
PINALUPAYPAY ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 94–86, upang selyuhan ang kanilang puwesto sa quarterfinals ng 18th Filoil EcoOil Preseason Cup sa Filoil EcoOil Centre kahapon, Hulyo 9.
Muling nagningning bilang Player of the Game si point guard Kean Baclaan nang magrehistro ng 18 puntos, pitong assist, limang rebound, at isang steal.
Umagapay rin ang kapuwa point guard na si Jacob Cortez matapos umukit ng 11 marka kaakibat ang tig-walong rebound at assist.
Inakay naman ni shooting guard Ice Danting ang España mainstays nang magpaulan ng 19 na puntos matapos mamuhunan sa labas ng arko bitbit ang anim na tres at isang free throw.
Maagang nagpasiklab ang dalawang kampo nang agarang tablahin ang talaan sa bisa ng layup nina Cortez at tigreng si Gelo Crisostomo, 9–all, na siya namang pinalobo ni Baclaan matapos tumubos ng magkasunod na bank shot, 23–15, ngunit agad itong winasak ni point guard Kyle Paranada sa bisa ng buzzer-beater three pointer upang tapyasin ang kalamangan ng mga nakaberde, 26–23.
Umalingawngaw naman ang hiyaw ng madla nang sumalaksak ng dunk si DLSU big man Mike Phillips upang buksan ang ikalawang kuwarter ng sagupaan, 28–26, subalit pinadagundong din ni Danting ang kort matapos kumamada ng magkasunod na tres, 50–48, bago magrehistro ng bank shot si Green Archer Jcee Macalalag upang tuldukan ang naturang yugto, 52–49.
Patuloy ang pananalasa ni Baclaan sa gitna matapos pumukol ng magkasunod na jumper, 58–52, ngunit nagparamdam pa munang muli si Danting sa labas ng arko upang idikit ang bakbakan, 69–66, bago tuluyang nangibabaw ang puwersa ng Taft nang wakasan ni Cortez ang ikatlong kuwarter sa free-throw line, 75–71.
Pagdako sa huling yugto ng bakbakan, muling ginulantang ni Phillips ang kort matapos kumamada ng dunk upang ibalandra ang pinakamalaki nilang kalamangan, 90–78, na agad na binuweltahan ng dalawang magkasunod na tres ng tigreng sina Reuben Estacio at Mur Alao, 90–84, subalit tuluyang binihag ng Taft mainstays ang mga taga-España upang mamalagi sa rurok ng UAAP bracket at umabante sa quarterfinals ng torneo, 94–86.
Pagbabahagi ni Baclaan sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ukol sa pagkakaroon ng pressure bitbit ang malinis nilang kartada bago harapin ang UST, “Sabi lang ni coach na hindi namin kailangang maging better team [kasi] kailangan naming maging elite team. So, every game talaga, 110% ‘yung binibigay namin. Balewala naman sa amin kung may talo kami o wala. Importante sa amin is kailangan naming maglaro every game nang maayos.”
Dagdag ni Baclaan hinggil sa motibasyong gagamitin tungong quarterfinals, “Siguro, ‘yung last campaign namin sa UAAP. Hindi kami nag-champion, so malaking boost sa amin ‘tong preseason once na makuha namin ‘yung championship and ‘yon—very game, ibibigay lang namin ‘yung best namin.”
Tangan ang momentum, susuungin ng Taft mainstays ang Arellano University Chiefs sa crossover quarterfinal round ng torneo sa parehong lunan sa ika-4:00 n.h. sa Biyernes, Hulyo 11.
Mga Iskor:
DLSU 94 – Amos 18, Baclaan 18, Phillips 14, Cortez J. 11, Dungo 8, Macalalag 7, Cortez M. 6, Marasigan 6, Pablo 4, Abadam 2, Nwankwo 0.
UST 86 – Danting 19, Cabanero 18, Osang 8, Padrigao 7, Danting 7, Paranada 6, Bucsit 6, Buenaflor 5, Laure 4, Estacio 3, Alao 3, Acido 0, Calum 0.
Quarterscores: 26–23, 52–49, 75–71, 94–86.