
AARANGKADA ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa quarterfinal round ng 18th Filoil EcoOil Preseason Cup matapos buwagin ang hanay ng Far Eastern University Tamaraws, 90–66, sa Filoil EcoOil Centre, Hulyo 4.
Hinirang na Player of the Game si point guard Kean Baclaan nang magsumite ng 14 na puntos, apat na rebound, at tatlong assist.
Hindi rin nagpadaig si Kapitan Mike Phillips matapos pumoste ng 10 puntos, siyam na rebound, at tatlong assist upang pagtibayin ang kampanya ng Green Archers kontra sa nagkukumahog na Tamaraws.
Nanguna naman para sa Morayta-based squad si foreign student-athlete Mohamed Konateh at Team Captain Janrey Pasaol na nagtala ng pinagsamang 24 na marka.
Agad na pumundar ng puntos mula sa gitna si small forward Andrei Dungo para sa mga taga-Taft sa pagsisimula ng unang kuwarter, 4–2, na siya namang sinubukang habulin ng Morayta mainstays sa bisa ng tres ni Liam Salangsang, ngunit agad itong sinagot ng layup ni Phillips upang mapasakamay ng DLSU ang bentahe, 17–15.
Bumida naman si Baclaan sa ikalawang yugto ng sagupaan matapos magpakawala ng magkasunod na floater at free throw, 25–17, na inagapayan pa ng dos ni shooting guard Jcee Macalalag upang kamkamin ang abante sa pagtatapos ng first half, 45–29.
Tangan ang momentum sa nagdaang bahagi ng salpukan, agad na nagpasiklab ng opensa ang Taft-based squad nang magpaulan ng tres si Rhyle Melencio, 57–39, bago tuluyang pinalobo ni point guard Ethan Alian ang kalamangan gamit ang layup sa huling minuto ng ikatlong yugto, 66–46.
Pagpatak ng huling kuwarter, pumukol ng short jumper si Baclaan na sinundan pa ng mga tirada sa labas ng arko ng mga bagong saltang sina Dominic Sarmiento at CJ Amos upang siilin ang ikaapat na panalo ng Berde at Puting hanay sa torneo, 90–66.
Tatangkaing wakasan ng Green Archers ang elimination round sa bisa ng tagumpay kontra University of the East Red Warriors sa ika-4:00 n.h. sa parehong lunan ngayong Linggo, Hulyo 6.
Mga Iskor:
DLSU 90 – Baclaan 14, Philips 10, Pablo 9, Sarmiento 9, Alian 8, Melencio 8, Cortez J. 7, Amos CJ 7, Nwanko 5, Amos M. 4, Dagdag 3, Macalalag 2, Abadam 2, Dungo 2, Cortez M. 0, Zamora 0.
FEU 66 – Konateh 15, Pasaol 9, Ona 7, Bagunu 6, Salansang 6, Mongcopa 5, Jones 5, Bautista 4, Felipe 4, Montemayor 3, Galvez 2, Macapagal 0, Beato 0.
Quarterscores: 17–15, 45–29, 66–46, 90–66.