
Kakaiba ang talinhagang dala ng musika. Kasangga mo ito sa biyahe pauwi mula sa maghapong kapaguran. Sa himbing ng gabi, malulumanay na awitin ang tila mga along aakay sa iyo sa baybayin ng mga panaginip. Himig ang nag-uugnay sa mga tao habang hinahabi nito ang mga pusong iisa ang pintig anoman ang pinagmulan. Sa mga sandaling hindi sapat ang mga salita upang ipahayag ang nadarama, nariyan ang mga lirikong dumadaloy upang bigyang-buhay ang bawat damdaming likha ng kaluluwa. Musika rin ang sandigan sa panahong wala nang ibang makapitan—marinig man mula sa tahimik na himig na bumabalot sa pag-iisa o sa matinding ugong ng mikroponong tumatawag sa madla.
Inihandog ng Minsan Studios, isang independiyenteng production company, ang Minsan Fest nitong Mayo 17 sa Quezon Memorial Circle. Sa pagdiriwang ng lokal na musika, tiniyak ng konsiyertong makapag-alay sa madla ng hindi malilimutang karanasan mula sa samot-saring harmoniya. Tampok sa pistang ito ang mga musikero ng iba’t ibang henerasyon kabilang ang mga baguhang indie artist, kilalang mga mang-aawit, at mga beteranong banda. Mula sa isang produksiyong puno ng mga pusong umiibig sa musika ng masa, isinilang ang Minsan Fest—isang minsanang selebrasyon ng mga himig na sariling atin.
Tamis ng lokal na himig
Alinsunod sa layuning maghatid ng bago at makukulay na himig sa entablado, binuksan ni thesunmanager ang konsiyertong may dalang ginaw sa gitna ng mainit na panahon. Banayad ang kaniyang mga kanta; ramdam ang kirot sa bawat pintig ng piyano at mga lirikong maingat niyang sinasambit. Sunod namang inihain ni Minaw ang genre ng City Pop sa madla. Kaagapay ng malumanay na tiyempo ng tambol ang melodiyang waring ulan sa dapithapon—dahan-dahan at magaan ngunit damang-dama.
Tinapatan naman ng publiko ang tindi ng panahon sa kanilang mainit na pagtanggap kay Zild nang tumuntong ang rakista sa entablado. Sumakto ang lunan ng konsiyerto sa kantang “Kyusi,” na tila tula ng mang-aawit para sa mga tagapakinig. Inihatid naman ni TONEEJAY ang Minsan Fest patungo sa gunita ng nakaraan at ulap ng mga pangarap sa kaniyang mga kantang “Inner Child,” “Aurora,” at “7/11.” Hindi rin nagpahuli ang bandang SUD sa pagharana sa masa. Tiniyak ng grupong nakaukit ang kanilang musika sa puso ng mga manonood sa pag-awit ng mga hindi malilimutang himig na “Sila” at “Baliw.”
Kasabay ng paglubog ng araw, hinele ni Clara Benin ang publiko gamit ang malambing na boses patungo sa himpapawid habang inaawit ang “Parallel Universe” at “Tila.” Ginising naman ng The Ridleys ang diwa ng madla bitbit ang malumanay na huni ng kanilang mga kanta. Inilahad ng alternative-folk band ang matatamis na kuwentong pag-ibig sa mga awiting “Be With You,” “Love Is,” at “Aphrodite,” na siyang batayan ng ideyal na pagmamahal ng mga sumusubaybay sa kanila.
Pintig ng awiting atin
Tila binihag naman ni Reese Lansangan ang mga manonood at dinala sila sa isang mundong puno ng hiwaga at musika. Sa kaniyang mga kantang “Home” at “What Is This Feeling?,” itinanghal ni Reese ang kaniyang kapangyarihang lumikha ng mga lirikong puno ng pag-asa at liwanag. Dumagundong din ang boses ng madla at sabay-sabay na umalingawngaw sa hangin habang inaawit ang mga klasikong kanta tulad ng “Gusto Ko Lamang Sa Buhay,” “Akin Ka Na Lang,” at “Beer.” Isa ito sa hindi mabilang na pagkakataong nagsilbing serbesa sa mahabang gabi ang lokal na bandang The Itchyworms.
Sumunod naman si Ebe Dancel na naging pulutang sagot sa hapdi at ginhawang dala-dala ng pag-ibig. Sa pagbirit ng boses ng beteranong mang-aawit, ipinadama niya ang tagumpay at pagkabigong kaakibat ng pagmamahal. Mistulang naglalagablab namang apoy ang enerhiyang baon ng bandang Mayonnaise sa entablado. Malabarkada ang turing sa mga naghihiyawang madla; puno ng kaligayahan at hiyawan ang entabladong binuhay ng ritmo ng mga awiting “Synesthesia,” “Kapag Lasing Malambing,” at “Jopay.”
Sa pagtatapos ng gabi, hinabi ng Autotelic ang mga huling nota ng musika—mga himig na bumungkal sa gunita ng OPM Indie Scene. Sa mga kantang tulad ng “Laro” at “Langoy,’” naipadama nila ang halina ng pakikisalamuha at ang ganda ng pagiging kasama sa mundong itinindig ng orihinal na musika.
Espasyong puno ng diwa
Hindi lamang musika ang inihandog ng Minsan Fest sa publiko. Nagsilbi ring lugar sa malayang pamamahayag ng sarili ang pistang pangmusika. Siksikan man ang mga manonood sa luntiang parke ngunit makikitang may kani-kaniyang espasyo ang bawat tao. Umindayog sa musika ang mga magkasintahan—pareho man o magkaiba ang kasarian—habang magkahawak ang puso at mga kamay na tila ayaw bumitaw.
Naroroon din ang mga magbabarkadang naghihiyawan, waring sila lamang ang tao sa mundo habang ninanamnam ang mga sandali at nakikisabay sa daloy ng mga paboritong kanta. Hindi rin nawala ang presensiya ng mga mag-isa lamang na dumalo. Kasabay ng madla, nag-alab ang kanilang diwa at patuloy na nagliyab kahit nag-iisa sa gitna ng karamihan.
Nagkaroon ng lakas ng loob ang bawat isang ipakita ang kanilang tunay na pagkatao sa bawat taludtod at indayog ng mga awiting narinig sa Minsan Fest. Sa bawat hiningang sumasabay sa saliw ng tugtugan, naihatid ang bawat isa sa kanlungan ng musika.
Minsang tungo sa palagian
Bunsod ng adhikaing magbigay-lingkod ng Minsan Studios sa mga sumusubaybay sa musikang Pilipino, nilikha nila ang isang konsiyertong bukas at abot-kamay para sa kabataan at sa masa. Isa itong konsiyertong walang headliner at walang mga kategoryang humahati sa madla base sa halaga ng mga tiket. Iginiit ni Jason Conanan, tagapagtatag ng Minsan Studios, ang hangaring itaguyod ang patas na pagbabahagi at pagtutulungan sa lokal na eksenang pangmusika.
Bilang panimulang hakbang para sa relasyong may pagkalinga at pagbabalik-tanaw, inialay nila ang Minsan Fest—isang regalo mula sa puso ng Minsan Studios para sa mga alagad at tagapakinig ng musika. Ipinakita nila sa pagbuo ng makabagong proyekto ang pagkakapantay-pantay ng lahat—mapamusikero man o manonood.
Sa pagtataguyod ng unang Minsan Fest, pinatunayan nitong karapat-dapat ang orihinal na musikang Pilipino sa entablado ng tagumpay. Naging tulay ang konsiyerto sa pag-iisa ng mga puso ng mga musikero at mga tagapakinig nito upang ipagdiwang ang lakas at ganda ng lokal na mga himig. Nagsilbing patunay ang entablado ng Minsan Fest sa pag-unlad ng lokal na musika. Isa itong makasaysayang marka sa simula ng isang bagong tradisyon—ang pagpapatuloy ng minsanang konsiyerto bilang isang natatanging pagdiriwang ng ating kultura at talento.