Green Archers, itinali ang mabagsik na Bulldogs

Kuha ni Betzaida Ventura

IKINANDADO ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kanilang ikatlong panalo kontra sa mapangahas na National University (NU) Bulldogs, 69–64, sa 18th Filoil EcoOil Preseason Cup sa Filoil EcoOil Centre kahapon, Hunyo 25.

Kinilalang Player of the Game si DLSU point guard Kean Baclaan na pumukol ng 18 puntos, tatlong assist, at dalawang rebound.

Pinangunahan naman ng tambalang Jake Figueroa at Nat Tulabut ang karera ng asul na koponan matapos magpasiklab ng tig-11 puntos. 

Agarang nagpasiklab ng 9–2 run ang Jhocson-based squad sa pagsisimula ng unang yugto, ngunit pinangunahan ni Baclaan ang pagratsada ng Berde at Puting pangkat sa bisa ng tres sa 3:36 na marka, 5–9, na ginatungan pa niya ng buzzer beater bank shot upang tuluyang sulutin ang kalamangan, 16–11. 

Mainit na sinimulan ng Green Archers ang ikalawang kuwarter matapos kumamada ng tig-isang fast break sina sophomore Andrei Dungo at veteran EJ Abadam mula sa pasa ni Baclaan, 20–11, na siya ring sinamantala ni Jacob Cortez nang magpakawala ng tres sa huling tatlong segundo ng naturang yugto, 37–26. 

Kasunod ng maaksiyong salpukan sa bungad ng second half, nagpundar ng 8–0 run ang mga taga-Jhocson kaakibat ng mga pinukol na tres nina Bobby Parks at Tulabut, 44–39, subalit pinilit na sabayan ni Baclaan ang tulin ng Bulldogs gamit ang mga suwabeng drive, 53–42, bago makakuha ng foul si Green Archer JC Macalalag upang tuldukan ang ikatlong kuwarter sa free-throw line, 54–44.

Bitbit ang hangaring idikit ang iskor, nagpaulan ng tres ang Jhocson-based scoring duo na sina Kapitan Nash Enriquez at Tulabut, 61–59, ngunit sinupalpal sila ng nakagigimbal na opensa ni DLSU rookie Mikey Cortez, 63–59, na sinundan pa niya ng pagdagundong sa labas ng arko, 66–61, hanggang sa tuluyang tinapos ni Baclaan ang bakbakan sa free-throw line, 69–64. 

Pagbabahagi ni Baclaan sa post-game press conference hinggil sa kaniyang pagharap sa kaniyang mga dating kasama sa NU, “Once na nakakatapat ko sila, sinisimulan ko sa practice. Sinasabi ko sa teammates ko, ‘gusto ko mag-lock in.’”

Kinomenda rin ni DLSU Head Coach Topex Robinson ang ipinakikita ni Baclaan sa pagsasanay at sa kanilang mga opisyal na laban, ngunit hindi niya rin ikinaila na marami pang mailalabas na bala ang bagong saltang Green Archer.   

Tangan ang 3–0 panalo-talo baraha, susubukang paigtingin ng Green Archers ang kanilang malinis na rekord kontra Far Eastern University Tamaraws sa parehong lugar sa ika-4:00 n.h. sa susunod na Biyernes, Hulyo 4.

Mga Iskor:

DLSU 69 – Baclaan 18, Cortez J. 11, Amos M. 10, Abadam 7, Phillips 6, Cortez M. 5, Melencio 4, Macalalag 3, Marasigan 3, Dungo 2, Nwankwo 0, Amos C. 0.

NU 64 – Tulabut 11, Figueroa 11, Manansala 10, Enriquez 9, Jumamoy 8, Santiago 5, Palacielo 4, Francisco 3, Parks 3, Padrones 0, Dela Cruz 0, Solomon 0, Alfanta 0, Navarro 0, Reyes 0.
Quarter scores: 16–11, 37–26, 54–44, 69–64.