot si Terrence Fortea upang panipisin ang agwat, ngunit hindi ito hinayaan ni Taft mainstay EJ Gollena nang magpakawala ng layup sa huling segundo ng yugto, 89–83.

Naging alas naman ng mga taga-Diliman ang mga tirada ni Nnoruka sa huling kuwarter, 98–94, subalit nagpakawala ng tres si Cortez upang paigtingin pa lalo ang kalamangan ng Taft-based squad at selyuhan ang panalo, 106–99.

Nananatiling malinis ang rekord ng Taft mainstays sa torneo bitbit ang 2-0 panalo-talo kartada at sunod na makahaharap ang mabalasik na National University Bulldogs sa parehong lunan sa ika-4:00 n.h. sa Hunyo 25.

Mga iskor:

DLSU 106 – Cortez 31, Baclaan 20, Pablo 11, Amos 9, Phillips 8, Gollena 6, Nwankwo 6, Marasigan 6, Dungo 5, Macalalag 4, Melencio 0

UP 99 – Nnoruka 21, Fortea 17, Alarcon 15, Torres 9, Gagate 8, Abadiano 6, Belmonte 5, Stevens 4, Remogat 4, Briones 4, Felicilda 3, Yniguez 3, Alter 0, Coronel 0
Quarter scores: 30-24, 60-62, 89-83, 106-99.