Green Archers, nasilaw sa dilaab ng Fighting Maroons

Kuha ni Betzaida Ventura

NAHULOG ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa patibong ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 78–83, sa semifinals match ng 18th Filoil EcoOil Preseason Cup sa Filoil EcoOil Centre, Hulyo 13. 

Nagsilbing tanglaw para sa Berde at Puting koponan si point guard Jacob Cortez na nagpasiklab ng 16 na puntos at anim na rebound. 

Sumaklolo rin ang kaniyang kapuwa point guard na si Kean Baclaan matapos kumamada ng double-double mula sa 14 na marka, 10 rebound, at walong assist. 

Binansagan namang Player of the Game si UP floor general Rey Remogat matapos magrehistro ng 14 na marka, dalawang rebound, at isang assist. 

Maaksiyong eksena ang bumungad sa pagsisimula ng salpukan buhat ng palitan ng tres nina Fighting Maroon Gerry Abadiano at Green Archer Mason Amos, 7–all, ngunit nagpakitang-gilas ang scoring duo ng Taft na sina Amos at Baclaan upang isukbit ang bentahe sa huling dalawang minuto, 21–13, bago tapusin ni UP center Seven Gagate ang unang yugto sa loob ng paint, 21–15.

Agad na rumatsada ng 7–0 run ang Green Archers sa ikalawang kuwarter kaakibat ng pag-ukit ni Baclaan ng offensive rebound na kaniyang pinakinabangan sa loob, 28–15, na siyang ginatungan pa ni shooting guard Vhoris Marasigan ng dos mula sa pasa ni Amos sa 4:23 marka, 38–25, bago kumamada ng sariling marka si Amos sa first half gamit ang hook jumpshot, 45–31.

Hinablot ng Diliman-based squad ang momentum sa pagratsada ng second half sa bisa ng mga tirada ni Remogat sa labas at Jalen Stevens sa loob, 48–46, ngunit sinubukang sindihan ni Marasigan ang dilaab ng Taft sa paint sa 3:31 marka, 51–46, na agad sinagot ni Fighting Maroon Reyland Torres gamit ang tres sa huling pitong segundo ng ikatlong kuwarter upang neutralisahin ang talaan, 56–all. 

Kumaripas ang Taft mainstays upang muling angkinin ang bentahe sa huling yugto ng bakbakan gamit ang fast break play ni Luis Pablo mula sa pasa ni Baclaan, 62–56, at sinubukang sagutin ni power forward Mike Phillips ang rumaragasang puwersa ng UP gamit ang slam pagpatak ng 2:41 ng orasan, 71–69, subalit tuluyang naiguhit ang trahedya sa palad ng mga nakaberde sa bisa ng panapos na free throw ni Abadiano, 78–83. 

Susubukang isukbit ng luntiang koponan ang tansong medalya kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa parehong lugar sa ika-2:00 n.h. sa Miyerkules, Hulyo 16. 

Mga Iskor:

DLSU 78 – Cortez 16, Baclaan 14, Phillips 12, Amos 11, Marasigan 11, Pablo 6, Nwankwo 5, Macalalag 3, Abadam 0, Dungo 0.

UP 83 – Remogat 14, Abadiano 12, Stevens 12, Alarcon 9, Torres 9, Nnoruka 6, Alter, 6, Briones 6, Belmonte 2, Bayla 2, Gagate 2, Fortea 2, Felicilda 1, Andres 0.
Quarterscores: 21–15, 45–31, 56–56, 78–83