Green Archers, ipinagkait ang kontrol sa Chiefs

Kuha ni Josh Velasco

PINATALSIK ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Arellano University Chiefs, 95–77, sa quarterfinals ng 18th Filoil EcoOil Preseason Cup sa Filoil EcoOil Centre kahapon, Hulyo 11. 

Itinanghal na Player of the Game si DLSU power forward Mason Amos matapos magrehistro ng 15 marka, dalawang rebound, at isang assist.

Umagapay rin sa kaniya ang matitikas na guard ng Taft na sina Kean Baclaan at JC Macalalag na nagpasiklab ng tig-12 puntos.

Pinangunahan naman ni point guard T-Mc Ongotan ang Legarda mainstays matapos pumukol ng 17 puntos, dalawang assist, dalawang steal, at isang block.

Maagang nakaporsiyento ang Legarda-based squad mula sa fast break ni Ongotan sa pagsisimula ng bakbakan, 4–6, na sinagot ni Macalalag sa labas ng arko sa 7:06 na marka, 7–6, ngunit muling sinulot ni AG Borromeo ang kalamangan para sa mga nakaasul sa huling 20.9 na segundo ng unang yugto, 22–23.

Dikdikang sagupaan ang sumalubong sa unang dalawang minuto ng ikalawang kuwarter, 27–all, ngunit umarangkada ang Green Archers sa bisa ng 8–0 run buhat ng pagdagundong ni center Bright Nwankwo sa loob mula sa pasa ni point guard Jacob Cortez, 39–32, na siyang ginatungan ng tres ni Earl Abadam sa 2:09 na marka, 50–40, bago ang tangkang pag-apula ni Basti Valencia para sa Chiefs sa pagtatapos ng first half, 53–48. 

Ginulantang ng Arellano ang depensa ng luntiang koponan sa pagbubukas ng second half upang angkinin ang bentahe gamit ang tirada ni Ongotan sa loob, 57–58, ngunit hindi ito nagtagal matapos kumumpas ng sariling bersiyon ng pagratsada ang Taft mainstays kaakibat ng hook shot ni Cortez, 70–60, bago tapusin ng bagong saltang si Luis Pablo ang ikatlong yugto sa free-throw line, 72–62.

Agarang rumatsada ng 9–0 run ang mga manunudla sa huling yugto sa pangunguna ni Amos sa labas ng arko, 79–62, na lalo pang pinaliyab ni shooting guard Macalalag matapos kumamada ng anim na marka pagpatak ng 6:02 ng orasan, 85–70, bago samantalahin ni rookie Denzel Dagdag ang momentum upang tuluyang markahan ang puwesto ng DLSU sa semifinals, 95–77. 

Pagpapahayag ni DLSU Head Coach Topex Robinson sa post-game press conference tungkol sa tingin niyang magiging bentahe ng Berde at Puting pangkat sa nalalapit na pagtatapos ng naturang torneo, “Just having readily available guys when the situation arises depending on what the teams are presenting sa amin.”

Nang tanungin naman si Macalalag hinggil sa kaniyang malaking ambag sa opensa sa kabila ng defensive role, ipinagpasalamat ng beterano ang suportang ibinibigay sa kaniya ni Coach Topex sa ensayo na nagpalakas sa kaniyang kumpiyansa upang makapaghatid ng mga tiradang handang umalalay sa Taft-based squad.

Hahamunin ng Green Archers ang dilaab ng defending champions University of the Philippines Fighting Maroons sa semifinals sa parehong lugar sa ika-4:00 n.h. sa Linggo, Hulyo 13.

Mga Iskor:

DLSU 95 – Amos M 15, Baclaan 12, Macalalag 12, Cortez J 9, Phillips 9, Marasigan 9, Abadam 8, Dungo 8, Pablo 7, Nwankwo 4, Dagdag 2, Cortez M 0, Quines 0, Melencio 0.

Arellano 77 – Ongotan 17, Vinoya 11, Borromeo 10, Valencia 10, Camay 8, Libang 4, Hernal 4, Buenaventura 3, Cabotaje 3, Abiera 3.

Quarterscores: 24–25, 53–48, 72–62, 95–77.